Mood:
Now Playing: Sound clip ng Encantadia
Topic: Samu't Sari
Daang beses na akong nasaktan sa mga ginawa niya. Libong hiwa sa puso ang idinulot ng mga katarantaduhan niya. Hindi na siya bata pero nanghihingi pa rin ng pera, o inihihingi pa rin ng ina niya. Paulit-ulit na mga pangyayari. Ang naiiba lang ay ang lugar at oras. Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pareho lamang. Meron pa palang naiiba – ang mga dahilan kung bakit nanghihingi ng pera.
Ewan ko ba pero hindi ko maisip bakit hindi ko siya nakatulad na hindi nangarap na maging iba – ang gamitin ang kakayahan upang hindi manghingi o magmakaawa para magkapera at matustusan ang mga pangangailangan. Hindi ko pinangarap na ako ay kaawaan, kasawaan at sa bandang huli ay kamuhian dahil sa walang tigil na panghihingi. Hindi ko pinangarap na maging PABIGAT. Paano kasi ay nakita ko ang pangit na mukha ng kahirapan – ang sakit na dulot nito, ang latay nito sa aking katauhan at ang kawalan ng halaga sa lipunang ginagalawan dahil sa kahirapan.
Nakakasawa ang mangaral lalo na at walang interes makinig at matuto ang pinangangaralan. Nakakagalit na patuloy na nanloloko ang tinutulungan, patuloy na walang pagbabago na iyon lamang naman ang inaasahang kabayaran – ang PAGBABAGONG BUHAY. Nakakaawa, oo. Pero nakakasawa din.
Nakakatawa na kung kailan huli na (may sakit na o wala nang kakayahan) ay saka pa lamang magtatrabaho. Paubos na ang lakas at kabataan ay saka pa magkukumahog na gumawa ng paraan para magkapera. Kung kailan ang panahon ay tila nagmamadaling magpaalam. Kung kailan ang mga taong tinatakbuhan at sinasandigan ay nauubos na rin ang kakayahang tumulong. Paano nga ay wala namang nagsasanga dito sa mundo. Lahat ay may hangganan.
Nasaan ba ang hiya mo? Mahigit nang tatlong dekada ang nagdaan. Pero nanghihingi ka pa rin sa mga kapatid mo na minumura mo, pisikal na sinasaktan, pinagbabantaan ang buhay o pinagsasalitaan ng mga bagay na hindi naman totoo. O inihihingi ka pa rin ng ina mo, na hindi mo naman lubusang iginagalang.
Nasaan ba ang utak mo? Sinayang mo lamang ito kasama ang lakas at panahon na dati ay nasasaiyo. Nasira na ba ito ng kawalan ng saysay ng buhay mo?
Nasaan ka na? Nasaan ka na ba? Sa totoo, makasarili ka kasi. Wala sa intensyon mo ang magsilbi o tumulong nang tapat. Ang mababaw mong pangarap ay manghingi at gumasta ng pera ng iba. Masarap sa iyo ang binibigyan. Pero sa totoo, mas masarap ang nagbibigay. Alam mo ba ito? Palagay ko, alam mo naman. Pero ayaw mong paniwalaan. Masyado ka kasing matalino. Matalinong hunghang.