LINKS
ARCHIVE
« February 2005 »
S M T W T F S
1 2 3 4 5
6 7 8 9 10 11 12
13 14 15 16 17 18 19
20 21 22 23 24 25 26
27 28
Wednesday, 16 February 2005
MGA LINTA PATI NA SA LIPUNAN
Mood:  sad
Topic: Ang Lipunan
(Filipino translation of Leeches... Even in the Society) Naalala ko noong ako ay grade schooler pa, napuna ng isa sa mga kaeskuwela ko ang tila pahabang itim na dumi sa aking binti. Inakala ko na dumi nga lamang at ito ay pinalis ng aking kamay. Hindi naalis. Laking takot ko nang sumigaw ang kaeskuwela ko, “Linta! Linta ‘yan!” Nanlaki ang ulo sa sindak at ubos lakas na inalis ko ang pagkakapagkit nito sa aking likurang binti. Nag-iwan ito ng latay na umabot ng ilang araw bago nawala. Nakakapagtakang hindi ko naramdaman na sinisipsip na ng linta ang dugo ko. Katulad ng nilalang na linta, may mga linta sa lipunang ating ginagalawan. Hindi pansinin dahil ikinukubli ang maiitim na motibo at intensyon, pinapalamutian ng kunwari’y kabaitan na yun naman pala’y kasakiman, itinatago sa pamamagitan ng mga matatamis na ngiti na yun naman pala’y ngiting aso, ikinukubli ng mga pag-aalalang yun naman pala’y peke at hindi totoo. Dalawang uri ang linta, ayon sa aking nasaliksik. Isang uri ng linta ay iyong sumisipsip ng walang mararamdaman ang biktima dahil sa taglay nitong laway na tumutulong sa hindi pagbubuu-buo ng dugo o iyong tinatawag na clotting. Ito ang uri ng linta na tumutulong sa medisina at ginagamit sa pagtatanggal ng impeksyon ng isang sugat. Ano naman kaya ang kontribusyon ng mga linta sa lipunan? Tulad ng uring iyon ng linta, ang mga linta sa lipunan ay halos hindi rin kapansin pansin sa una. Ito nga ay sa kadahilanang patago ang pagsipsip sa katas ng biktima. Kung maaari, hindi ito dapat mahalata, malaman, o mabulgar sa nakakarami. Sa kalaunan naman ay nalalaman pa rin sapagkat tiyak na tiyak na may makakapansin. Tulad ng linta sa aking likurang binti na napansin ng aking kaeskuwela. Maaasahan naman sila ng kinakatas na biktima dahil mayroon silang nasisipsip mula rito kung baga. Syempre nga naman, nakikinabang at ano pa ba naman ang silbi nila kung walang mahihita sa kanila? Ang isang linta raw ay kayang sumisipsip ng dugo na tatlong beses ng kanilang bigat sa isang pagkakataon. At pwedeng tumagal ng ilang buwan na hindi sumisipsip pagkatapos nito. Ang isang dulo nito na nagsisilbing harapan ay naroon ang maraming mata at minsan pa nga ay tatlong ngipin na siyang ginagamit sa pagsipsip. Nakakatawang isipin na may pagkakaiba pala ang nilalang na linta at ang linta sa lipunan. Habang ang linta sa mga sapa at lawa ay nag-iimbak para sa matagalang pangangailangan ng katawan, ang linta naman sa lipunan ay walang kapaguran sa pagsipsip sa katas ng kanilang biktima, walang awa at konsiderasyon sa kalagayan nito at sa maaaring pang bigyan ng katas nito. Kumbaga, habang may katas, sipsip lang ng sipsip. Hindi sila napapagod at walang pakiramdam, walang pakialam kung napapagod na ba ang biktima nila. Habang ang mga mata, katulad ng nilalang na linta, ay palaging nakamasid sa masisila. Maaaring iisipin mo na hindi ka kabilang dito… pero isipin mong mabuti. Hindi kaya isa ka sa mga linta na kinamumuhian ng mga kasama mo, kasambahay, kamag-anak, katrabaho, kakilala, kaibigan, o pinagsisilbihan? Kung hindi naman, mabuti at may matino kang kaisipan, may konsiderasyon at isa kang responsableng nilalang. Mabuti at higit ka sa nilalang na linta, mataas ang antas dahil nag-iisip at hindi makasarili.

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink

View Latest Entries