Mood: irritated
Topic: Ang Lipunan
Ang ganda ng ngiti sa akin ni Juana isang araw. Ang bati, “Ang sexy mo ngayon, Bing!” “Thank you!” sagot ko. Ewan ko ba kung bakit hindi ako nakaramdam ng kasiyahan sa komentong iyon. Kasi nama’y kilala ko na ang taong iyon sa pagiging plastik. Plastik ang tawag sa mga taong hindi totoo. Hindi sincere sa mga sinasabi at ipinapakita. Tinatawag din silang “Tupperware” o “Orocan”. Hindi ko alam kung mayroon ng bagong termino sa ganitong uri ng mga tao sa henerasyong ito. Basta, ang alam ko, hindi sila totoo, sila’y mga huwad na nilalang sa mundo. Di nga ako nagkamali sa aking naramdaman. Nalaman ko na hayun at si Juana ay nagkakalat ng komentaryo tungkol sa aking pananamit. At ang sabi pa raw na tila ganito “Bakit ganoon manamit si Bing? Para pa ring dalaga…” Hindi naman ako sigurado sa eksaktong ikinalat niya pero sigurado akong may mga sinasabi siyang masama o negatibo pag nakatalikod na ako. Tipikal sa isang plastik na taong tulad niya. Ngani-ngani kong sugurin at itanong “Ano ba ang problema mo sa pananamit ko?” Pero tiyak itatanggi nito ang sinabi niya. Plastik na, duwag pa. At isa pa, bakit naman ako magpapaapekto sa isang tulad niya? Mababaw na nga ang lebel ng pag-iisip, papatulan ko pa. Wala namang problema kung may magsasabi sa akin ng kanilang mga opinion tungkol sa pananamit, hitsura, katauhan, at marami pang iba tungkol sa sarili ko. Pero hindi kaya mas maganda kung tuwiran na lamang sasabihin sa akin ang mga iyon. Naniniwala ako na ang pagsasabi ng tapat ay katumbas ng pagsasama ng maluwat. At isa pa, mas mararamdaman ko ang isang pag-aalala kung hindi na ito ikinakalat sa iba para lamang may pag-usapan. Mas ayos kung ito ay sasabihin na mismo sa taong iyong pinapansin o napapansin. Pero subukan mo ang magkomento tungkol sa plastik na taong ito. Tiyak na mamasamain kahit na gaano pa kaganda ito sinabi. Me problema kasing sikolohikal ang mga ganitong uri ng tao. Nakakaawa lamang. Hindi alam ni Juana na kilala na siya sa buong opisina sa ugali niya. Akala niya yata kasingbabaw ng pag-iisip niya ang mga nakapaligid sa kanya. Iniiwasan na nga ang magkwento tungkol sa kanya ng nakakarami at ng mga unti unting nakakahalata sa kanyang pag-uugali. Tsk… tsk… plastik talaga… Hayun at kampante sa pagngiti sa akin. Para bang walang sinasabi o ginagawang masama kapag nakatalikod ako. Hay… plastik!
Posted by bingskee
at 11:01 PM