Mood: chatty
Topic: Si Ako
Madalas akong napagkakamalang mataray dahil sa aking kaliwang kilay. Hindi kasi pantay ang kanan at kaliwang kilay ko. Mas nakaarko ang kaliwa. Inggit na inggit ako (hindi naman yung inggit na papatay o maninira ng kapwa, ha?) sa mga nilalang (babae o lalaki) na biniyayaan ng magandang pares ng kilay. Nagmumukha kasing maamo ang mukha ng isang tao kapag maganda ang tubo ng kilay at hindi nakaarko.
Kailangang ahitin o di kaya’y bunutin (pluck yata yun sa Ingles) ang kilay ng isang babae kung kalat o sabog at kung makapal ang kilay niya. Pwede rin namang mag-ahit ang mga lalaki (basta palihim ha, or els, mapagkakamalan kayo). Sa madaling salita, kailangang ayusin ang kilay para naman maging maayos ang mukha.
Mabalik tayo sa kilay at sa pagiging mataray. Ilang beses na akong nasabihan na akala nila ako ay mataray at hindi approachable dahil sa aking ahit na kaliwang kilay. Kapag ako na ay nagbiro at ilang panahon na akong nakasama, sasabihin sa ‘kin, “Mabait ka pala. (Naks! Sila ang me sabi niyan, ha)” o di kaya’y “Ok ka pala!” Napapangiti lamang ako. Ilang kwento lang at mga green jokes, mabait na ako? Hindi lang nila alam kung paano ako magalit he he.
Paano kung ang isang tao ay duling o banlag? Sabi kasi ng iba “Ang duling walang gawang magaling.” Sapat na bang maniwala at husgahang wala ngang gawang magaling si duling? O di naman kaya yung mga obserbasyon na “Ang laki ng bibig niyan, siguro tsismosa yan!” Narinig nyo na ba yung kasabihang “Ay, maitim ang gilagid, pangit ang ugali niyan.” Dapat bang paniwalaan ang mga ‘yon?
Para sa akin, nagiging maganda ang tao kahit hindi naman siya kagandahan o kagwapuhan kung ang naririnig sa kanya ay maganda, o ang ginagawa niya ay maganda. Sa mga kontrabida nga sa pelikula, ilan diyan ang matutuwa ka at sila pa ang down-to-earth people sa totoong buhay. Pero pansinin mo, mukha silang lahat mataray, matapang, nakakatakot pa nga minsan. At yung ilang mga naggagandahan at naggwa-gwapuhan ang siyang maisusumpa mo ang pag-uugali.
O, tatanungin mo ba kung bakit ako nag-aahit ng kilay? Hindi para magmukhang mataray. Kelangan kong alisin ang mga naliligaw na kilay. At oo nga pala, pareho kung inaahit ang mga kilay ko – kaliwa at kanan.