Mood:

Topic: Opismeyts
Isa siyang supervisor sa kumpanyang pinapasukan ko. Sa totoo, marami rin ang mga supervisor doon. 'Yun nga lang, isa siya sa natatangi. Karaniwan lang naman ang itsura niya. Isa rin namang simpleng tao, na may mga kahinaan din.
Pero hindi karaniwan ang dedikasyon sa trabaho. Dedikasyon na hindi paimbabaw, dedikasyon na walang halong pagkukunwari, dedikasyon na hindi pagsisipsip kung hindi malasakit sa trabaho. Kahanga-hanga ang pagbibigay niya ng mga suhestiyong makakatulong at nakakapagpabilis ng trabaho. Kahanga-hanga dahil si Rey ay hindi nakapagtapos ng kilalang kurso sa engineering, o accounting, o management, atbp. Isa siyang gradweyt ng vocational course. Pero daig niya ang mga nagtapos ng 4 o 5 taong kurso. Ngayon ko nga lang napag-isipan nang husto - wala rin sa tinapos na kurso ang kakayahan ng isang tao - nasa dedikasyon sa trabaho, nasa pag-uugali, nasa work attitude..
Sayang nga lamang at walang programa sa aming kumpanya na kumikilala sa mga taong tulad niya. Walang pagkakaiba ang turing sa nagtatrabaho at hindi nagtatrabaho, nang maayos. Wala rin namang napapala sa mga pagsisikhay na makahanap ng paraan para bumilis at maging tuluy-tuloy ang trabaho. Buti na nga lamang at hindi nagpapa-apekto si Rey sa mga ganitong sitwasyon. Trabaho lang, walang personalan, 'ika nga..
Bakit Tito Rey ang tawag sa kanya? Ang damontres, kahilig kasing magtatawag ng 'tita' kahit sa mga babaeng hamak ang kabataan sa kanya. Istilo niya kasi. Chick boy kasi, e (isa sa kahinaan niya). Buti na lang at meron siyang kaibigang tulad ko na palaging nagpapa-alala na 'gastos lang 'yan!".
Mabuhay si Tito Rey! (tatakbo ka ba?).