LINKS
ARCHIVE
« November 2005 »
S M T W T F S
1 2 3 4 5
6 7 8 9 10 11 12
13 14 15 16 17 18 19
20 21 22 23 24 25 26
27 28 29 30
Wednesday, 30 November 2005
Dapat Bang Maawa?
Mood:  crushed out
Now Playing: Sound clip ng Encantadia
Topic: Samu't Sari

Daang beses na akong nasaktan sa mga ginawa niya. Libong hiwa sa puso ang idinulot ng mga katarantaduhan niya. Hindi na siya bata pero nanghihingi pa rin ng pera, o inihihingi pa rin ng ina niya. Paulit-ulit na mga pangyayari. Ang naiiba lang ay ang lugar at oras. Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pareho lamang. Meron pa palang naiiba – ang mga dahilan kung bakit nanghihingi ng pera.

Ewan ko ba pero hindi ko maisip bakit hindi ko siya nakatulad na hindi nangarap na maging iba – ang gamitin ang kakayahan upang hindi manghingi o magmakaawa para magkapera at matustusan ang mga pangangailangan. Hindi ko pinangarap na ako ay kaawaan, kasawaan at sa bandang huli ay kamuhian dahil sa walang tigil na panghihingi. Hindi ko pinangarap na maging PABIGAT. Paano kasi ay nakita ko ang pangit na mukha ng kahirapan – ang sakit na dulot nito, ang latay nito sa aking katauhan at ang kawalan ng halaga sa lipunang ginagalawan dahil sa kahirapan.

Nakakasawa ang mangaral lalo na at walang interes makinig at matuto ang pinangangaralan. Nakakagalit na patuloy na nanloloko ang tinutulungan, patuloy na walang pagbabago na iyon lamang naman ang inaasahang kabayaran – ang PAGBABAGONG BUHAY. Nakakaawa, oo. Pero nakakasawa din.

Nakakatawa na kung kailan huli na (may sakit na o wala nang kakayahan) ay saka pa lamang magtatrabaho. Paubos na ang lakas at kabataan ay saka pa magkukumahog na gumawa ng paraan para magkapera. Kung kailan ang panahon ay tila nagmamadaling magpaalam. Kung kailan ang mga taong tinatakbuhan at sinasandigan ay nauubos na rin ang kakayahang tumulong. Paano nga ay wala namang nagsasanga dito sa mundo. Lahat ay may hangganan.

Nasaan ba ang hiya mo? Mahigit nang tatlong dekada ang nagdaan. Pero nanghihingi ka pa rin sa mga kapatid mo na minumura mo, pisikal na sinasaktan, pinagbabantaan ang buhay o pinagsasalitaan ng mga bagay na hindi naman totoo. O inihihingi ka pa rin ng ina mo, na hindi mo naman lubusang iginagalang.

Nasaan ba ang utak mo? Sinayang mo lamang ito kasama ang lakas at panahon na dati ay nasasaiyo. Nasira na ba ito ng kawalan ng saysay ng buhay mo?

Nasaan ka na? Nasaan ka na ba? Sa totoo, makasarili ka kasi. Wala sa intensyon mo ang magsilbi o tumulong nang tapat. Ang mababaw mong pangarap ay manghingi at gumasta ng pera ng iba. Masarap sa iyo ang binibigyan. Pero sa totoo, mas masarap ang nagbibigay. Alam mo ba ito? Palagay ko, alam mo naman. Pero ayaw mong paniwalaan. Masyado ka kasing matalino. Matalinong hunghang.

Posted by bingskee at 8:52 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink

Thursday, 1 December 2005 - 6:55 AM

Name: Blue

I could relate to such...ooops Tagalog pala dine...

Yon nga naiintindihan ko itong sentimyentong ito...hay may mga ganon ata talagang tao minsan naiisip ko sino nga ba may kasalanan? Ang mga tao kaya sa paligid? Ang mga nag-aruga at nagpalaki kaya? Pero naisip ko, kung matinong tao ka, kahit siguro di maganda ang pagpapalaki, kahit siguro ano pang sitwasyon sa buhay, yung nasa puso ng tao ang lalabas at lalabas eh. Kaya naisip ko ang mga ganitong tao, makasarili talaga at mas gusto umabuso ng kapwa kesa magsikap.

Okay lang kung di mo kaano-ano pero paano nga halimbawa kung kapatid or malapit na kamag-anak? Mahirap ano? At di magbabago ang tao kung di sya mismo magkusa. Ano pwede nating gawin? Hay di ko na rin alam...panalangin na lang talaga....na sana, maantig ng Diyos ang kanyang pusong bato

Thursday, 1 December 2005 - 10:29 PM

Name: bing

hi, blue!

salamat sa pagdalaw, ha. dumating na yata na pati ang puso ko ay nagiging bato na... dalangin ko na sana ay wag nang tuluyang maging bato ang puso ko.

Tuesday, 6 December 2005 - 12:11 PM

Name: Flex J!

Feel ko rin to...

Mahirap na patuloy na buksan ang palad kung nakikita mo na ayaw tulungan ng taong tinutulungan mo ang kanyang sarili.

Madalas ko ngang sabihin na ..God provides for the birds who flies..

..at pag ayaw ng lumipad.......mamamatay.....sana matuto ng maaga bago.....

Monday, 19 December 2005 - 10:51 PM

Name: bing

hi, flexj!

'sensya na ngayon lang nakasagot. noong sumagot kasi ako nagloloko ang tripod.

mahirap talagang ilahad ang lahat. parang katulong ka pa sa pagiging dependent ng isang taong iresponsable at tamad.

sana nga ay matuto kahit sa pananaw ko bilang tao, mahihirapan na. kapag sarado ang utak, walang papasok.

View Latest Entries