LINKS
ARCHIVE
« January 2005 »
S M T W T F S
1
2 3 4 5 6 7 8
9 10 11 12 13 14 15
16 17 18 19 20 21 22
23 24 25 26 27 28 29
30 31
Sunday, 28 March 2004
ISA AKONG BABAE
Mood:  happy
Topic: Ang Maging Babae
Isa akong babae kabilang sa mga karamihan ng mga babae sa bansang ito, o mas tama sigurong sabihin, sa mundong ito. May sariling mundong ginagalawan, may sariling kaisipan, may sariling mga pagnanasa, may sariling mga paniniwala, may sariling kahinaan, may pagkakaiba sa isang lalaki (meron nga ba?).

Isa nga ako sa karamihan ngunit sa palagay ko may malaking kaibahan sa karaniwan.

Isa akong Eba na nagpipilit iangat ang kalagayan sa karukhaang kinagisnan. Isang Eba na lumalaban sa kakaibang hamon ng buhay – nagpipilit isalba ang pamilyang mayroon, mag-isa, sa sariling pagkayod, mag-isa sa pagharap sa mga unos ng buhay.

Isa akong Eba na hindi nahihiyang magsabi ng nararamdaman at iniisip tungkol sa mga bagay-bagay. Pati na ang kagustuhang masiyahan sa pagtatalik ay tahasang ipinaaalam. Pati na kung saan gustong mahalikan, mahipo, madampian, lahat ay ipinaaalam nang walang pagdududa o pag-aalinlangan man lang. Isang Eba na sumusubok sa mga kaparaanang makapagbibigay ng kasiyahan sa sarili.

Isa akong babae na naniniwala sa Diyos, sa kanyang kapangyarihan, sa kanyang misteryo, sa kanyang awa. Isang babae na hindi nagdadalawang-isip ipaabot sa Diyos ang mga kaisipan, nararamdaman, mga kahilingan.

Maraming Eba ang tumatanggap na lamang, hindi nagbibigay; ang tumatahimik, hindi kumikibo; ang nagpaparaya, hindi pumapalag; ang nagtatago, hindi lumalabas; at ang nanonood lamang at hindi sumasali.

Hindi ako kabilang sa mga babaeng yaon. Isa ako sa mga kakaibang Eba – nagbibigay, kumikibo, pumapalag, lumalabas at sumasali. Tinitiyak ko na lahat ng karapatan ko ay nasa akin, lahat ng kalayaan ay nasa akin at lahat ng pagkilala ay sumaakin.

Kakaiba? Mapangahas? Maaari. Pero ito ay pagpapatunay na hindi ako isang karaniwang Eba.

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink

Newer | Latest | Older