LINKS
ARCHIVE
« February 2005 »
S M T W T F S
1 2 3 4 5
6 7 8 9 10 11 12
13 14 15 16 17 18 19
20 21 22 23 24 25 26
27 28
Sunday, 20 February 2005
UNDER REPAIR, TEMPORARILY CLOSED, CLOSED FOR BUSINESS o OPEN SESAME?
Topic: Sa Canteen ni AlingThelma
Dumating ako sa canteen egg-saktong alas 3 ng hapon. Sopas ang mi-nerienda ko. Lasang mas masarap pa akong magluto. Tumabi ako kay Rey na bising-bisi sa pagpindot ng mga mensahe sa celfon niya (Palagay ko di na naman para sa misis niya bwahaha). Naalala ko na hindi ko nga pala nayaya si Mila at si Bert na madalas kong kaututang dila sa canteen ni Aling Thelma. Habang nag-aalala ako, heto at parating na si Mila kasama ang isa pang chemist – si Margie. Maya-maya pa’y dumating na rin si Felix. Masaya na naman ito, isip-isip ko. Bungad ni Rey: Tita Mila, di na naman natuloy usapan natin. Sagot ni Mila: Oo nga, e, sabi mo Friday. Sabagay naryan naman sa tabi mo ang guarantor. Rey: Ah, si Tita Bing pa. Kayang-kaya na nyang paluwalan yan! Kaya ang lakas sa akin nyan, e. Tawasin mo nga ako, sya ang lalabas! Mila: Kabahan ka na pag ganyan ang naririnig mo (tumawa nang malakas) Rey: Pano kasi di ko maketsap sa sweldo ko. Yun nga lang deduction na others tinatanong pa ng misis ko. Pasok si Bing na nagtataka at natatawa: E, paano ka na? Magkano ang napupunta sa iyo? Rey: Binabadyet naman nya, e. Tapos ibibigay sa akin ang P ***.** sabay sabing “O, pagkasyahin mo sa 2 linggo yan!” Bing: Ganun? Pano magkakasya sa 2 linggo yun? Mila: Meron palang ganyan. Kasi ako, di ko pinakikialaman ang sahod ng mister ko. Kung ano lang ang iabot. Ikaw ba Felix ganun ang misis mo? Felix: Kung ano ang matira. Bing: Di naman kelangan ng misis nya ang sahod nya. (sabay tawa) Banat ni Felix: Bakit ganun no? Walang sex pag walang entrega? Dapat hindi ganun,e. Pag kulang ang sahod, wag idamay ang sex. Gift sa atin ni Lord yan e kaya dapat i-enjoy! (Ngising-aso) Margie: CLOSED FOR BUSINESS ba? (Tumawa nang malakas) Rey: A, nung bonus, OPEN SESAME kay Sir Felix yan! Hindi pa nga nakakapagpahinga naka-OPEN SESAME na! (Tumatawa na me hagikgik pa) Mila: Pag kulang o wala, TEMPORARILY CLOSED OR UNDER REPAIR? (Humahagikgik) Bing: (Nakangiti) Anu-ano bang ang dahilan bakit closed for business o under repair? Rey: Unang-una pag dumating na lulugu-lugo si Misterpag araw ng sweldo. Tapos sasabihin ni Misis, “Walang natira no?” at sasagot si Mister, “Wala nga e, dami kong binayaran.” Tiyak kukunin ang karatulang TEMPORARILY CLOSED o UNDER REPAIR sabay cross legs! Tawanang walang patid at maluha-luha pa. Ikaw, OPEN SESAME, CLOSED FOR BUSINESS, TEMPORARILY CLOSED o UNDER REPAIR ba ang binibigay ni misis? He he he… aminin…

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink
Saturday, 19 February 2005
Pira-piraso
Mood:  blue
Topic: Ang Lipunan
(ang mga maikling kwentong sumusunod ay tunay na nangyari ngunit minabuting huwag nang banggitin ang tunay nilang pangalan...) Isang simpleng tao mula sa lalawigan ng Cotabato, dumating sa pagawaang iyon, na bitbit ang mga pangarap at adhikain, si Eli, 28 taong gulang, walang asawa. Inilagay siya sa isang seksyon na naglagak na ng hindi na mabilang na panganib at aksidente. Hindi dumaan si Eli sa masusing pagsubok. Ibinigay nang hindi direkta at hindi lubos ng kapatas ang mga kaalamang dapat niyang malaman. ‘Bahala ka sa buhay mo!’ wika sa sarili nito. Hindi alintana ni Eli ang mga ganitong kondisyon at sitwasyon sa trabaho. Para sa kanya kailangan niyang magtrabaho nang buong sipag at tiyaga upang makapasa sa limang buwan at mahigit upang maging regular na maggagawa. Ang Press Section ay isang bahagi ng pagawaang iyon kung saan ang mga metal na piyesa ng produktong inilalabas ay dito ginagawa. Marami na ang naaksidente sa seksyong iyon: naputol ang hintuturo, ang hinlalaki o dalawa sa mga daliri ng kamay (nang sabay). Marami na rin ang sinasadya ang mga mumunting aksidente na pagkapitpit ng daliri at kuko upang magamit ang ECC kung saan 100% ang naidadagdag sa kanilang basic pay. Lubhang napakadesperadong pamamaraan upang kahit paano ay madagdagan ang kitang tinatanggap, mga sabi-sabing totoo at tunay na nangyayari. Ang mga makina sa seksyong iyon ay mahigit na dalawang dekada na ang tanda. Bagaman umaandar pa rin, ang mga ito ay mga nag-aambang panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawang naroroon. Ang mga suliranin, panganib at mga suhestiyon para sa mga ito ay naipahatid na sa kinauukulan, sa mga itinatag na grupo tulad ng Health and Safety Committee, Production Team at marami pang iba na pawang mga naging pipi at bulag na lamang pagkalipas ng ilang tangka na mapabuti at maisaayos ang mga suliranin ukol dito. Nanatiling bingi naman ang may-ari sa mga hinaing. Papalit-palit ang mga manggagawa ngunit naroon pa rin ang mga nag-aambang panganib. Pagkalipas ng isang buwan at mahigit, nagkagulo ang mga tao sa Press Section . Nagkalat ang dugo sa daraanan mula sa seksyon patungong clinic. Ang clinic ay nasa ikalawang palapag pa ng pagawaan. Naaksidente ang kawawang si Eli. Dala-dala ng mga kasamahan patungong clinic, aringking sa sakit na binigyan ng first aid ng nars si Eli. Dala-dala ng isa sa mga kasamahan niya ang naputol na hintuturo. Hindi na ito naikabit pa pagdating sa ospital. Tuluyan ng nawala ang kaputol ng kanyang hintuturo. Wala nang nagawang paraan upang maikabit itong muli. Ewan kung maituturing na blessing in disguise ang trahedyang ito. Naging regular kaagad na manggagawa si Eli! Walang backer si Eli ngunit naging permanenteng manggagawa pagkatapos ng trahedya kahit na wala pang anim na buwan. Nakalulunos isipin pero katumbas ng nawalang bahagi ng kanyang katawan ang pansamantalang kasiguraduhan ng kanyang trabaho. Hindi sa sipag at pagsisikap nakilala at nabigyan ng pagkakataon si Eli kundi sa konsolasyon sa trahedyang naganap. **** Apat silang magkakapatid. Panganay siya. Nabibilang sila sa mga dukhang pamilya na nagkalat sa Maynila. Inaasahan siya ng kanyang pamilya na magtataguyod dahil siya ang panganay. Wala nang trabaho ang kanyang ama na sandigan nila. Nagkasakit ito sa baga na bunga na rin ng kanyang naging trabaho. Pilit mang iwinawaksi ang isipang ito ay ayaw humiwalay sa pagkatao ni Alona. Marami na rin siyang naging trabaho: naging laboratory assistant sa isang pagawaan ng gamot, naging stock room keeper sa isang kilalang restawran, naging head supervisor ng isang kompanya na nag-iimprenta, at ang huli at magpasahanggang-ngayon, naging isang staff o kawani ng isang pribadong pagawaan. Lahat ng mga naging amo niya ay mga dayuhang intsik sa Pilipinas. Kung susuriin, si Alona ay isa sa mga katangi-tanging kawani ng pagawaan. Taglay ang mga katangian ng isang kawaning naiiba sa karamihan, madali para sa kaniya ang tupdin ang mga katungkulang iniatang sa kanya. Katulad ni Eli, siya ay isang nobatos sa mundo ng mga walang pakialam at walang konsiderasyon. Ang kaibahan nga lamang, si Eli ay direktang sumusuong sa mga gawain sa produksiyon at siya nama’y hindi. Parang nakaaangat siya sa wari dahil siya ay nakakulong sa isang silid na may aircon, computer at makinilya ngunit ang sitwasyon ay walang pinagkaiba. Nagtatrabaho siya sa ilalim ng isang kapatas na walang pakialam sa kanyang nasasakupan at mas marami pa siyang nalalaman. Dahil nga sa mas may kaalaman pa siya sa kanyang pinuno, hindi naging kaaya-aya ang pakikitungo nito kay Alona. Tila isang batang nagpaparinig kung galit, hindi kumikibo kung tinatanong, sinisisi siya sa mga bagay na walang siyang kinalaman, at nagkakalat ng mga balitang mapanirang-puri. Sa una ay pinalampas ni Alona ang mga masasamang ugaling ipinakikita at ipinararamdam nito sa kanya sa kagustuhang maging regular sa trabaho at makaiwas sa gulo. Makalipas ang ilang taon, regular na rin si Alona, at lalong naging masama ang naging ugali ng kapatas at lalong lumalala ang tahimik nilang hidwaan. Dumating ang pagkakataon na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Alona at ng kaniyang kapatas. Hindi na niya napigil ang sarili na sagut-sagutin ang pinuno na hindi makakibo sa sunud-sunod na atake niya. Hindi man pisikal na sakit ang ginawa niya, kumilos ang pinuno nang pailalim upang maalis siya sa grupong kinabibilangan niya. Inilipat si Alona nang hindi man lamang sila pinagharap. Isinabay ang aksiyon sa napapabalitang reorganisasyon na lalong nagbigay dahilan upang siya ay ilipat. Tatlo sa anim na empleyado ng grupong iyon ang hindi maganda ang performance ngunit ibinilang siya sa mga iyon na pawang hindi magaganda ang record sa pagtatrabaho. Tanging si Alona ang nailipat. Marami ang nagtaka, marami ang nanghinayang, marami ang nalungkot at marami rin ang natuwa. Kabilang si Alona sa isang unyon ngunit walang nagawa ang unyon sa kaso niya. Ang unyon sa pagawaang iyon ay isang robot na kumikilos ayon lamang sa kagustuhan ng management, walang kakayahang gampanan ang tungkuling ipagtanggol ang nasasakupan. Na labis niyang ipinagtataka, sino pa ang dapat lapitan upang magtanggol, magsaayos, at itaas ang moral ng mga manggagawa at empleyado? **** Masipag at walang kapaguran, tuluy-tuloy kung magtrabaho si Mang Bestre. Parang isang makina na palaging may gasolina. Nanlilimahid na sa dumi ay di pa rin alintana ang pagod. Walis dito, walis doon. Ligpit dito, ligpit doon. Tapon dito, tapon doon, ng mga basurang nagkalat dito at doon. Si Mang Bestre ang custodian sa pagawaang iyon. Stay-in siya, may sariling kwarto sa may malapit sa warehouse, kalapit ng kwarto ni G. Ng Lin Yan, ang bise-presidente ng pagawaan. Siya na rin ang isa sa tumatayong gwardiya sa mga oras na wala ng tao sa pagawaang iyon. Isa siya sa mga tapat, masigasig at masunuring manggagawa. Walang masabi ang kahit na sino, walang maipintas, maliban na lamang ang mga gumagawa ng palso na kanyang naipararating sa mga kinauukulan. Iniingatan ng marami, kahit na napakasipag at matiyaga, si Mang Bestre, na makita ang mga lihim o pangit nilang mga gawa ( mga bagay na walang kinalaman sa kani-kanilang trabaho). Paano nga’y sa sobrang katapatan sa kumpanya lahat ay nakikita niya. Hindi nga masalita ngunit nagsasalita. Ngunit gaano man kasipag, katiyaga at katapat si Mang Bestre, walang makitang grasya na kanyang napapala. Hindi ganoon kalaki ang sahod, wala man lamang insentibo na ganoon kalaki at naiiba dahil sa kanyang mga katangian. Kapansin-pansin na ang lubhang nadadagdagan ay ang kanyang mga trabaho. Noon ngang isa-isang nawala ang mga liason officers ng kumpanya, iniatang sa kanya ang responsibilidad – idinagdag kumbaga. Ewan kung nadagdagan ang sahod o nabigyan man lamang ng insentibo. Walang makapagsabi, wala kasing makitang pruweba. Walang nabago kay Mang Bestre, walang bakas na siya ay nadagdagan o nabigyan ng pabuya – ganoon pa rin ang hitsura niya, buta-butas na t-shirt , napakalumang pantalon at mga short, nanlilimahid na kaanyuan at balita pa nga’y palaging instant noodles ang ulam. Ganoon pa man, patuloy siya sa pagsisipag hanggang isang araw. Nataranta ang marami sa balita – ninakaw ang motorsiklong kanyang ginagamit. Nautusan siyang pumunta sa isang opisina upang kunin ang ilang mga papeles. Iniwan niya ang motorsiklo sa labas at dahil hindi nga siya magtatagal hindi na nakuhang magbilin pa. Nang matapos ang kanyang kailangan sa opisina, lumabas si Mang Bestre na nagulantang – wala ang motorsiklo! Hindi naging maganda ang resulta ng pagkakawala ng motorsiklo. Inalok siya nang malaon ng resignasyon. Kunwa’y dahilan sa kailangan na niya ng pahinga dahil tumatanda na. Walang espesyal na dagdag sa separasyon, walang pagkilala na nangyari sa kanyang mga ginawa para sa kumpanyang pinagsilbihan nang buong tapat. Ang pagkakawala ng motorsiklo ay naging dahilan pa nang maaga niyang pag-aalis. Hindi naman lingid sa marami na wala pa siyang balak tumigil sa pagtatrabaho. Wala siyang imik na umalis. Masaklap ang pangyayari pero mayroon din namang nagbunyi – ang mga tiwaling kawani at trabahador na hindi na mag-aalala na isusumbong sila ni Mang Bestre.

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink
Wednesday, 16 February 2005
MGA LINTA PATI NA SA LIPUNAN
Mood:  sad
Topic: Ang Lipunan
(Filipino translation of Leeches... Even in the Society) Naalala ko noong ako ay grade schooler pa, napuna ng isa sa mga kaeskuwela ko ang tila pahabang itim na dumi sa aking binti. Inakala ko na dumi nga lamang at ito ay pinalis ng aking kamay. Hindi naalis. Laking takot ko nang sumigaw ang kaeskuwela ko, “Linta! Linta ‘yan!” Nanlaki ang ulo sa sindak at ubos lakas na inalis ko ang pagkakapagkit nito sa aking likurang binti. Nag-iwan ito ng latay na umabot ng ilang araw bago nawala. Nakakapagtakang hindi ko naramdaman na sinisipsip na ng linta ang dugo ko. Katulad ng nilalang na linta, may mga linta sa lipunang ating ginagalawan. Hindi pansinin dahil ikinukubli ang maiitim na motibo at intensyon, pinapalamutian ng kunwari’y kabaitan na yun naman pala’y kasakiman, itinatago sa pamamagitan ng mga matatamis na ngiti na yun naman pala’y ngiting aso, ikinukubli ng mga pag-aalalang yun naman pala’y peke at hindi totoo. Dalawang uri ang linta, ayon sa aking nasaliksik. Isang uri ng linta ay iyong sumisipsip ng walang mararamdaman ang biktima dahil sa taglay nitong laway na tumutulong sa hindi pagbubuu-buo ng dugo o iyong tinatawag na clotting. Ito ang uri ng linta na tumutulong sa medisina at ginagamit sa pagtatanggal ng impeksyon ng isang sugat. Ano naman kaya ang kontribusyon ng mga linta sa lipunan? Tulad ng uring iyon ng linta, ang mga linta sa lipunan ay halos hindi rin kapansin pansin sa una. Ito nga ay sa kadahilanang patago ang pagsipsip sa katas ng biktima. Kung maaari, hindi ito dapat mahalata, malaman, o mabulgar sa nakakarami. Sa kalaunan naman ay nalalaman pa rin sapagkat tiyak na tiyak na may makakapansin. Tulad ng linta sa aking likurang binti na napansin ng aking kaeskuwela. Maaasahan naman sila ng kinakatas na biktima dahil mayroon silang nasisipsip mula rito kung baga. Syempre nga naman, nakikinabang at ano pa ba naman ang silbi nila kung walang mahihita sa kanila? Ang isang linta raw ay kayang sumisipsip ng dugo na tatlong beses ng kanilang bigat sa isang pagkakataon. At pwedeng tumagal ng ilang buwan na hindi sumisipsip pagkatapos nito. Ang isang dulo nito na nagsisilbing harapan ay naroon ang maraming mata at minsan pa nga ay tatlong ngipin na siyang ginagamit sa pagsipsip. Nakakatawang isipin na may pagkakaiba pala ang nilalang na linta at ang linta sa lipunan. Habang ang linta sa mga sapa at lawa ay nag-iimbak para sa matagalang pangangailangan ng katawan, ang linta naman sa lipunan ay walang kapaguran sa pagsipsip sa katas ng kanilang biktima, walang awa at konsiderasyon sa kalagayan nito at sa maaaring pang bigyan ng katas nito. Kumbaga, habang may katas, sipsip lang ng sipsip. Hindi sila napapagod at walang pakiramdam, walang pakialam kung napapagod na ba ang biktima nila. Habang ang mga mata, katulad ng nilalang na linta, ay palaging nakamasid sa masisila. Maaaring iisipin mo na hindi ka kabilang dito… pero isipin mong mabuti. Hindi kaya isa ka sa mga linta na kinamumuhian ng mga kasama mo, kasambahay, kamag-anak, katrabaho, kakilala, kaibigan, o pinagsisilbihan? Kung hindi naman, mabuti at may matino kang kaisipan, may konsiderasyon at isa kang responsableng nilalang. Mabuti at higit ka sa nilalang na linta, mataas ang antas dahil nag-iisip at hindi makasarili.

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink
Plastik!
Mood:  irritated
Topic: Ang Lipunan
Ang ganda ng ngiti sa akin ni Juana isang araw. Ang bati, “Ang sexy mo ngayon, Bing!” “Thank you!” sagot ko. Ewan ko ba kung bakit hindi ako nakaramdam ng kasiyahan sa komentong iyon. Kasi nama’y kilala ko na ang taong iyon sa pagiging plastik. Plastik ang tawag sa mga taong hindi totoo. Hindi sincere sa mga sinasabi at ipinapakita. Tinatawag din silang “Tupperware” o “Orocan”. Hindi ko alam kung mayroon ng bagong termino sa ganitong uri ng mga tao sa henerasyong ito. Basta, ang alam ko, hindi sila totoo, sila’y mga huwad na nilalang sa mundo. Di nga ako nagkamali sa aking naramdaman. Nalaman ko na hayun at si Juana ay nagkakalat ng komentaryo tungkol sa aking pananamit. At ang sabi pa raw na tila ganito “Bakit ganoon manamit si Bing? Para pa ring dalaga…” Hindi naman ako sigurado sa eksaktong ikinalat niya pero sigurado akong may mga sinasabi siyang masama o negatibo pag nakatalikod na ako. Tipikal sa isang plastik na taong tulad niya. Ngani-ngani kong sugurin at itanong “Ano ba ang problema mo sa pananamit ko?” Pero tiyak itatanggi nito ang sinabi niya. Plastik na, duwag pa. At isa pa, bakit naman ako magpapaapekto sa isang tulad niya? Mababaw na nga ang lebel ng pag-iisip, papatulan ko pa. Wala namang problema kung may magsasabi sa akin ng kanilang mga opinion tungkol sa pananamit, hitsura, katauhan, at marami pang iba tungkol sa sarili ko. Pero hindi kaya mas maganda kung tuwiran na lamang sasabihin sa akin ang mga iyon. Naniniwala ako na ang pagsasabi ng tapat ay katumbas ng pagsasama ng maluwat. At isa pa, mas mararamdaman ko ang isang pag-aalala kung hindi na ito ikinakalat sa iba para lamang may pag-usapan. Mas ayos kung ito ay sasabihin na mismo sa taong iyong pinapansin o napapansin. Pero subukan mo ang magkomento tungkol sa plastik na taong ito. Tiyak na mamasamain kahit na gaano pa kaganda ito sinabi. Me problema kasing sikolohikal ang mga ganitong uri ng tao. Nakakaawa lamang. Hindi alam ni Juana na kilala na siya sa buong opisina sa ugali niya. Akala niya yata kasingbabaw ng pag-iisip niya ang mga nakapaligid sa kanya. Iniiwasan na nga ang magkwento tungkol sa kanya ng nakakarami at ng mga unti unting nakakahalata sa kanyang pag-uugali. Tsk… tsk… plastik talaga… Hayun at kampante sa pagngiti sa akin. Para bang walang sinasabi o ginagawang masama kapag nakatalikod ako. Hay… plastik!

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink
Sunday, 28 March 2004
ISA AKONG BABAE
Mood:  happy
Topic: Ang Maging Babae
Isa akong babae kabilang sa mga karamihan ng mga babae sa bansang ito, o mas tama sigurong sabihin, sa mundong ito. May sariling mundong ginagalawan, may sariling kaisipan, may sariling mga pagnanasa, may sariling mga paniniwala, may sariling kahinaan, may pagkakaiba sa isang lalaki (meron nga ba?).

Isa nga ako sa karamihan ngunit sa palagay ko may malaking kaibahan sa karaniwan.

Isa akong Eba na nagpipilit iangat ang kalagayan sa karukhaang kinagisnan. Isang Eba na lumalaban sa kakaibang hamon ng buhay – nagpipilit isalba ang pamilyang mayroon, mag-isa, sa sariling pagkayod, mag-isa sa pagharap sa mga unos ng buhay.

Isa akong Eba na hindi nahihiyang magsabi ng nararamdaman at iniisip tungkol sa mga bagay-bagay. Pati na ang kagustuhang masiyahan sa pagtatalik ay tahasang ipinaaalam. Pati na kung saan gustong mahalikan, mahipo, madampian, lahat ay ipinaaalam nang walang pagdududa o pag-aalinlangan man lang. Isang Eba na sumusubok sa mga kaparaanang makapagbibigay ng kasiyahan sa sarili.

Isa akong babae na naniniwala sa Diyos, sa kanyang kapangyarihan, sa kanyang misteryo, sa kanyang awa. Isang babae na hindi nagdadalawang-isip ipaabot sa Diyos ang mga kaisipan, nararamdaman, mga kahilingan.

Maraming Eba ang tumatanggap na lamang, hindi nagbibigay; ang tumatahimik, hindi kumikibo; ang nagpaparaya, hindi pumapalag; ang nagtatago, hindi lumalabas; at ang nanonood lamang at hindi sumasali.

Hindi ako kabilang sa mga babaeng yaon. Isa ako sa mga kakaibang Eba – nagbibigay, kumikibo, pumapalag, lumalabas at sumasali. Tinitiyak ko na lahat ng karapatan ko ay nasa akin, lahat ng kalayaan ay nasa akin at lahat ng pagkilala ay sumaakin.

Kakaiba? Mapangahas? Maaari. Pero ito ay pagpapatunay na hindi ako isang karaniwang Eba.

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink

Newer | Latest | Older