Pira-piraso
Mood:
blue
Topic: Ang Lipunan
(ang mga maikling kwentong sumusunod ay tunay na nangyari ngunit minabuting huwag nang banggitin ang tunay nilang pangalan...)
Isang simpleng tao mula sa lalawigan ng Cotabato, dumating sa pagawaang iyon, na bitbit ang mga pangarap at adhikain, si Eli, 28 taong gulang, walang asawa. Inilagay siya sa isang seksyon na naglagak na ng hindi na mabilang na panganib at aksidente.
Hindi dumaan si Eli sa masusing pagsubok. Ibinigay nang hindi direkta at hindi lubos ng kapatas ang mga kaalamang dapat niyang malaman. ‘Bahala ka sa buhay mo!’ wika sa sarili nito. Hindi alintana ni Eli ang mga ganitong kondisyon at sitwasyon sa trabaho. Para sa kanya kailangan niyang magtrabaho nang buong sipag at tiyaga upang makapasa sa limang buwan at mahigit upang maging regular na maggagawa.
Ang Press Section ay isang bahagi ng pagawaang iyon kung saan ang mga metal na piyesa ng produktong inilalabas ay dito ginagawa. Marami na ang naaksidente sa seksyong iyon: naputol ang hintuturo, ang hinlalaki o dalawa sa mga daliri ng kamay (nang sabay). Marami na rin ang sinasadya ang mga mumunting aksidente na pagkapitpit ng daliri at kuko upang magamit ang ECC kung saan 100% ang naidadagdag sa kanilang basic pay. Lubhang napakadesperadong pamamaraan upang kahit paano ay madagdagan ang kitang tinatanggap, mga sabi-sabing totoo at tunay na nangyayari.
Ang mga makina sa seksyong iyon ay mahigit na dalawang dekada na ang tanda. Bagaman umaandar pa rin, ang mga ito ay mga nag-aambang panganib sa kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawang naroroon. Ang mga suliranin, panganib at mga suhestiyon para sa mga ito ay naipahatid na sa kinauukulan, sa mga itinatag na grupo tulad ng Health and Safety Committee, Production Team at marami pang iba na pawang mga naging pipi at bulag na lamang pagkalipas ng ilang tangka na mapabuti at maisaayos ang mga suliranin ukol dito. Nanatiling bingi naman ang may-ari sa mga hinaing. Papalit-palit ang mga manggagawa ngunit naroon pa rin ang mga nag-aambang panganib.
Pagkalipas ng isang buwan at mahigit, nagkagulo ang mga tao sa Press Section . Nagkalat ang dugo sa daraanan mula sa seksyon patungong clinic. Ang clinic ay nasa ikalawang palapag pa ng pagawaan. Naaksidente ang kawawang si Eli. Dala-dala ng mga kasamahan patungong clinic, aringking sa sakit na binigyan ng first aid ng nars si Eli. Dala-dala ng isa sa mga kasamahan niya ang naputol na hintuturo. Hindi na ito naikabit pa pagdating sa ospital. Tuluyan ng nawala ang kaputol ng kanyang hintuturo. Wala nang nagawang paraan upang maikabit itong muli.
Ewan kung maituturing na blessing in disguise ang trahedyang ito. Naging regular kaagad na manggagawa si Eli! Walang backer si Eli ngunit naging permanenteng manggagawa pagkatapos ng trahedya kahit na wala pang anim na buwan. Nakalulunos isipin pero katumbas ng nawalang bahagi ng kanyang katawan ang pansamantalang kasiguraduhan ng kanyang trabaho. Hindi sa sipag at pagsisikap nakilala at nabigyan ng pagkakataon si Eli kundi sa konsolasyon sa trahedyang naganap.
****
Apat silang magkakapatid. Panganay siya. Nabibilang sila sa mga dukhang pamilya na nagkalat sa Maynila. Inaasahan siya ng kanyang pamilya na magtataguyod dahil siya ang panganay. Wala nang trabaho ang kanyang ama na sandigan nila. Nagkasakit ito sa baga na bunga na rin ng kanyang naging trabaho. Pilit mang iwinawaksi ang isipang ito ay ayaw humiwalay sa pagkatao ni Alona. Marami na rin siyang naging trabaho: naging laboratory assistant sa isang pagawaan ng gamot, naging stock room keeper sa isang kilalang restawran, naging head supervisor ng isang kompanya na nag-iimprenta, at ang huli at magpasahanggang-ngayon, naging isang staff o kawani ng isang pribadong pagawaan. Lahat ng mga naging amo niya ay mga dayuhang intsik sa Pilipinas.
Kung susuriin, si Alona ay isa sa mga katangi-tanging kawani ng pagawaan. Taglay ang mga katangian ng isang kawaning naiiba sa karamihan, madali para sa kaniya ang tupdin ang mga katungkulang iniatang sa kanya. Katulad ni Eli, siya ay isang nobatos sa mundo ng mga walang pakialam at walang konsiderasyon. Ang kaibahan nga lamang, si Eli ay direktang sumusuong sa mga gawain sa produksiyon at siya nama’y hindi. Parang nakaaangat siya sa wari dahil siya ay nakakulong sa isang silid na may aircon, computer at makinilya ngunit ang sitwasyon ay walang pinagkaiba. Nagtatrabaho siya sa ilalim ng isang kapatas na walang pakialam sa kanyang nasasakupan at mas marami pa siyang nalalaman.
Dahil nga sa mas may kaalaman pa siya sa kanyang pinuno, hindi naging kaaya-aya ang pakikitungo nito kay Alona. Tila isang batang nagpaparinig kung galit, hindi kumikibo kung tinatanong, sinisisi siya sa mga bagay na walang siyang kinalaman, at nagkakalat ng mga balitang mapanirang-puri. Sa una ay pinalampas ni Alona ang mga masasamang ugaling ipinakikita at ipinararamdam nito sa kanya sa kagustuhang maging regular sa trabaho at makaiwas sa gulo. Makalipas ang ilang taon, regular na rin si Alona, at lalong naging masama ang naging ugali ng kapatas at lalong lumalala ang tahimik nilang hidwaan.
Dumating ang pagkakataon na nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ni Alona at ng kaniyang kapatas. Hindi na niya napigil ang sarili na sagut-sagutin ang pinuno na hindi makakibo sa sunud-sunod na atake niya. Hindi man pisikal na sakit ang ginawa niya, kumilos ang pinuno nang pailalim upang maalis siya sa grupong kinabibilangan niya. Inilipat si Alona nang hindi man lamang sila pinagharap. Isinabay ang aksiyon sa napapabalitang reorganisasyon na lalong nagbigay dahilan upang siya ay ilipat. Tatlo sa anim na empleyado ng grupong iyon ang hindi maganda ang performance ngunit ibinilang siya sa mga iyon na pawang hindi magaganda ang record sa pagtatrabaho. Tanging si Alona ang nailipat.
Marami ang nagtaka, marami ang nanghinayang, marami ang nalungkot at marami rin ang natuwa. Kabilang si Alona sa isang unyon ngunit walang nagawa ang unyon sa kaso niya. Ang unyon sa pagawaang iyon ay isang robot na kumikilos ayon lamang sa kagustuhan ng management, walang kakayahang gampanan ang tungkuling ipagtanggol ang nasasakupan. Na labis niyang ipinagtataka, sino pa ang dapat lapitan upang magtanggol, magsaayos, at itaas ang moral ng mga manggagawa at empleyado?
****
Masipag at walang kapaguran, tuluy-tuloy kung magtrabaho si Mang Bestre. Parang isang makina na palaging may gasolina. Nanlilimahid na sa dumi ay di pa rin alintana ang pagod. Walis dito, walis doon. Ligpit dito, ligpit doon. Tapon dito, tapon doon, ng mga basurang nagkalat dito at doon.
Si Mang Bestre ang custodian sa pagawaang iyon. Stay-in siya, may sariling kwarto sa may malapit sa warehouse, kalapit ng kwarto ni G. Ng Lin Yan, ang bise-presidente ng pagawaan. Siya na rin ang isa sa tumatayong gwardiya sa mga oras na wala ng tao sa pagawaang iyon. Isa siya sa mga tapat, masigasig at masunuring manggagawa. Walang masabi ang kahit na sino, walang maipintas, maliban na lamang ang mga gumagawa ng palso na kanyang naipararating sa mga kinauukulan.
Iniingatan ng marami, kahit na napakasipag at matiyaga, si Mang Bestre, na makita ang mga lihim o pangit nilang mga gawa ( mga bagay na walang kinalaman sa kani-kanilang trabaho). Paano nga’y sa sobrang katapatan sa kumpanya lahat ay nakikita niya. Hindi nga masalita ngunit nagsasalita.
Ngunit gaano man kasipag, katiyaga at katapat si Mang Bestre, walang makitang grasya na kanyang napapala. Hindi ganoon kalaki ang sahod, wala man lamang insentibo na ganoon kalaki at naiiba dahil sa kanyang mga katangian. Kapansin-pansin na ang lubhang nadadagdagan ay ang kanyang mga trabaho. Noon ngang isa-isang nawala ang mga liason officers ng kumpanya, iniatang sa kanya ang responsibilidad – idinagdag kumbaga. Ewan kung nadagdagan ang sahod o nabigyan man lamang ng insentibo. Walang makapagsabi, wala kasing makitang pruweba. Walang nabago kay Mang Bestre, walang bakas na siya ay nadagdagan o nabigyan ng pabuya – ganoon pa rin ang hitsura niya, buta-butas na t-shirt , napakalumang pantalon at mga short, nanlilimahid na kaanyuan at balita pa nga’y palaging instant noodles ang ulam.
Ganoon pa man, patuloy siya sa pagsisipag hanggang isang araw. Nataranta ang marami sa balita – ninakaw ang motorsiklong kanyang ginagamit. Nautusan siyang pumunta sa isang opisina upang kunin ang ilang mga papeles. Iniwan niya ang motorsiklo sa labas at dahil hindi nga siya magtatagal hindi na nakuhang magbilin pa. Nang matapos ang kanyang kailangan sa opisina, lumabas si Mang Bestre na nagulantang – wala ang motorsiklo!
Hindi naging maganda ang resulta ng pagkakawala ng motorsiklo. Inalok siya nang malaon ng resignasyon. Kunwa’y dahilan sa kailangan na niya ng pahinga dahil tumatanda na. Walang espesyal na dagdag sa separasyon, walang pagkilala na nangyari sa kanyang mga ginawa para sa kumpanyang pinagsilbihan nang buong tapat. Ang pagkakawala ng motorsiklo ay naging dahilan pa nang maaga niyang pag-aalis. Hindi naman lingid sa marami na wala pa siyang balak tumigil sa pagtatrabaho. Wala siyang imik na umalis. Masaklap ang pangyayari pero mayroon din namang nagbunyi – ang mga tiwaling kawani at trabahador na hindi na mag-aalala na isusumbong sila ni Mang Bestre.
Posted by bingskee
at 11:01 PM