LINKS
ARCHIVE
« March 2005 »
S M T W T F S
1 2 3 4 5
6 7 8 9 10 11 12
13 14 15 16 17 18 19
20 21 22 23 24 25 26
27 28 29 30 31
Monday, 28 March 2005
ANG PAGGUHIT NI KAY
Mood:  special
Topic: Ang Aking si Kay
Mahilig si Kay gumuhit. Magaling talaga ang kamay. Kahit na sarili niya kaya niyang iguhit. Sabi nga ni Zen noon, malalaman mo na magaling gumuhit ang isang tao kung maiguguhit niya ng maayos ang mga kamay at ang mga paa. Naisip ko noon na magaling nga ang anak ko. Maliit pa lang si Kay, alam ko na ang talentong ito ay hindi na mawawala. Dahil mahilig din akong gumuhit, palagi ko siyang ini-encourage. Ang mga bata naman, lalong pinupuri, lalong ginaganahan. Talagang kapansin-pansin sa kanya ang galing na gumuhit. Kitang-kita mo ang interes habang gumuguhit ako para sa mga proyekto sa iskul. Makikita mo na lang siya sa isang tabi na panay ang iskribol, tahimik na pini-perfect ang sariling drowing. klik mo dito para sa buong kwento

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink
Sunday, 27 March 2005
Mga Kamuhi-muhing Lalaki sa Mundong Ibabaw
Mood:  irritated
Topic: Ang Lipunan
Etong nakaraan na bakasyon (dahil Mahal na Araw), di ko naiwasang mapagtuunan ng pansin ang mga kamuhi-muhing lalaki sa mundong ibabaw. Opkors naman, dapat yung mga fafable na lang ang pinansin ko kaya lang pinili ko na isulat ang listahang ito para na rin magkaroon ng ideya ang mga lalaki bakit sila nagiging kamuhi-muhi. Eto ay para sa mga may-asawa, sa mga mag-aasawa pa lang at sa mga binata na rin: 1. Ang gaan ng kamay mo manakit nang ganun na lamang sa lab ob yur layp tapos mamaya sasabihin mo ang ‘I love you!’ 2. Pagdating ng misis mo sa bahay siya pa ang magluluto, maglilinis at mag-aasikaso sa mga anak e samantalang unemployed ka (dapat ka nang itapon, in short!) 3. Porke ikaw ang nagtatrabaho, dapat para kang haring pinagsisilbihan e hindi naman siya alila, siya ay asawa mo. 4. Sinabihan mo ang misis mo na di mo na siya mahal dahil nakatikim ka lang ng ibang putahe – sobra namang pagwawala yan! 5. Kuwento ka nang kuwento na pinikot ka lang ng misis mo e lima na ang anak nyo. 6. Pinili mo pa ang magsugal, habang humihingi ng ulam ang anak mo sa biyenan mo dahil wala kayong ulam. 7. Nakukuha mo pa ang magyabang na diskarte mo ang lahat e dapat magpasalamat ka sa mga taong tumulong sa iyo at sa pamilya mo. 8. Reding-redi ka magbigay ng butaw para sa toma e hayun panay ang litanya ng misis mo na ‘Wala nga akong kapera-pera!" 9. Para kang babae na putak ng putak sa kakapintas sa ibang tao e wala kang kamalay-malay na lihim kang pinagtatawanan ng mga kausap o kainuman mo. 10. Panay ang titig mo sa magandang babae e nariyan ang misis mo na hurt to the bones dahil parang me rugby ang mata mo sa kakatitig. 11. Galit ka sa mga mag-sing-irog na sobra ang sweet at panay ang holding hands e samantalang ikaw yung teksas na lang ang hinihimas mo, o yung baraha, o yung pitsa ng mah jong. 12. Wala kang galang sa mga babae at di mo mapigil ang humanga at magsalita (buti kung sinasarili na lang) kahit na sa harapan ng asawa niya – me lahi ba kayong maniac? 13. Lahat na lang ng babae pinapatos mo, pati ba naman yung nanay ng dalagang kapitbahay nyo? 14. Galit ka sa misis mo dahil kahit nasa bahay nag-aayos (ayaw lang namang malosyang), yun naman pala ayaw mo na mas maganda siya sa yo! 15. Ayaw mong makinig sa katwiran at gusto mo ikaw lang ang pakinggan e mas madalas namang wala ka sa hulog! Marami pa sigurong puwedeng idagdag sa listahang ito. Pero yan na lang muna. Meron na sigurong napiktyur na ideya ang sinumang lalaking makakabasa nito.

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink
Monday, 21 March 2005
PAGBIBIGAY
Mood:  irritated
Gusto mo bigyan ka na lang nang bigyan. Hindi isang beses, hindi dalawa, hindi tatlo. Gusto mo bigyan ka na lang nang bigyan. Kelan ka naman magbibigay? Ano naman ang ginagawa mo para sa mga taong nagbibigay? Paano kung nagsawa na ang nagbigay pagkatapos ng mahabang panahon? Masama na siyang tao? Balewala na ang mga ibinigay niya sa ‘yo dahil hindi na siya makapagbigay dahil sa ilang kadahilanan? Gusto mo bigyan ka na lang nang bigyan. Kahit wala nang matira sa nagbibigay. Wala ka namang pakialam kung may natira pa sa kanya. Basta ang mahalaga magbigay siya sa ‘yo. Para bang may panghabambuhay na obligasyon sa ‘yo. Gusto mo bigyan ka na lang nang bigyan. Maramot na ang tawag mo kapag hindi ka nabigyan. Kapag mayroon ka namang sobra, hindi ka naman makaalalang magbigay kahit kaunti at bukod pa doon, pinipili mo pa ang binibigyan. Yung type mo lang. Yung kasalukuyang pinakikinabangan mo lang. At ang sasabihin mo, ngayon nga lamang ako nakatikim nito. Pero dapat ang natitikman ng iba, matikman mo rin. Kung maramot ang ibinabato mong pang-uri, hindi kaya ang sa ‘yo e sakim? Gusto mo bigyan ka na lang nang bigyan. Walang katapusang pagbibigay. Kahit simpleng thank you hindi mo nga maibigay agad o di kaya naman, pilit pa ang pagpapasalamat. Parang ayaw mo pang sabihin. Sabi nga ng isang kasabihan, "Ang sa akin ay sa akin. At ang sa ‘yo ay sa akin pa rin." Eto kaya ang panuntunan mo sa buhay?

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink
Sunday, 20 March 2005
NAKAKALUNGKOT DIN PALA
Mood:  sad
Topic: Ang Aking si Kay
Taun-taon, mula nang mag-aral sila Kay at Daryl, umaakyat kami sa stage ni Papsie para sa magsabit ng mga medalya at ribbon sa aming mga anak. Kadalasan kasi tatlong estudyante lamang ang kinikilala sa mga pribadong eskuwelahang pinapasukan nina Kay at Daryl.

Pinag-usapan na namin ni Papsie ito na ihanda rin ang aming mga sarili sa mga hindi inkiaasahang pangyayari gaya ng posibleng hindi pagkakasama nila sa kikilalanin sa Recognition Day. Hindi kami dapat mag-react violently. At dumating nga ang pagkakataong ito.

klik mo dine para sa buong kwento

Posted by bingskee at 11:01 PM
Updated: Sunday, 3 July 2005 9:22 PM
Post Comment | Permalink
BAKIT GALIT SA MGA ABU SAYYAF
Mood:  mischievious
Topic: Tagahalakhak
Kahapon ay nasa Calumpit, Bulacan kami ni Papsie kasama ang ilan sa mga barkada niya. Kasama rin si Kuya Ed. Okey pala pumunta kina Pareng Lito! Aba, 11 putahe ang aming nilantakan. Grabe sa sarap ang lechon at hanep sa ngala ngala ang kare kare (salamat kay Pareng Roger). Mga pasado alas dos y media na nang magsimula ang inuman. Hindi Fundador ang inihatag pero brandy din – Tres Cepas, at beer para sa iba. Pwede na rin. Hindi naman ako nalasing kasi malayo ang lugar at kelangang alalayan si Papsie. Wala ring kontrol yun pag wala ako (tagabantay pa tuloy ako). Pero nalasing ang isa sa kasama namin. Ang mga sumusunod ang naulinigan ko (at hinalakhakan ko nang todo) sa loob ng FX na aming sinasakyan pauwi. Makulit na lasing: Alam mo, mga bubu yang mga Abu Sayyaf na yan. Bakit kamo?? Malumanay na lasing: E, wala na tayong magagawa dyan, ginagawa nila yun dahil sa prinsipyo. Makulit na lasing: Anong prinsipyo?? Malumanay na lasing: E, di ang pumatay! Makulit na lasing: Hinde, pare, galit talaga ako sa mga Abu Sayyaf na yan! Ang bububu! Bakit kamu?? Eto nga, dinadamay pala nila ang mga inusinti! Dapat ang pinapatay nila yung mayayaman! Malumanay na lasing: Ano naman kinalaman ng mga mayayaman? ‘lam mo, pare, yang mga mayayaman na yan, mga negosyante yan. Me mga kapital yan. Tayong mahihirap me kapital din – tawag dun kapit sa patalim. Makulit na lasing: Kaya nga pare, ang bububu ng mga Abu Sayyaf! Dapat ang pinapatay nila mga mayayaman! Malumanay na lasing: Bakit kamo mahihirap ang napapatay? Makulit na lasing: Bakit?? Malumanay na lasing: E pano me pantubos yung mga mayayaman kaya di napapatay! Ako rin naman, e, galit sa mga Abu Sayyaf... Makulit na lasing: Bakit??? Malumanay na lasing: E, MILF ako, e. ‘tang-inang mga yan, kaagaw pa namin! Kinabagan yata ako sa katatawa. Ang makulit na lasing ay hindi naubusan ng istorya hanggang makarating kami sa kanto ng Kaingin Road. Pati drayber ay pinagtri-tripan. Pero humihingi naman ng paumanhin paminsan-minsan. Higit akong tumawa sa malumanay na lasing na kasama namin. Seryosong hindi naman pala seryoso. Me kanya-kanya talagang talento ang bawat nilalang.

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink
ISANG SORPRESA
Mood:  surprised
Topic: Ang Aking si Danny
Ilang linggo nang nakaraan ito. Naalala ko lang kasi nagugutom na ako habang sinusulat ko ito. Minsang hinatid ako ni Papsie patungong office e nabanggit ko sa kanya na ang sarap talagang kumain ng ginataang langka. Mahilig din talaga ako sa lutong me gata. Ang sabi ni Papsie sa aken e mahirap daw kasing iluto ang mga me gata. Hindi raw sya magaling sa mga lutong me gata. Sumagot ako nang ‘Ba’t naman mahirap? Sa tingin ko naman, hindi yun mahirap." (hindi kasi matanggap na hindi na magluluto ng me gata ha ha ha) Sabi nya ulit e dalawa raw kasi ang kamay ko na magagamit sa pagpiga ng gata e sa kanya iisa lang ang gumagana. Bigla namang akong naguilty at sinabi sa sarili, "Oo nga, no?" Sinabi ko rin nang malakas yun. klik mo dito para sa buong kwento

Posted by bingskee at 11:01 PM
Updated: Sunday, 3 July 2005 9:16 PM
Post Comment | Permalink
Saturday, 19 March 2005
TUBIG!!!!!!!
Mood:  down
Topic: Ang Lipunan
Higit talaga ang pasasalamat namin sa aming kapitbahay (at kamag-anak na rin) na si Kuya Boy. Kung di dahil sa kanya wala kaming tubig na magagamit. Inabangan din niya ang tubig kasabay ng pag-aabang ni Papsie hanggang alas tres y media ng madaling araw. Tumawag sa MWSS si Kuya Boy at ang sira ulong sumagot ay ini-hang ang telepono. Pinuntahan nya ang nasabing ahensiya at hayun! saka lang ibinalik ng nakayukyok sa mesang mama ang telepono mula sa pagkaka-hang. Tulog din ang gwardiya. Kagyat na dumating ang tubig mga alas siyete ng umaga. Dalawang beses pa nagrasyon. Lahat ay nakangiti dahil lahat ng kanilang drum, timba at kung anu-ano pang lalagyan ay napuno ng tubig. Salamat at may isang Kuya Boy na walang pagdadalawang-isip na sumugod sa MWSS. Takot lang ng mga hinayupak na empleyado na masumbong kaya hayun at dalawang beses pang nagrasyon. Mas malaking tangke pa ang sumunod.

Posted by bingskee at 11:01 PM
Updated: Sunday, 3 July 2005 8:30 PM
Post Comment | Permalink
Sunday, 13 March 2005
NAISIP KAYA NILA?
Mood:  lucky
Topic: Ang Lipunan
Bago akong paligo. Siyempre papasok kasi sa office. Preskong-presko ang pakiramdam. Dapat lang kasi papasok nga sa office. Dumating ako sa office na basang-basa ng pawis. Bakit kamo? ‘Eto ang dahilan kung bakit. Sumakay ako ng dyip mula Baesa. Sa loob ng dyip ay nahagip ng paningin ko ang isang mag-anak sa dulo ng dyip sa katapat na bahagi. Apat sila – ang nanay, ang tatay, isang anak na lalaki na nasa mga pitong taong gulang at isang anak na babae na nasa mga humigit kumulang dalawang taong gulang. Napansin ko ang kakulangan sa kanilang buhay dahil sa damit na suot at sa hitsura. Hindi ko rin naman alam kung saan sila galing sa ganitong kaagang oras. Nabuhos ang atensyon ko sa batang babae na kumakain ng biscuit na hiningi sa kapatid na lalaki. Ipinagsaksakan ng bata ang pahabang biscuit sa kanyang bibig na animo’y gutom na gutom. Halos nabilaukan na. Parang hindi na nga maayos na nakakahinga. Maya maya pa’y iniluwa ng bata ang natirang nasa bibig. Sinalo agad ng ina at iniabang ang kamay sa may baba. Naisip kong bigla ang aking mga anak. Hindi nila naranasan ang kumain ng biscuit bilang almusal. Lalo na kung araw ng Sabado at Linggo na talaga namang ipinaghahanda namin sila ng masaganang almusal. Wala akong matandaang umaga na humingi sila o naghanap ng pagkain na wala silang nakain. Pero hindi biscuit para sa almusal. Hindi kami mayaman pero pinipilit naming silang mabigyan ng masustanyang pagkain para sa kanilang maayos na paglaki. Nang imwestra ng bata sa ina na itapon ang pagkain palabas ng bintana ng dyip, doon ko napansin na hindi na pamilyar ang lugar na tinatahak ng dyip. Sumilip ako, umaasang baka hindi ko lang natandaan ang mga bahay na iyon na dinaraanan ng sinasakyan kong dyip. Pero wala akong natatandaan. Bigla akong pumara pero hindi ako umasta na naliligaw na. Totoo nga! Lumampas na ako ng Eternal Gardens. Malayo-layo rin ito. Sinubukan kong pumara ng dryip. Ilan na ang nagdaan pero lahat puno. Wala akong magawa kundi ang maglakad patungo sa kompanyang pinapasukan ko. Habang sinesermunan ko ang aking sarili sa daan, sabay kong naiisip, “Naiisip kaya ni Kay at ni Daryl ang pagpapahalaga namin ni Papsie sa kanila?” Naisip kaya nila na ang lahat ay kinakaya namin para mabigyan sila ng maayos na paglaki? Sana ay naiisip nila at higit sa lahat, sana ay nararamdaman nila ang pagmamahal namin sa kanila.

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Saturday, 12 March 2005
ANG AKING SI DARYL
Mood:  special
Topic: Ang Aking si Daryl
Siya ang pangalawa kong supling. 12 taong gulang na. Matangkad pa sa akin. Lalo na siguro pag na*** (ayaw niya ipagsabi) na. First year high school na siya. Salutatorian din nang grumadweyt noong elementary. Malambing na bata. Sa edad niya, kakaiba siya. Hindi kasi mahilig sa barkada. Hindi katulad ng ate niya. Mahilig lang siyang maglaro ng computer games gaya ng Age of the Empire at ng SIMS. Mahilig din magsurf sa net tungkol sa mga paborito nyang istorya gaya ng Lord of the Rings. Mahilig din sa Blogs. Madalas niyang pinupuntahan ang blog ng GMA-7. Kapuso daw kasi siya. Die-hard na maka-siyete. Makakasundong mabuti kung ang kausap ay maka-siyete din. klik mo para sa buong kwento

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink
Monday, 7 March 2005
ANG AKING SI DANNY
Mood:  amorous
Topic: Ang Aking si Danny
Tapos na ang birthday ng aking Papsie (ang tawag ko sa aking kabiyak ng puso). Nalasing siya. Fundador lang naman ang pwede sa kanya kasi na-stroke siya. Ayaw ko noon pumayag na tumikim siya ng kahit na anong alak pero nang magbigay ng signal si Doc Rico, hayun at umarya na. Natuto tuloy akong uminom ng brandy. Mas malakas pa nga sa kanya kung minsan he he he basta Fundador lang. Gumulong daw siya, sabi ng isang kainuman niya na dali-daling pumasok sa bahay dahil sa pag-aalala. Dali-dali rin akong lumabas at hayun siya at prenteng nakaupo na para bang walang nangyari, ngingisi-ngisi, lango na. Pinilit kong tanungin kung ano ang nangyari, hindi nagtapat, pinilit ibahin ang kwento at sinabing OK lang daw siya. Kinabukasan ko na nalaman na hindi naman daw siya pinatid o napatid ni Itoy, nawalan siya ng balansya dahil sa kaliwang binti niya (paralisado ang kaliwang bahagi ng katawan niya). Masaya siya sa selebrasyong nangyari. Gaya pa rin ng dati, maingay ang selebrasyon at ang karamihan ng ingay e galing sa kanya. Pag me karga na, lalo na siyang magulo. Magulo na masaya. Hindi naman nagwawala. Just want to have fun, ika nga. At lahat ay napapasaya niya, kahit na nga mga pang-asar at pang-iinsulto ang lumalabas sa bibig niya. Kilala na kasi si Dan ng mga kaibigan niya – palabiro, maingay, masayahin, mahilig mang-inis, mapang-asar. Iyon ang nagustuhan ko sa kanya. Nang maging kaibigan ko siya noon at naging bf nang malaon, naitanong ko nga sa kanya, “Wala ka bang problema?”. Sumagot ng “Wala,” na taliwas sa inaasahan ko na “Meron naman.” Ganoon niya ituring ang buhay mula pa noon. Light, ‘ika nga. Nais niya lang palaging maging masaya. Ang hindi alam ng nakakarami. Malalim na tao si Dan. Malalim ang diskarte sa buhay sa gitna ng kanyang kalagayan. Palagi siyang me alternatibo para sa isang problema. Palaging bukas ang isip sa pang-unawa kahit na hindi na kauna-unawa. Palaging nag-iisip na mabuti bago ang isang desisyon. Palaging tutulong kahit ganun ang kalagayan ng katawan (at daig pa ang isang buo ang katawan!). Palaging umaalalay sa amin pag kailangan siya. Marami siyang nagagawa na hindi nagagawa ng isang normal ang katawan. Ano pa kaya kung normal ang kanyang katawan? Siguro ang layo na ng narating namin bilang isang pamilya. Siguro mas marami pa kaming matutulungan. Siguro mas marami pa kaming maibibigay. Siguro rin hindi second hand ang kotse namin. Siguro rin mas magandang pribadong eskuwelahan ang pinapasukan nina Kay at Daryl. Siguro puro na signature ang isinusuot naming damit, sapatos, atbp. Siguro mas madalas kaming kumain sa labas. Siguro mas marami pa kaming magandang gamit na mabibili. Pero wala namang kabuluhan ang lahat kung wala si Dan. Walang halaga ang lahat ng magaganda sa buhay kung wala si Dan…

Posted by bingskee at 11:01 PM
Post Comment | Permalink

Newer | Latest | Older