Mood: don't ask
Topic: Ang Lipunan
Nagsimula na namang magkwenta. Pagkatapos na naman ng pagdiriwang na daraan, tiyak ay maririnig mo kung magkano ang ginastos niya. Parang siya lamang palagi ang gumagastos. Sa sampung beses na pagkukwento, isa lamang ang kwento tungkol sa ginastos ng iba. Bida pa rin siya. Kapag marami ang nakikinig, mas lalong maraming kwento tungkol sa ginastos niya. Etsapwera na ang ginastos ng iba. Pagyayabang ba ang tawag dito? Sabagay, di lamang naman tungkol sa gastos siya bida. Pagdating din sa trabaho, hindi niya magawang ikwento ang nagawa ng kasama niya. Parang siya lamang ang nagtrabaho. Mas marami naman ang utos. Wala sanang problema ‘yon, e. Sana naman e wag nang magpasikat dahil hindi na rin naman kapani-paniwala ang ibang sinasabi. Hindi na ako magtataka kung bakit may nagsabing walang ginagawa ang kasama niya – na sinabi din ng kaututang dila niya. Palagay ko ikinalat nga ng kaututang dila niya na walang ginagawa ang kasama niya – sa mga kapitbahay. E di bida nga naman siya sa mga kapitbahay. Madalas din niyang ipagmalaki direkta o di direkta kung gaano siya kabuting tao, na kung wala siya e walang mangyayari sa iba, na kung hindi siya MABAIT e paano na lang ang mga UMAASA sa kanya. Sana hinintay na lamang ang iba na magsabi nito. Mas ayos ‘yun, di ba? Ayaw kong makipagkumpetensiya. Hindi naman ito ang layunin ko sa buhay. Kaya nakikinig lamang ako at hindi ako sumasabay. ‘Yun nga lamang masakit na rin kasi sa tenga. Marahil hindi niya gusto na second lead siya. Gusto niya siguro siya ang palaging bida. E di ibigay ang hilig. Ano naman ang mapapala kong buti sa pakikipagkumpetensiya? Sabi nga ni Blaise Pascal – (susubukan kung isalin sa Filipino) "Kung gusto mong mag-isip ng maganda ang ibang tao sa iyo, huwag kang magsalita nang marami tungkol sa iyo."
Posted by bingskee
at 10:01 PM