Mood: quizzical
Topic: Ang Lipunan
Tatlo ang pusa sa bahay – si Tigra, si Karen at si Ursula. Tatlong henerasyon ng mga pusa. Sa kasalukuyan, si Tigra ay buntis na buntis. Si Karen ay kasalukuyang namamale, katulad ni Tigra bago ito nabuntis. Si Ursula naman ay isang inosenteng batang-batang pusa, anak ni Karen. Kakaaliw pagmasdan at pakinggan ang mga pusa kapag namamale. Ang ingay po kamo. Parang ang maririnig mo, e, ganito, (sa wikang Ingles), “Nowwwwww! Nowwwwww! Nowwwwww!” at sasagot naman ang lalaki nang ganito (sa wikang Ingles uli), “Not nowwwwww! Not nowwwwww! Not nowwwww!” Paulit-ulit na palitan ng ingay. Siguro yun ang ligawan o di kaya nama’y pagpapahiwatig na gusto nilang makipagniig. Bukod pa nga sa ingay, napansin ko rin na alumpihit si Karen. Palagi siyang ikot nang ikot na nakatihaya sa sahig o sa lupa, tapos didilaan ang ari niya o ang buntot niya. Tapos susundan na naman ng ingay. Naobserbahan ko nga kagabi habang siya ay nag-aabang sa labas ng bahay sa kanyang lover, tanaw siya nang tanaw, para ring tao na nangangandahaba ang leeg sa pagtanaw kung nariyan na ba ang sinisinta. Nang dumating na ang ginintuang barako, hayun at pumuwesto na si Karen nang akmang tatakbo patungo sa kanyang lover. Siya pa kamo ang nagpapansin at lumapit. Maya-maya, nawala na si Karen, hindi ko nasundan kung saan nagpunta. Nalaman ko na lamang na nasa bubong na, ang ingay naman kasi. Sabi ko sa ka-officemate ko, kung ang pusa ay namamale, ano tawag noon sa tao? “Naglalandi!” Hagikhikan kami. Lalo siyang natawa nang sabihin ko na kanina ko pa kasi iniisip iyon at inaapuhap kung ano ang namamale sa tao. Pero iba pala ang pusang naglalandi sa taong namamale. (Ay, ano ba ‘yun – baligtad ata?) May pagkakaiba ba?
Posted by bingskee
at 10:01 PM