Mood: happy
Nakatikim na ba kayo ng kabute? Peborit ko ‘yan lalo na kung isasama sa ispageti, sa baka at sa dila ng baka (in wayt sauce). Masarap ang mga ito kahit na simpleng luto lang na igigisa mo kasama ang baka, young corn, green bell pepper at oyster sauce (grrr… ginutom ako dun, a!) Sa sarap ng kabute (iyong edible, ha, hindi ‘yung poisonous), laking hinayang kung ito ay tutubo lang sa tae o dumi (ng tao). Ang mga kabute kasi ay tumutubo sa mga lugar na mamasa-masa, may nabubulok na dumi ng hayop (manure) at malamig at madilim-dilim na lugar. Ang mga ito rin ay kinu-culture na rin para maitinda sa palengke o maproseso para mailagay sa lata. Bakit ko nga ba naalala ang kasabihang ito? Nakarinig kasi ako ng balita tungkol sa mga warehouses ng mga pekeng (branded) damit at sapatos na na-ri-raid ng mga awtoridad. Ngayong araw na ito ay may na-raid na mga warehouses ng mga pekeng produktong ito na nagkakahalaga ng 15 milyong piso. Katulad halos ng senaryo noong mga nakaraang araw. Halos buwan-buwan ay may mga kahawig na balita tungkol dito. Para silang mga kabute na bigla nalamang nagsulputan dito sa bayan natin, at ang bilis pa kamong dumami. Ang hindi ko nga lamang maintindihan ay kung paano sila dumadami nang dumadami, at kung paano nakakapasok nang maluwalhati dito sa ating inang bayan. Kung tulad nga lamang ang mga ito ng totoo at kinakaing kabute na kapag tumubo sa tae ay hindi na gagalawin, wala sanang problema. E, ang kaso mo, binibili pa rin sila ng madlang pipol kahit na peke. Kumikita ng limpak limpak na salapi ang mga lintyak na dayuhan dito sa atin at hindi sila nabubuwisan. Masisisi ba naman ang madlang pipol sa pagtangkilik sa mga ganitong uri ng produkto e kakarampot naman kasi ang inuuwing sweldo. Ang popular na moto nga, e, ‘kung saan ang mura, doon tayo’.
Posted by bingskee
at 10:01 PM