LINKS
ARCHIVE
« June 2005 »
S M T W T F S
1 2 3 4
5 6 7 8 9 10 11
12 13 14 15 16 17 18
19 20 21 22 23 24 25
26 27 28 29 30
Tuesday, 14 June 2005
ANO BA ANG KINAIN MO?
Mood:  chatty
Topic: Tagahalakhak

Madalas si Papsie ang pasimuno ng kalokohan tuwing naglalaro sila ng mah jong ng kanyang mga kaibigan. Noong isang araw, (sabagay hindi lamang noong araw na iyon) nakatuwaan na naman niya ang magpalabas ng masamang hangin sa harap ng mga kalaro niya. Siyempre, tumayo ang isa dahil hindi nakayanan at ang isa naman ay natalo dahil na-disturb yata ng amoy ng u**t niya. Isa sa mga miron ang hindi nakatiis at nagtanong, “Ano ba ang kinain mo? Patay?” Tawanan ang lahat. “Putsa, amoy patay na kasi, e. I-deposito mo na kaya yan!” Halakhak at hagikgik lamang ang tugon ni Papsie.

Gross, ‘no? Hindi ko naman sinisiraan ang asawa ko. Fact of life na ‘to, e – mahilig talaga siya mang-gud taym, at maraming kalokohan sa katawan! Pero gusto kong I-pokus ang istorya sa tanong ng miron –“Ano ba ang kinain mo?” Mayroon bang kinalaman ang pagkain sa amoy ng u**t? Nabasa ko, meron pala..

Lahat pala tayo ay may gaas o hangin sa tiyan. Ang sobrang dami ng gaas o hangin sa tiyan ay tinatawag sa Ingles na flatulence (Hindi ko kayang I-transleyt sa Tagalog). Ang mga gaas na ito pala ay binubuo ng atmospheric nitrogen at oxygen na nalulon(?) natin. Ang mga ibang gaas, gaya ng carbon dioxide, methane, at hydrogen, ay nabubuo sa mga bituka..

Ang carbon dioxide pala ang karamihang nakukuha ng ating katawan at ang ibang gaas na nabuo dahil sa hindi kumpletong pagtunaw ng pagkaing mayaman sa starch at cellulose ay inilalabas sa puwet sa pamamagitan ng u**t (flatus). Ang di kanais-nais na amoy ay dahil sa ilang sulfur compounds..

Ang starch ang isa sa mga pangunahing carbohydrates (nutrients na pinagkukunan ng lakas ng ating katawan). Makukuha ito sa pagkain ng mga tinapay at cereal, mais, sitaw, patatas, atbp. Ang cellulose naman ay makukuha sa pagkain ng mga madahong gulay. Malinaw na sinabi na ang sobra sa kinakailangan ng katawan ng mga nutrients na ito ay hindi maganda at nagiging dahilan ng gaas na pag isinama mo sa ilang sulfur compounds ay magbibigay ng sobrang baho na amoy ng u**t..

Tama lang pala talaga na magdiyeta si Papsie sa mga pagkaing ma-starch..

PAUNAWA: Ang ginagawang ito ni Papsie (ang pagpapalabas ng flatus o fart) sa karamihan ay delikado. Huwag gayahin..


Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 8:17 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Monday, 6 June 2005
MAG-INGAT!
Mood:  chatty
Topic: Ang Lipunan

Sa araw-araw na pagpasok ko sa trabaho at sa dami ng mga nakasalamuha kong tao, natuklasan kong may mga taong dapat pag-ingatan:

1.Mag-ingat sa mga taong sobra ang pagngiti. Magtaka ka kung bakit sobrang tamis ang ngiti na wala namang dahilan at hindi naman kayo mag-bes pren. Maaaring nasisira na ang ulo o may ginawang kalokohan laban sa iyo.

2.Mag-ingat sa mga taong biglang bumait sa iyo na dati rati nama'y hindi ka pinapansin. Magtaka ka kung bakit ekstraordinaryo ang pagbati sa iyo na may kasamang nakakalokong ngisi. Malamang isinumbong ka na, o siniraan ka.

3.Mag-ingat sa mga taong ikinukwento ang kasiraan ng bes pren niya o ng simpleng kaibigan niya. Kung ang bes pren o kaibigan ay sinisiraan, ikaw pa kaya na hindi niya kaibigan?.

4.Mag-ingat sa taong kung tumingin ay akala mo kung sino, na tila ka sinusukat habang ikaw ay tinitingnan mula ulo hanggang paa o vice versa.

5.Mag-ingat sa mga taong kung tumingin ay palihim. Habang nakatalikod ka ay tila ka sinusuri at pag humarap ka na, biglang babawiin ang tingin. Subukan mo itong gawin na may salamin sa harap mo.

6.Mag-ingat sa mga taong kumikiling na hindi naman alam ang totoong nangyari at pilit na ipinagtatanggol ang isang taong balitang pangit ang pag-uugali at malinaw namang may diperensiya. Siya ay isang matalik na kaibigan ng taong iyon at tiyak na ipararating ang anumang komentaryong sinabi mo.

7.Mag-ingat sa mga taong palaging nakakontra sa sinasabi mo. Hindi ito nakikinig at mas mabuting huwag nang magsalita kapag naryan ang taong ito. Isang araw, marami nang pangit na balita tungkol sa iyo.

8.Mag-ingat sa mga taong sipsip. Mataas ang ambisyon ng mga taong ito. Wala silang pakialam kung masagasaan ang sinuman, maging ang kaibigan.

9.Mag-ingat sa mga taong nagnanakaw ng kaalaman ng iba at sasabihing ito ay sa kanila. Ang mga ito ay bobo, tamad at walang kakayahan. Gagamitin ka lamang o ang iyong kaalaman para umangat o maumentuhan.

10.Sa madaling salita, mag-ingat sa mga taong TRAYDOR.


Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 8:34 PM
Post Comment | View Comments (3) | Permalink
Monday, 30 May 2005
ANG INAHIT NA KALIWANG KILAY
Mood:  chatty
Topic: Si Ako

Madalas akong napagkakamalang mataray dahil sa aking kaliwang kilay. Hindi kasi pantay ang kanan at kaliwang kilay ko. Mas nakaarko ang kaliwa. Inggit na inggit ako (hindi naman yung inggit na papatay o maninira ng kapwa, ha?) sa mga nilalang (babae o lalaki) na biniyayaan ng magandang pares ng kilay. Nagmumukha kasing maamo ang mukha ng isang tao kapag maganda ang tubo ng kilay at hindi nakaarko.

Kailangang ahitin o di kaya’y bunutin (pluck yata yun sa Ingles) ang kilay ng isang babae kung kalat o sabog at kung makapal ang kilay niya. Pwede rin namang mag-ahit ang mga lalaki (basta palihim ha, or els, mapagkakamalan kayo). Sa madaling salita, kailangang ayusin ang kilay para naman maging maayos ang mukha.

Mabalik tayo sa kilay at sa pagiging mataray. Ilang beses na akong nasabihan na akala nila ako ay mataray at hindi approachable dahil sa aking ahit na kaliwang kilay. Kapag ako na ay nagbiro at ilang panahon na akong nakasama, sasabihin sa ‘kin, “Mabait ka pala. (Naks! Sila ang me sabi niyan, ha)” o di kaya’y “Ok ka pala!” Napapangiti lamang ako. Ilang kwento lang at mga green jokes, mabait na ako? Hindi lang nila alam kung paano ako magalit he he.

Paano kung ang isang tao ay duling o banlag? Sabi kasi ng iba “Ang duling walang gawang magaling.” Sapat na bang maniwala at husgahang wala ngang gawang magaling si duling? O di naman kaya yung mga obserbasyon na “Ang laki ng bibig niyan, siguro tsismosa yan!” Narinig nyo na ba yung kasabihang “Ay, maitim ang gilagid, pangit ang ugali niyan.” Dapat bang paniwalaan ang mga ‘yon?

Para sa akin, nagiging maganda ang tao kahit hindi naman siya kagandahan o kagwapuhan kung ang naririnig sa kanya ay maganda, o ang ginagawa niya ay maganda. Sa mga kontrabida nga sa pelikula, ilan diyan ang matutuwa ka at sila pa ang down-to-earth people sa totoong buhay. Pero pansinin mo, mukha silang lahat mataray, matapang, nakakatakot pa nga minsan. At yung ilang mga naggagandahan at naggwa-gwapuhan ang siyang maisusumpa mo ang pag-uugali.

O, tatanungin mo ba kung bakit ako nag-aahit ng kilay? Hindi para magmukhang mataray. Kelangan kong alisin ang mga naliligaw na kilay. At oo nga pala, pareho kung inaahit ang mga kilay ko – kaliwa at kanan.


Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 8:53 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Wednesday, 25 May 2005
PAANO BA MAGING ISANG MAHIRAP?
Mood:  quizzical
Topic: Ang Lipunan

Sabi ni Nanay, karamihan sa mga mahihirap o naghihikahos o yung mga walang pera, ay talusaling, konti mo lang masaling ang pride, e sobra nang nasasaktan. Kahit na sa maliliit na bagay, nasasaktan, nagdaramdam, nagrerebelde, naaawa sa sarili. Totoo naman palagi ito.

Pero kung iisipin, pwede namang hindi maging mahirap o naghihikahos o mawalan ng pera ang isang tao HABAMBUHAY. Ang obserbasyon ko lang, marami sa mga mahihirap, lalo na sa ngayon, ang nakuntento na lang na maging mahirap. Sa totoo lang, marami akong nakikita at kilala na naghihirap na nga, wala pang ginagawa, kuntento na lang na nakatunganga sa buong maghapon, at naghihintay ng awa ng iba. Maririnig mo rin sa kanila na wala silang kapera-pera. Hindi naman masama ang tanggapin ang katotohanan, pero ang tanong e ano ba ang ginagawa mo sa kasalukuyan mong sitwasyon?

Sa totoo lang, ginagamit din ng mga mahihirap na ito ang kanilang sitwasyon para magkapera nang walang kahirap-hirap, laway lang ang puhunan kung baga. Ikinukuwento ang lahat ng kakulangan, pagkasalat at kawalan ng kung anu-ano para maawa ang pinagsasabihan, para magbigay ng pera. Ang nakakalungkot, ang mga nagbibigay ay patuloy na naaawa at patuloy na nagbibigay habang ang mga nanghihingi ay nakahilata lamang sa buong maghapon. Hindi rin naman kaya kadalasan ng nagbibigay ang kanilang kunsensiya – at ito ay sinasamantala.

Sabi nga ng aking pinsang si Macky, walang problema ang tumulong, pero sana tinutulungan din nila ang kanilang sarili. Tama naman, di ba? Ang sarap ng pakiramdam kapag ang tinulungan ay umangat, nagsikap makaahon sa kinalalagyan, o nagsikhay para umasenso at hindi na umasa sa iba.

Ang Diyos ay nagbigay ng utak, talino at lakas sa lahat ng nilalang niya. Ano ba ang dapat gawin sa mga ito? Hindi ba dapat lamang na gamitin? Sayang kung nakatengga lamang ang mga ito. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat.

Isa pang kapansin-pansin sa ilang mahihirap o walang pera, hindi marunong lumugar. Wala na ngang pera, ayaw pang tumulong, ni ayaw gumalaw para magbigay ng serbisyo, iyong kusang pagsisilbi. Mas magaan kasi ang tumulong kung nakikita mo na marunong namang makisama. Hindi iyong ang tumutulong pa ang nakikisama.

Ang napakasaklap pa sa mga mahihirap na tinutulungan ay iyong kawalan ng utang na loob. Ilan na ring istorya na hango sa tutuong buhay ang alam ko tungkol dito. Sa lahat ng naitulong, hindi na nga nagpapasalamat hindi man lang natutong lumingon sa pinanggalingan. Meron pa sa mga ilan na konting sermon, o napagsabihan lang sa kamalian, e sila pa ang may gana na sumama ang loob (at tuluyan ng kalimutan ang LAHAT ng naitulong). Bulag sila sa katotohanan na kailangan silang pagsabihan para sa kanilang kabutihan. Hindi naman yata tamang isipin na dahil ikaw ay mahirap ay kailangan ka na lamang unawain nang unawain kahit sobra ka nang PALPAK.

Isa pang napakasaklap ay ang mga mahihirap na umaangat. May mga taong sa kabila ng kabutihang loob ng iba, nakukuha pang ikwento na umangat sila sa sarili nilang kayod o pagsusumikap, kinalimutan nang banggitin ang mga taong tumulong sa oras ng kanilang kagipitan. Ingrato, ano? Dapat nilang isipin na ang mga tulong (maliit man o malaki) na tinanggap nila noong mga panahong wala sila ang nagbigay sa kanila ng pagkakataon para marating ang kanilang kinalalagyan.

Hindi hadlang ang kahirapan para maabot ang mga pangarap. Kailangang magsikap sa anumang sitwasyon. Kahit na ang mga mayayaman, o iyong may kaunting kabuhayan ay kailangan pa ring maging patuloy ang pagsisikap. Hindi rin naman kailangang yumaman nang husto. Pero kailangang magsikap upang hindi umasa sa iba o maging pahirap sa iba.

Ang mga kabataang iniwan ng magulang, o sabihan ng biktima ng sitwasyon ay tutuong kailangang tulungan. Pero sa pagsapit nila sa tamang gulang, ang pagsisikap ay dapat na naroon upang hindi maging isang mahirap kundi isang indibidwal na may kakayahan.

Hindi ako mayaman, pero hindi na ako mahirap. Paano kasi ay marunong akong magsikap at magpagod para kumita ng ikabubuhay.


Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 9:03 PM
Post Comment | View Comments (6) | Permalink
Sunday, 22 May 2005
ANG PUMAGITNA SA NAG-UUMPUGANG BATO
Mood:  mischievious
Topic: Ang Lipunan

Ang hirap nun. Masakit pa. Imadyinin mo na lang.

Ang mundo ng blogging ay maihahalintulad sa isang pamilya. Iyon nga lang walang tatay at nanay na maituturing. Panay putok sa buho kung ganun??? Maaari sabihing ganun kasi iba iba ang pinanggalingan. Pero isang pamilya pa rin.

Sa isang pamilya, lalo na iyong maraming magkakapatid, mayroon diyan ang magka-vibes, magkasundo o magkakampi. Saan ba nagkakasundo? Siyempre, sa mga bagay-bagay – hilig, ugali, paniniwala, bisyo, at kung anu-ano pa. Pero hindi lahat magkakasundo o magkakampi. May grupu-grupo rin sa mga magkakapatid. At madalas ang mga ito ay nagtatalu-talo na minsan pa nga e nauuwi sa away. Sa ganitong mga eksena, sa tuwina e meron mga kapatid na hindi kasali sa away o hindi nakikisali – sila yung pumapagitna. Ang hirap ng sitwasyon na iyon. Paano kung pareho mong gusto o kasundo?

Hindi ito madali. Minsan kailangang isakripisyo mo ang isa para lamang lumabas ang totoo. Minsan kailangan mo namang tumahimik na lamang kahit na gusto mong umayon sa isa na kapareho ng paniniwala mo para lang hindi lumala ang gulo.

Sa mundo ng blogging, alam ko na may mga ganitong eksena. Mahirap ang malagay sa sitwasyong nasa pagitan ng mga nag-uumpugang bato. Hindi maiiwasan na ang kaaway ng isa ay kaibigan naman ng isa. Kahit na may puntos ang isang kaibigan (na katunggali, kadiskusyon, o kaaway ng isa pang kaibigan), mapipilitan na lang siyang manahimik. Dapat nating irespeto iyon. Pero dapat ding hayaan na lang ang magkadiskusyon na resolbahin ang kanilang hidwaan. Kung kaibigan ka man, puwede kang magbigay ng opinyon pero huwag kang makisawsaw sa isyu na halos nanggagalaiti ka sa galit. Maging patas kahit saan man at kahit kailan man. Maging magalang din sa opinyon ng iba at gawin ang di pagsang-ayon sa mapayapang paraan. Huwag gamitin ang anumang behikulo upang mailabas lamang ang mga natutulog na hidwaan. Isa pa, dapat bang me kumpetisyon sa isang pamilya?

Isang pamilya na may iilang hangarin – ang maibahagi ang nalalaman para makatulong, ang makapagbigay ng impormasyon, ang mapaunlad ang kakayahan sa pagsusulat at kung minsan pa nga, ang makapagbigay ng aliw. Tandaan na lamang sana ang mga mabubuting hangarin na ito. Isang pamilya ang mundo ng blogging at ang dapat mamayani ay ang peace at understanding.

Mabuhay ang lahat ng bloggers!


Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 9:24 PM
Post Comment | View Comments (3) | Permalink
Wednesday, 18 May 2005
ANG LAMAN NG PUSO AT ISIP
Mood:  sharp
Topic: Ang Lipunan

"Napansin po ba ninyo kung paano sumasaya ang paligid kapag naryan si Dan?" tanong ko kay Nanay. Matagal ko nang napapansin iyon. Si Danny, o ang aking si Papsie, ay likas na masayahin. Kahit sino ang makausap, tiyak tatawa. Hindi nga lang tatawa, hahalakhak pa. Isa siya sa mga taong may mahusay na sense of humor. Sabagay, hindi lamang siya ang ganyan. Kaya kapag may nakakasalamuha akong magaling ang sense of humor, nakakasundo ko, at naalala ko si Danny. Ang higit mong mapapansin ay kung paano siya magiging masayahin sa kalagayan niya (isa siyang biktima ng hypertension at paralisado ang kaliwang bahagi ng katawan).

Naniniwala ako na ang laman ng puso at isip ni Danny ay makapagbigay ng kasiyahan sa likod ng pagiging stroke victim. Ang lumalabas na mga salita, aktwasyon, pananaw, pangangatwiran, o opinyon sa isang tao ay ang laman ng puso at isipan niya. Hindi perpektong tao si Danny, may mga kahinaan siya pero mas higit na mapapansin ang talas ng isipan sa isang desisyon at kung paano hindi maaagrabyado ang isang tao. Magaling siyang makisama. Minsan nga ang nasabi ko, "Asawa lang ang hindi mo pinapahiram." Sa sobrang pakikisama lahat kasi ng humihiram ay pinagbibigyan. Bumalik nga ang turbo broiler na sira na.

Saan na nga ba tayo? Aaa, tungkol sa laman ng puso at isip. Kapag likas na mayabang ang isang tao, mapapansin mo ang hirap niya pagbaguhin. Kapag pinuna mo, magagalit pa sa iyo. Yun nga kasi ang laman ng puso at isip niya – na siya ay nakakahigit sa kaninuman. Ito pa ang isa – may mga babaeng kung umasta ay sila lang ang maganda o seksi – kasi nga ang isip nila superganda sila. Hindi lang naman ang panlabas na kaanyuan ang importante. May mga babae naman na hindi kagandahan pero ang ganda ng tingin mo dahil sa aura niya. At ito pa – ang dami kong nakakasalamuha na ang daling pumuna sa ibang tao pero hirap punahin ang sarili – kasi nga ang laman ng puso at isip ay pawang kasamaan laban sa iba. Handa silang sumira ng ibang tao sa pamamagitan ng kamandag ng bibig nila para lamang umangat.

Sa kabila ng lahat ng ito, siyempre, naryan ang mga taong mamahalin mo o hahangaan mo dahil sa angking tunay na kabaitan, prinsipyo at mga kapaki-pakinabang na paniniwala. Hindi nagpipilit ang mga ito. Kusang lumalabas ang kabutihan, ang tunay na laman ng kanilang puso at isipan.


Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 9:40 PM
Post Comment | View Comments (3) | Permalink
Sunday, 15 May 2005
KUNG NASA UNA ANG PAGSISI
Mood:  crushed out
Topic: Mahahalagang Bagay

Kung nasa una ang pagsisisi, hindi sana mawawala ang Canon IXUS 30 Digital Camera ko. Hindi ko sana iisiping kumuha ng mga larawan ng mga anak ko pagkatapos ng misa. Hindi ko sana ipinalagay sa bulsa ng shorts ni Papsie ang cel fon at ang digital camera. Hindi sana muling ilalabas ni Papsie mula sa kanyang shorts ang cel fon at ang digital camera dahil nabibigatan siya. Higit sa lahat, hindi ko na sana ipinadala kay Kay ang digital camera.

Kaya lang, may nauuna bang pagsisisi? Siyempre wala. Palagi namang isang resulta ang pagsisisi pagkatapos ng isang hindi kanais-nais o nakakalungkot na pangyayari. Kailanman ito ay nasa huli.

Marami rin akong natutunan kahapon buhat sa pagkawala ng cel fon at digital camera ko. Una, hindi na dapat nagdadala ng mga valuables sa simbahan. Kailangang ang konsentrasyon ay nasa misa lamang at sa homilya. Yun ay panahon para sa Diyos, para sa pagsamba at pasasalamat. Pangalawa, ibayong ingat kapag may dala-dalang valuables at dapat siguruhing ito ay palaging nakakabit sa katawan at hindi iniiwan lamang sa tabi-tabi at sa kung saan-saan. Pangatlo, ang pagtanggap nang maluwag sa nangyari ay nararapat lamang sapagkat ang sisihin ang sinuman sa mga nangyari ay hindi na makakapagpabalik ng nawalang gamit. (Humagulgol ako ng malakas at matagal sa banyo nang ma-realize ko na hindi na babalik ang valuables ko na nawala.) Pang-apat, maling isipin na ang lahat ng pumapasok sa simbahan ay may mabuting kalooban. Marami ang nagtatanong, “Pati ba naman sa simbahan?” Oo, pati sa simbahan ay may mga taong mas umiiral ang pagiging masama at ang pagkaengganyong kunin ang hindi sa kanila. Kung may intensyon ang taong iyon na ibalik ang mga valuables ko, iniwan sana niya sa opisina ng simbahan ang mga iyon at hindi niya papatayin ang cel fon ko. Hindi na namin siya ma-contact dahil pinatay ang cel fon. Panglima, may mga tao pala na imbes na damayan ka sa mga ganitong pagkakataon, mas inuuna pa ang magbibigay ng mga komentaryong hindi naman nakakatulong. May mga napapangiti pa at nang-aasar. Para bang ang mga ginagawa nila ay makakaalis ng sakit na nararamdaman.

Nakuha ko nang tanggapin ang mga nangyari. Ang nakakalungkot lamang ay masyadong aperktado si Papsie. Kagabi nga lang, nang mag-gudnayt kis ako, naluluha siyang nagsabi nang, “Ma, I am so sorry.” Sabi ko huwag nang isipin iyon, wala na kaming magagawa tungkol doon para mabalik. Higit kakong mahalaga siya kaysa sa mga bagay na iyon. Ang inaalala ko kasi ay may hypertension si Papsie at ang stress ay maaaring makapagpataas ng kanyang BP. E, kikitain ko pa naman ang perang ipinambili ko sa mga iyon.

Sabi ni Mila, baka naman daw sinasabi ko kay Papsie na ok lang pero hindi naman ok ang itsura ko. Naisip ko, “Guilty yata ako doon, a.” Hindi nga kaya dahil nakikita niya ang sobrang kalungkutan sa akin kaya siya apektado nang husto?

Kalilimutan ko ang nangyari. Itsolendamayn, ika nga.


Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 9:48 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Friday, 13 May 2005
LINIS TUBO
Mood:  cheeky
Topic: Sa Canteen ni AlingThelma
Matagal-tagal na ring hindi nagkakatuwaan sa canteen. Paano naman e sobrang init ng panahon at madalas mas gusto ko na lamang magmeryenda sa kwarto ko dahil sa airconditioned ito.

Bert: O, Jun, nalaman na ba ni ABCD kung ano ang ibig sabihin ng linis tubo.
Jun: (tumatawa) Hindi, boss.
Mila: Linis-tubo? Ano yun?
Bing: (tumatawa kasi alam ang ibig sabihin ng linis tubo) Bakit?
Jun: Hindi pala alam ni ABCD na biyenan ko si Abundant. Nagkita kasi kami doon. Dinala pala siya ni FMT doon kasi me maganda nga raw dun.
Bing: Type yata ni ABCD at ni FMT yung hipag mo, yung maganda dun.
Jun: Yung hipag ko nga.
Bing: Si FMT talaga! Me asawa na yung tao, e. Ang dami naman diyang walang asawa na game. E, ano yung linis tubong kwento?
Jun: Tinanong daw kasi ni ABCD si Abundant kung bakit name-maintain niya ang magandang pangangatawan. (Si Abundant kasi ay isang balo na me edad na.) Ang sabi daw ni Abundant, ang sikreto daw niya ay linis tubo.
(Humahagalpak sa tawa si Bing at si Bert.)
Bert: Kala ko pa naman, sinabi mo na kung ano ang ibig sabihin.
Jun: Hindi pa, Boss. E, paano kung sa inyong mga babae tanungin?
Bert: Sabi ko nga, e si Omeng expert diyan. Sinabihan ko nga siya na baka magtanong si ABCD sa kanya.
Bing: Ano ang sabi ni Omeng?
Bert: Tumatawa lang.
Jun: E, paano nga, Bing, kung sa inyo tanungin?
Bing: E, di, sasabihin ko, ano sa ingles ang “linis”? E, di ba clean? Ano naman ang “tubo,” di ba tube? Clean tube!
(Tawanan ang lahat. Maya-maya pa ay umalis na si Jun at ang pumalit ay si Rey. Matapos ang marami pang kwento, nauwi ulit sa linis tubo ang kwentuhan.)
Mila: Kay Rey magtatanong yan!
Rey: Ano yun?
Bert: Ano raw yung linis tubo, tanong ni ABCD?
Rey: Patay tayo dyan!
Bing: Me kakayahan pa ba naman yang si ABCD? Kahit anong linis tubo pa yan!
Rey: Tapos habang nililinis tubo, lumabas ang almoranas, o!
Bing: Yuck! My gosh, kadiri talaga!
(Tawanang umaatikabo.)
Bing: May naalala nga akong kwento ng isang kumpare ni Dan. Pumunta sila sa isang beerhaws. Siempre nalasing sila at nagpunta pa rin sa VIP room. E, nagkataong umakyat na ako noon at sila ay nag-iinuman pa rin. “____-ina, p’re! Sabi noong babae habang naglilinis tubo, - ano ba yan ayaw magalit! -” sabi ng kumpare nya.
Bert: Sobra sigurong lasing.
Bing: Sabi nga nila, wala na raw talaga pag lasing. Parang manhid ang katawan kaya walang reaksiyon.
Mila: Ahhhh, akala ko pa naman ang linis tubo e masturbation!
Bert: Pwedeng kasama na rin iyon.
Bing: Hindi ang alam ko BJ yun e!
Bert: Hindi, yung isa dry clean, at yung isa naman, me tubig!
(Tawanan uli.)

Posted by bingskee at 10:01 PM
Post Comment | Permalink
Tuesday, 10 May 2005
SAYANG NA KABUTE, TUMUBO SA TAE!
Mood:  happy
Nakatikim na ba kayo ng kabute? Peborit ko ‘yan lalo na kung isasama sa ispageti, sa baka at sa dila ng baka (in wayt sauce). Masarap ang mga ito kahit na simpleng luto lang na igigisa mo kasama ang baka, young corn, green bell pepper at oyster sauce (grrr… ginutom ako dun, a!) Sa sarap ng kabute (iyong edible, ha, hindi ‘yung poisonous), laking hinayang kung ito ay tutubo lang sa tae o dumi (ng tao). Ang mga kabute kasi ay tumutubo sa mga lugar na mamasa-masa, may nabubulok na dumi ng hayop (manure) at malamig at madilim-dilim na lugar. Ang mga ito rin ay kinu-culture na rin para maitinda sa palengke o maproseso para mailagay sa lata. Bakit ko nga ba naalala ang kasabihang ito? Nakarinig kasi ako ng balita tungkol sa mga warehouses ng mga pekeng (branded) damit at sapatos na na-ri-raid ng mga awtoridad. Ngayong araw na ito ay may na-raid na mga warehouses ng mga pekeng produktong ito na nagkakahalaga ng 15 milyong piso. Katulad halos ng senaryo noong mga nakaraang araw. Halos buwan-buwan ay may mga kahawig na balita tungkol dito. Para silang mga kabute na bigla nalamang nagsulputan dito sa bayan natin, at ang bilis pa kamong dumami. Ang hindi ko nga lamang maintindihan ay kung paano sila dumadami nang dumadami, at kung paano nakakapasok nang maluwalhati dito sa ating inang bayan. Kung tulad nga lamang ang mga ito ng totoo at kinakaing kabute na kapag tumubo sa tae ay hindi na gagalawin, wala sanang problema. E, ang kaso mo, binibili pa rin sila ng madlang pipol kahit na peke. Kumikita ng limpak limpak na salapi ang mga lintyak na dayuhan dito sa atin at hindi sila nabubuwisan. Masisisi ba naman ang madlang pipol sa pagtangkilik sa mga ganitong uri ng produkto e kakarampot naman kasi ang inuuwing sweldo. Ang popular na moto nga, e, ‘kung saan ang mura, doon tayo’.

Posted by bingskee at 10:01 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Monday, 9 May 2005
Pusa ay Namamale, Ang Tao Ba?
Mood:  quizzical
Topic: Ang Lipunan
Tatlo ang pusa sa bahay – si Tigra, si Karen at si Ursula. Tatlong henerasyon ng mga pusa. Sa kasalukuyan, si Tigra ay buntis na buntis. Si Karen ay kasalukuyang namamale, katulad ni Tigra bago ito nabuntis. Si Ursula naman ay isang inosenteng batang-batang pusa, anak ni Karen. Kakaaliw pagmasdan at pakinggan ang mga pusa kapag namamale. Ang ingay po kamo. Parang ang maririnig mo, e, ganito, (sa wikang Ingles), “Nowwwwww! Nowwwwww! Nowwwwww!” at sasagot naman ang lalaki nang ganito (sa wikang Ingles uli), “Not nowwwwww! Not nowwwwww! Not nowwwww!” Paulit-ulit na palitan ng ingay. Siguro yun ang ligawan o di kaya nama’y pagpapahiwatig na gusto nilang makipagniig. Bukod pa nga sa ingay, napansin ko rin na alumpihit si Karen. Palagi siyang ikot nang ikot na nakatihaya sa sahig o sa lupa, tapos didilaan ang ari niya o ang buntot niya. Tapos susundan na naman ng ingay. Naobserbahan ko nga kagabi habang siya ay nag-aabang sa labas ng bahay sa kanyang lover, tanaw siya nang tanaw, para ring tao na nangangandahaba ang leeg sa pagtanaw kung nariyan na ba ang sinisinta. Nang dumating na ang ginintuang barako, hayun at pumuwesto na si Karen nang akmang tatakbo patungo sa kanyang lover. Siya pa kamo ang nagpapansin at lumapit. Maya-maya, nawala na si Karen, hindi ko nasundan kung saan nagpunta. Nalaman ko na lamang na nasa bubong na, ang ingay naman kasi. Sabi ko sa ka-officemate ko, kung ang pusa ay namamale, ano tawag noon sa tao? “Naglalandi!” Hagikhikan kami. Lalo siyang natawa nang sabihin ko na kanina ko pa kasi iniisip iyon at inaapuhap kung ano ang namamale sa tao. Pero iba pala ang pusang naglalandi sa taong namamale. (Ay, ano ba ‘yun – baligtad ata?) May pagkakaiba ba?

Posted by bingskee at 10:01 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink

Newer | Latest | Older