LINKS
ARCHIVE
« July 2005 »
S M T W T F S
1 2
3 4 5 6 7 8 9
10 11 12 13 14 15 16
17 18 19 20 21 22 23
24 25 26 27 28 29 30
31
Thursday, 28 July 2005
Ang Kabataang Filipino sa Makabagong Panahon
Mood:  quizzical
Topic: Ang Aking si Kay
Isang likha ni Kay...

Maniniwala ka ba na ang mga kabataang Filipino ngayon, kahit na kami’y rebelde, suwail, magastos at minsa’y walang pakialam, ay nag-iisip din kung ano ang dapat naming gawin upang umangat sa buhay? Maniwala ka. Kami’y nag-iisip din ng paraan para hindi tumunganga na lamang sa aming pagtanda.


Tama, may mga pagkakamali kaming nakamit. Hindi mo ito mabibilang at madalas ang mga pagkakamaling ito ay nagdudulot ng walang kapantay na sakit at sama ng loob sa aming mga magulang. Dulot pa nito’y dagdag-rebelde kapag napagalitan o napagsabihan lamang. Inaamin ko, kami’y mga batang umaarteng alam na ang lahat, ayaw naming magpadaig at mapagalitan. Sino bang nais na laging pinapagalitan? Alam naman namin na para sa amin iyon. Madalas, maririnig mo na masyadong mapagtuklas at agresibo ang mga kabataan ngayon dahil sa paningin na hindi ka “in” kung hindi mo kahit minsan ma’y suwayin ang mga magulang mo. Sabi ng ating pambansang bayani, “ Ang kabataan ang pag-asa ng Inang Bayan.” Pero sino pa ba ang natira na naniniwala sa matagal nang kasabihang iyon? KAMI.


Rebelde ang IBANG kabataan. Bakit nga ba? Ang paghithit ng rugbee, pampalipas-gutom ng mga mahihirap at pagsinghot ng marijuana sa mga kabataang gustong matanggap ng iba. “Nakaka-high!” sa mga salita ng isang binatilyong minsa’y sumubok at habang panahong nalulong. Suriin natin ang paligid ng mga kabataang ito. Sa squatter’s area na lamang, halimbawa, ang paligid doo’y hindi kaaya-aya, pugad ng krimen at mga nagdodroga. Ang kapaligiran ay isang malaking salik at mas lalo na ang mga tao roon. Kilala mo ba si Eminem? Isa siyang sikat na rapper, sa Amerika at maging dito sa Pilipinas. Madaming umiidolo sa kanya at maging sa kanyang mga kanta. Pero kung naiintindihan mo ang mga liriko ng kanyang mga kanta ay makikita mong siya’y biktima ng isang madilim na nakaraan. Ano bang gagawin mo kung makikita mong binubugbog ng iyong ama ang iyong ina? At ang iyong ina, sa harap mo’y umiinom ng kung anu-anong gamot na ikinalulong niya? Naging magulo ang buhay ni Eminem noong kabataan niya at kita pa rin sa kanya ang hindi naghihilom at masaklap na sugat ng nakaraan. Ngunit siya’y halimbawa ng isang mabuting ama. Ibinubuhos niya sa kanyang anak na babae ang kanyang pagmamahal, at kitang ayaw niyang maranasan nito ang karanasang hindi na niya nais pang maalala.


Maaaring naghahanap lamang ng atensyon ang ibang kabataang nagrerebelde. Ipalagay nating nais ng isang binata ang makapiling ang kanyang mga magulang na gabi na umuuwi dahil sa pagkasubsob sa trabaho kaya gumagawa siya ng paraan upang makuha ang kanilang atensyon. Maaaring nais din ng isang kabataan na maramdamang siya’y tanggap. Nais niyang maramdaman na may kalalagyan siya kaya ginagawa niya ang mga nais ng kinabibilangan niyang grupo. Hindi rin naman mapagkakailang may mag kabataang sadyang rebelde, agresibo at lubhang mapagtuklas. May mga nalululong nang labis sa mga bawal na gamot, may mga maagang nabubuntis at nagiging miserable, may mga gumagawa ng krimen na mga menor de edad pa lamang at may mga nagpapakamatay sa ‘di malamang dahilan. Hindi natin matatanggal na talagang may mga kabataang nalilihis ang landas.


Minsa’y nasa mga nagpapalaki din naman ‘yan, kung talagang nagkulang sila sa paalala at pagsuporta, paggabay at pag-alaga. Mahalaga ang paggabay sa kabataan sapagkat gaya nga ng sabi ng mga matatanda, hindi lahat ay alam na ng kabataan.


Hindi rin naman dapat idamay lahat ng kabataan sa mga pagkakamaling nagawa na ng iba. Kung hindi nagkukulang sa tamang paggabay at pagpapaalala ang mga magulang sa kanyang anak, ano ang dahilan upang maging pabaya ang isang bata? Nasa desisyon din ‘yan ng isang kabataan kung paano ang paggawa ng landas na tatahakin niya. Hindi dapat hatulan ang kabataan dahil sa mga sabi-sabi at pala-palagay lamang dahil hindi lahat ay mga sira ulo’t nagdodroga, mga may bisyo’t suwail at mga rebelde.


Himalang maituturing ang isang batang pinili ang edukasyon kaysa droga. Marami pa naman ang gumagawa ng himalang ito. Hindi ba natin ito nakikita? May pag-asa pa. Ang negatibong pananaw sa kabataan ngayon ay mali naman, ‘di ba?


Ang mga matatanda’y minsa’y naging mga kabataan din. Sinuway din nila ang kanilang mga magulang, nagpadala din sa barkada nila. Hindi sila dapat mawalan ng pag-asa bagkus ay bigyan kami ng pag-asa. Isang tanong lang ang nasasaisip ko. Bakit kapag mali’y sobra-sobra ang pagpuna samantalang kapag tama, minsan pa’y nakakaligtaang kilalanin? Madaming kayang gawin ang mga kabataan. Maabilidad kami’t matatalino, madaming ideya’t malikhain kaya bakit ‘di niyo kami bigyan ng pagkakataong mapatunayan ang mga maaari naming magawa?


Kabataan nga kami, pero may sariling pananaw at pag-iisip din. Hindi kami manhid sa mga sakripisyong ginagawa ng aming mga magulang at kahit papaano’y mulat din kami sa mundong ginagalawan nating lahat. Sa pagtagal ng panahon, lalo pang lumalawak ang pang-unawa namin sa buhay, kung sa paggising ba nami’y may naghihintay na kinabukasan at tagumpay. Mahirap bang paniwalaan? Hindi din natin alam. Tulad na lamang ni Winston Churchill na malakas uminom at madaming bisyo, sino bang mag-aakalang magiging isa siyang mabuting pinuno? At si Adolf Hitler na walang bisyo’t malusog ang magiging puno’t dulo ng isang pandaigdigang digmaan? Malay ba natin na ang mga kabataang suwail at rebelde ang magiging pag-usad ng kabuhayan at kinabukasan ng ating bansa sa hinaharap? Isang survey ang lumabas sa Asya na nagsasabing ang mga kabataan daw ngayon, kahit na sila’y magastos, mataas ang pagnanasang kumita ng malaki at nais sa buong mundo’y magtagumpay, ay may malasakit at nais pa rin na maging mapayapa ang mundo kaysa makita itong bumagsak. Mas nais daw nilang tumira sa mundong walang gulo. Ang kabataan ay hindi makasarili. Sino ba ang nagsabing ‘di kami nagmamalasakit?


Alam ng lahat na masarap ang maging kabataan. Masarap magkaroon ng kalayaan, mabigyan ng pera araw-araw, gastusin ito, magsaya na parang wala nang bukas at isipin ang gagawin sa susunod na araw. Hindi mo ‘to matatanggal sa isang bata. Pero kami na ang nagsasabi, sa paglipas ng panahon, napagtatanto din naman namin na pag-unlad ang nais namin. Alam ng mga makabagong isip namin na ang buhay ay hindi puro sarap, minsa’y kailangan mong sumugal at maghirap upang makamit ang nais na tagaumpay. Hindi kami magiging pabigat sa aming pagtanda… kami ang pag-asa ng Inang Bayan at hindi namin kayo bibiguin!


Posted by bingskee at 8:21 PM
Updated: Saturday, 30 July 2005 8:26 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink
Tuesday, 26 July 2005
Wala Nang Pag-asa
Mood:  crushed out
Topic: Samu't Sari

Hindi madali ang mabuhay sa mundo. Hindi ito simpleng matutulog ka, kakain, matutulog, kakain. Kailangan mong kumilos. Kailangang gamitin ang lakas, talino at kakayahan na ibinigay sa atin ng Diyos. Sabi nga sa Bibliya, ‘kung ikaw ay tamad, huwag kang kumain.’


Makatarungan ang Diyos. Hindi niya tayo ginawang parang robot na gagalaw kung kailan lamang Siya pipindot sa mga buton. Binigyan niya tayo ng kalayaang mag-isip, magsalita at kumilos ayon sa sariling kagustuhan. Pero, ang kalayaang ito ay madalas inaabuso. Nakakalimutan na ito ay ibinigay unang-una para sa kapurihan ng Diyos.


Sa kasalukuyan, kawalan ng pag-asa ang nararamdaman ko para sa kapatid kong lalaki. Sadya yatang may mga taong may diperensiya o iyong tinatawag na may personality disorders. Nakakahiya mang sabihin at halos ayaw mong aminin sa sarili na kapatid ka ng isang taong para na ring walang kuwentang maituturing.


Panganay ako sa magkakapatid, isinilang sa mundo kasama ang mga kapatid ko, na walang kalakip na plano para sa bawat isa sa amin. Yun bang tila iniluwal lang kami sa mundong ito nang ganoon lamang. Ang natatandaan ko, iniluwal kami para magbayad sa kanila sa pagpapalaki nila sa amin, sa pagtataguyod nila sa amin. Eto ang konseptong pinipilit isaksak sa utak namin mula nang kami ay maliit pa – lalung-lalo na ng ina ko.


Ang hindi ko maintindihan kung bakit sa aming tatlong mga babae lamang iniatang ang ganoong tungkulin. Ang kapatid kong lalaki, na mahigit tatlumpung taong gulang na ngayon, ay hindi inatasang tumulong para sa pamilya. Parang may obligasyon kami sa kanya. Kaya hayun, lumaking iresponsable, barumbado, kulang sa pansin, sinungaling, walang utang na loob.


Walang problema sa akin ang tumulong. Hanggang ngayon nga ay ako ang nagbabayad ng upa at kuryente ng bahay nila. Bukod pa roon, may mga iba pang pangangailangan na sa akin din hinihingi. Walang problema sa akin iyon. Pero hindi ka ba magsasawa kung ang tinutulungan mo ay hindi nagbabago? Kung halos wala ka nang maramdamang pag-asa para sa kanila? Na sa kabila ng pagtulong ikaw pa rin ang masama? Na ni minsan hindi mo naramdaman ang taos-pusong pasasalamat? At kaya lamang nagpasalamat noong mga nagdaan ay para lamang makabalik sa akin para humingi ng pera?


Sa kulturang Pilipino, close ang ties ng magkakapamilya. Sang-ayon naman ako sa konseptong ito. Sino pa ba naman ang unang-unang lalapitan kundi ang iyong kapamilya at kadugo? Pero hanggang saan ba dapat tumulong? Paano kung hindi na sila kumikilos at umaasa na lamang sa iyo? Paano ang sariling mong buhay? Paano ang sarili mong pamilya? Paano kung sapat lamang ang lahat para sa pamilya, anak at pang-araw-araw na buhay mo?


Wala akong matanaw na pag-asa para sa kapatid ko. Makasarili siya. Wala na ring iginagalang. Pero patuloy na ipinagtatanggol ng ina ko. Nakakagalit pero ayaw ko nang magalit. Namamanhid na yata ang damdamin ko at hindi ko na makilala kung ano na ang tunay kong nararamdaman.


Posted by bingskee at 9:01 PM
Updated: Wednesday, 27 July 2005 8:26 PM
Post Comment | View Comments (6) | Permalink
Sunday, 24 July 2005
Ang Nunal! Bow!
Mood:  caffeinated
Now Playing: huni ng lektrik fan
Topic: Samu't Sari

Humiling ang byutiful na si Nao na mag-post ako tungkol sa nunal. Dahil kyut daw ang nunal ko. (Nunal lang???) Eneweiz, wala naman akong alam sa mga kahulugan ng nunal. Ang natatandaan ko, e, me awit si Vincent Daffalong (na bagay na bagay sa kanya ang kanyang pangalan, mind you) tungkol sa nunal. Pero, pipol, di ko kabisado ang awit. Na-re-recall ko lamang ang tono. Pero hindi ang lyrics.


Ang sumusunod ay transleysyen sa wikang Pinoy ng mga kahulugan ng nunal. Naligaw ako sa site na ito. Hindi naman ako mapapaniwalain sa mga astrologo. Pero pagbigyan na natin ang kanilang ilang depinisyon. Kakaaliw din naman. Hindi ko sinasabi na maniwala kayo sa mga depinisyong ito.


ANG NUNAL

- SA KANANG BAHAGI NG NOO – ikaw ay biglang yayaman at tatanggap ng karangalan pagkatapos ng 35 taong gulang, ikaw ay kikilalanin.

- SA KANANG KILAY – ikaw ay ikakasal nang biglaan pero ang mapapangasawa ay maraming mabuting katangian at yayaman.

- SA KALIWANG BAHAGI NG KAHIT NA ANO SA NAUNANG BINANGGIT – ikaw ay mabibigo sa lahat ng balak mo sa pagnenegosyo.

- SA LABAS NA SULOK NG MATA – ikaw ay matatag at may mabuting disposisyon sa buhay ngunit magiging malagim ang kamatayan.

- SA KAHIT SAANG PISNGI NG MUKHA – ikaw ay hindi makakaangat sa katamtamang buhay pero di naman makakaranas ng tunay na kahirapan.

- SA ILONG – ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong balakin.

- SA LABI, SA ITAAS MAN O SA IBABANG LABI – ikaw ay mahilig sa mga magagandang bagay sa buhay, mabubuhay nang matagal at bibigay nang husto sa ngalan ng pag-ibig, ngunit mabubuhay rin nang matagal.

- SA BABA – ikaw ay yayaman at magkakaroon ng maraming kaibigan.

- SA GILID NG LEEG – ikaw ay makakaligtas sa pagkasakal, o sa isang malagim na aksidente, at pagkatapos ay mabubuhay nang matagal, at mapapamanahan.

- SA LEEG SA MAY BANDANG LALAMUNAN – ikaw ay yayaman pag ikaw ay nag-asawa.

- SA KANANG DIBDIB – ikaw ay makakaranas nang biglaang pagbabago mula kaginhawan tungo sa kahirapan sa di maiiwasang mga pagkakataon, magkakaanak ng puro mga babae, at mabubuhay nang matagal.

- SA KANANG BAHAGI SA TAPAT NG RIBS – ikaw ay magiging bulagsak, matalino

- SA KALIWANG DIBDIB – ikaw ay yayaman ngunit ikaw ay magiging mainitin ang ulo.

- SA ILALIM NG DIBDIB SA TAPAT NG PUSO – kung ikaw ay isang lalaki, ikaw ay palakaibigan, ngunit magulo ang isip, mahihilig sa sugal, magiging bulagsak at sobra tiwala sa sarili; kung ikaw ay isang babae, ikaw ay tapat sa pag-ibig, matalas ang isip at magkakaroon ng mabubuting mga anak.

- SA KANANG HITA – ikaw ay yayaman pagsapit mo ng 41 taong gulang at magkakaroon ng masaya at magandang pag-aasawa.

- SA KANANG TUHOD – ikaw ay magiging mapalad sa pagpili ng mapapangasawa, ngunit makakaranas ng ilang kalungkutan sa buhay.

- SA KALIWANG TUHOD – ikaw ay magiging pabigla-bigla sa desisyon at walang konsiderasyon, ngunit magiging simple, tapat at mababago tungo sa mabuting kaugalian.

- SA KAHIT SAANG BINTI – ikaw ay walang pakialam sa kahit anong mangyari.

- SA KAHIT SAANG SAKONG – kung ikaw ay lalaki, mahilig ka sa magandang pananamit; at kung ikaw naman ay babae, ikaw ay matapang, aktibo at masipag ngunit mainitin ang ulo.

- SA KAHIT SAANG PAA – ikaw ay magkakaroon ng biglaang pagkakasakit o hindi inaasahang trahedya.

- SA KANANG BALIKAT – ito ay nangangahulugan ng pag-iingat, paglilihim at karunungan.

- SA KALIWANG BALIKAT – ito ay nangangahulugan ng katigasan ng ulo, at isang hindi makontrol na tao.

- SA KANANG BRASO – ito ay nangangahulugan ng kalakasan at di masukat na katapangan.

- SA KALIWANG BRASO – ito ay nangangahulugan ng pagwawagi sa anumang laban at tagumpay sa larangan ng pananalapi.

- SA KAHIT SAANG SIKO – ito ay nangangahulugan ng kawalan ng kapayapaan at hindi panatag na pag-uugali.

- SA TAPAT NG PUSO – ito ay nangangahulugan ng kasamaan at katusuhan.

- SA TENGA – ito ay nangangahulugan ng kayamanan at paggalang.

- SA TIYAN – ito ay nangangahulugan ng karangyaan.

- SA IBABANG BAHAGI NG KANANG TENGA – ito ay nangangahulugan ng pagkalunod.

- SA KANANG PAA – ito ay nangangahulugan ng karunungan.

- SA KALIWANG PAA – ito ay nangangahulugan ng kapahamakan dahil sa padalus-dalos na kilos.

- SA KAHIT SAANG BAHAGI NG LEEG – ito ay nangangahulugan ng sakit sa iyong pagtanda.

- SA KAHIT SAANG BAHAGI NG BABA – ikaw ay may kahanga-hangang disposisyon, masipag, magtatagumpay, at magkakaroon ng maraming kaibigan.

Nyay! Kakatakyut naman ng ibang depinisyon, ano? Pero wala akong kinalaman diyan, ha? Ikumpara n’yo na lamang at sabihin sa akin kung swak ang depinisyon sa inyo, oke?


Posted by bingskee at 11:41 PM
Updated: Sunday, 24 July 2005 11:57 PM
Post Comment | View Comments (3) | Permalink
Monday, 18 July 2005
Panayam ng Isang Makulit
Mood:  mischievious
Now Playing: Say Hello
Topic: Samu't Sari

Si Isabelakulit ay “pumatol” sa isang tag. Nakisali din ang kanyang irog na si Spartacus. Nang una kong mabasa ang palitan ng sulat ng dalawang ito sa Kablogstusangpinoyay natawa ako. Paano ba naman, si Bel ay ang tipikal na Filipinang diretsong magsalita at walang paliguy-ligoy. Habang ang kanyang irog naman ay tipong demure at classy. Isa pa sa nakaka(b)aliw, si Bel ay sumusulat o sumasagot sa wikang Filipino at si S(partacus) naman ay sumusulat o sumasagot sa wikang Ingles. Nalaman ko na lang lately na si S pala ay galing sa isang royal family (joke joke) at ang lengguwaheng ginagamit nila sa loob ng bahay ay Ingles. Garantisado namang pampaalis ng kabag ang mga sulat ni Bel kaya bisitahin ninyo kapag me oras kayo.

Pinili kong sagutin sa wikang Pinoy ang kanyang panayam, pwede rin siyang sagutin sa Ingles:

What are the things you enjoy, even when no one around you want to go out and play?

Transleysyen: Anu-ano ang mga bagay na gusto mong gawin, kahit na walang gustong sumama sa iyo para maglaro?

Ang Gamitin ang Imahinasyon. Mas masaya minsan ang maglaro na gamit ang imahinasyon. Dito, pwede kang maging prinsesa o reyna at walang kokontra. Pwede ka ring maging tsampiyon sa swimming; sa totoo, super duwag ako pagdating sa paglangoy. Pa’no ba naman yung lintyak na kaklase at bespren kong si Diane, e, itinulak ako sa pool. Nagkakakawag tuloy ako at kinapitan ang lahat ng makakapitan. Buti hindi naubos ang buhok ni Nieva ha ha ha at hindi naputol ang binti nung isa pa. Pwede ka ring maging superganda at pinipilahan ng mga naggwa-gwapuhang mga suitors. Op kors naman, ito ang imahinasyon ko nung wala pa sa buhay ko si Papsie. Pwede ka ring maging isang superhero (o mutant?) na me super powers at isang dutdut mo lang sa mga taong kinaiinisan o kinaaasaran, voila! dis-appear na ang karakas nila sa daigdig na ito!

Ang Maglinis ng Bahay, o ng Silid-Tulugan, o ng CR. Para ka na ring naglalaro kapag naglilinis ng bahay, ng silid-tulugan, o ng CR. Ikaw palagi ang panalo dito. Este, ako pala. Ako nga pala ang ini-interview dito he he

Ang Magluto. Sa totoo lang, nang kami ay naging mag-asawa ni Papsie, ang kaalaman ko sa pagluluto ay kakaunti lamang. Naalala ko ang mapait na karanasan ko, Ate Charo, nang ako ay unang mag-attempt na magluto ng ginisang sayote. Pagkarami ng aking niluto. Si Papsie lang ang tumikim. Nang tikman ko, hindi naman masama ang lasa, pero Diyos ko, day! nalabog ang sayote, pagkalambot – overcooked! Hindi mo naman sila masisisi dahil pamilya sila ng masasarap magluto. Matagal na panahon bago ko sinubukan ang magluto uli. Ngayon, masasabi ko na maning-mani pala ang pagluluto. Olweys, pag ako ang nagluluto, eto ang koment – “Ma, ang sarap nito, a!” Yung biyenan ko, hindi madali sa kanya ang pumuri. Tingnan mo na lang kung paano niya nilalantakan ang pagkaing niluto ko, dun mo na lang malalaman kung ano ang koment niya.

What lowers your stress/blood pressure/anxiety level? Make a list, post it in your journal. Transleysyen: Ano ang nakakapagpababa ng stress/blood pressure/anxiety level mo? Ilista mo at ilagay sa iyong journal.

Pagtatalik. In English, sex. Tulad ni Sabel, pantanggal o pampabawas ko rin ng stress ito. Masarap unti-unting damhin ang egg-citement stage. Dito mo mararamdaman ang sex flush, at ang unti-unting pagbilis ng tibok ng pulso at ng BP. Dadaan ka rin sa plateau stage, orgasmic stage at resolution stage. “Solved” ka na pagkatapos. (at nag-lecture pa ako)

Panonood ng Encantadia at Atticat. Maka- GMA 7 si Daryl ko. Kaya ako ay naipakilala sa mga tauhan ng mga tele-novelang ito. Hindi naman ako mahilig sa mga ito. Sobrang korni at walang sense kasi yung iba. Pero nagustuhan ko ang dalawang ito. Yung Encantadia, hindi pa man maaaring ihilera sa mga obra ng mga dayuhang palabas pero hindi na masama kung kakayahan ng Pinoy ang pagbabasehan. Ang bilib ako dito ay ang mga costumes. Gumamit din sila ng mga pangalang kakaiba at iba naman ay galing sa mitolohiya gaya ng Perenna at Hathor. Yung Atticat naman ay isang nobela ng mga Koreano. Hanga ako sa pagiging tapat ni Noreen sa sarili. Si Noreen ang bidang babae dito. Pero minsan, mukha rin siyang tanga rito.

Datung. Hindi naman yung sobra. Ang mabayaran ang mga kautangan ay safat nang pampababa ng stress o anxiety level. Ang magkaroon ng safat para sa araw-araw na gastusin at para sa mas mahahalagang gastusin (gaya ng tuition fees, atbp) na hindi manggagaling sa panghihingi, panloloko o panggagantso. Clean money, ika nga.

Ang Presensya ng Isang Kaibigan. Friends, di nyo lang alam kung ano ang naidudulot niyo sa akin. Kung naryan ang isang kaibigan, ang bigat ng mundo ay hindi mararamdaman. Me tutulong kasi sa iyo sa pagbubuhat he he Ang isang kaibigan na nagsasabing “Ang taba mo na, magdyeta ka na!” na mararamdaman mo ang sinseridad at hindi ang pamimintas ay tunay na inspirasyon. Ang isang kaibigan na walang kyeme sa sarili, walang arte, in short, at totoo sa sarili ay hindi ko pagsasawaan. Ang isang kaibigan na walang kayabang-yabang kahit na ba mas magaling siya sa iyo ay isang inspirasyon. At ang isang kaibigan na handang dumamay at makinig sa tele-novela mo, habang pinapakinggan mo rin ang sa kanya, ay sangkap ng buhay na di mo pwedeng alisin o balewalain. Sila ay mga pills na pampababa ng stress/anxiety level.

Mga Nakakatawang Blogs. Laughter is the best medicine, ‘ika nga. Kelangan paminsan-minsan tayong humalakhak. Kahit sang parte ng buhay, kelangan me comedy. Isa yun sa dahilan bakit na-in-love ako kay Papsie. Sabi ko sa sarili ko, di magiging dull ang moments ko with him. Ganun din sa mundo ng blogging. Kelangan din nating pasyalan paminsan-minsan ang mga blogs na pampabawas ng stress. Dapat nga lang e mag-isa kang magbasa at baka maperhuwisyo mo pa ang nasa paligid mo pag me lumabas mula sa yo dahil sa kakatawa. Una kong kinabaliwan ang blog ni Batjay . Daring, at may pagka AB Normal. Pero carry naman niya at intelligent siya, ha. Nang magawi ako sa blog ni Bel, meron din palang female version si Batjay, isip-isip ko, pero mas tame naman siya. Ang nagustuhan ko kay Bel, hindi siya yung tipong nagpipilit. Kamakailan nagawi ako sa blog site ni Mikey at di ko na matandaan kung paano ako nakarating sa blog niya. Ingles ang lengwaheng ginagamit niya. Pero nalaglag ang panty ko este ang aking kilay nang mabasa ko ang content. Sounds foreigner siya pero click sa akin ang mga banat niya. Enjoyable ang experience, pampababa ng cholesterol aha ha ha ang layo na yata ng nasabi ko.

Gaganti ako! Gaganti ako! Ha ha ha…

Sana ay patulan din nila (pero ok lang kung ayaw – jaz lemme know Y):

Batjay; Mikey; Ka Uro; Patrice; at Jaleesa


Posted by bingskee at 11:37 AM
Updated: Monday, 18 July 2005 11:55 AM
Post Comment | View Comments (8) | Permalink
Tuesday, 12 July 2005
Walang Katiyakan
Mood:  chillin'
Now Playing: Beginning of Something Wonderful (Orange and Lemons)
Topic: Mahahalagang Bagay

Nakakabigla ang balita na nasa hospital ang isa sa mga empleyado sa kumpanyang pinapasukan ko. Noong isang araw lang e kausap ko ang taong iyon. Nakangiwi raw ang mukha dahil sa stroke.

Wala talagang katiyakan ang buhay. Ngayon malusog ka, kinabukasan me sakit ka na. Buti sana kung simpleng sakit lamang. Ngayon, magkasama kayo ng mahal mo, bukas e me iba ka na o siyang kasama. Ngayon, masaya ka sa mga kaibigan mo, bukas kaaway mo na sila. Ngayon ang dami mong pera, bukas nagdarahop ka na.

Nakakatakot kung iisipin. Kaya nga nakapagtataka na walang tigil ang tao sa pagpapasasa sa yaman, sa karangyaan, sa pakikipagsaya o pakikipagdiwang (kadalasan ay pakikipag-inuman). Walang tigil ang tao sa pagpaparami ng pera. Buti nga sana kung sa mabuting paraan. Ang kaso kahit na sa masamang paraan, basta magkapera, o umangat, o mabigyan ng pabor, ginagawa para lamang sa pera.

Nakakapag-alalang isipin na baka bukas ay kunin na tayo ni Lord. Ano naman ang mukhang (este espiritu pala) ihaharap natin sa Kanya? Dapat na talagang seryosohin ang bagay para sa ating kaluluwa sapagkat lahat naman ng nabubuhay dito sa mundo ay lilipas at lilipas din. Sa alabok ang tungo.

Walang katiyakan ang lahat. Kaya dapat na mag-ipon na lamang ng kayamanan na puwedeng dalhin pag ika'y yumao na. Lahat kasi ng yaman dito sa mundong ibabaw ay mawawala kung di man ay nauubos.

Walang katiyakan ang lahat. Kaya dapat na gawin ang lahat ng pwedeng makapagbibigay ng kasiyahan sa iyong mga mahal sa buhay at sa iyong kapwa. Kahit paano may pamana ka na maiiwan at tiyak hindi ito mawawala.

Walang kasiyahan ang lahat. Kaya yakapin mo madalas ang iyong mga anak at sabihin sa kanilang mahal mo sila. Ipadama sa iyong kabiyak o sa minamahal ang totoong pagmamahal. Gawin ang para sa magulang bago nila iwan ang mundo. Patawarin ang mga taong lumalapastangan sa iyo sa kahit anong paraan. Unawain ang kahinaan ng sarili, ng iba at ng mga nasa paligid.

Parang pari, ano? Pero seryoso ako. Bigla ko lang kasing naisip ang kalagayan noong kasama namin sa trabaho. Naaawa man ang karamihan, hindi rin makalimutan na isa siya sa mga taong makati ang dila. Sa madaling salita, tsismoso. Ayaw ko nang ganito - na matatandaan ako nang ganito. Gusto ko, pag nawala ako, ma-mi-miss ako. At maaalala ako nang maganda. Gusto kong mag-iwan ng pamana na ikatutuwa ng mga kaibigan ko, na ipagmamalaki ng pamilya ko.

Walang katiyakan, kaya dapat na ihanda... ang kaluluwa.


Posted by bingskee at 8:19 PM
Updated: Tuesday, 12 July 2005 8:41 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Sunday, 10 July 2005
Dapat Ba Akong Magdiwang?
Mood:  chatty
Now Playing: banda ni Glen sa kalapit-bahay
Topic: Ang Aking si Kay

Noong malaman ko na may boypren na ang anak kong 14 taong gulang, napuno ako ng takot at pangamba. Nagalit din ako sa loob-loob ko. Tanong ko sa sarili ko, "Bakit noong ako ay kasing-edad niya, wala sa isip ko ang mag-boypren?"


Sadya yatang madaling maakit ang mga kabataang lalaki sa byuti ng anak ko. Meron nga yata yung tinatawag na ligawin. Masaya man ako na hinahangaan si Kay, nag-aalala naman ako para sa kanya:

*Baka masaktan lang siya.

*Baka lokohin lang siya.

*Baka masira ang pag-aaral niya.

*Baka mabuntis siya sa maagang edad.

Siyam na taon pa lamang si Kay noon ay meron nang nagregalo sa kanya ng malaking teddy bear, wala namang okasyon. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya nalilimutan ng lola ng batang iyon – botong-boto sa kanya. Pero ngayon, mas matangkad na si Kay sa kanya. Matapos nun, marami na ang mapapansin mo na aaligid-aligid. Isang araw nga, summer pagkatapos grumadweyt ni Kay sa elementarya, habang kami ay nagkakatipun-tipon sa labas, may lumapit sa hipag ko na isang gwapong bata. Ang tanong – "Saan po ba dito nakatira si Czarina Kay _________?" Kumpleto pa pati apelyido.

klik mo dito para sa buong kwento

Posted by bingskee at 2:11 PM
Updated: Sunday, 10 July 2005 7:40 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Thursday, 7 July 2005
PWEDE NA KAYONG SUMILIP
Mood:  energetic
Now Playing: huni ng lektrik fan
Topic: Mahahalagang Bagay
MABUHAY!

Ngayon ang opisyal na pagbubukas ng bagong lokasyon ng Sa Aming Wika. Inagurasyon kung baga. Kasalukuyan ko pa rin itong pinag-eeksperimentuhan at pinagkakaabalahan. Ito rin ang dahilan ng mga tampo ni Papsie minsan. Napupuyat kasi ako sa paglipat ng aking mga obra dito. At sa pag-aayos na rin. Well, ewan ko kung maayos na nga.

Sa totoo, nahiya ako kay Jaleesa. Nagreklamo kasi ang bru. Hindi raw niya mabasa. Sabi ko sa sarili ko, subukan ko nga ang tripod. Libre naman, e! he he.

Kung meron kayong komento para sa ikagaganda, sabihin nyo lang. Oks lang sa akin. 'Wag nyo lang sasabihing fanget ang piksyur sa panel board at lagot kayo kay Papsie!.

O, ano mga 'igan. Sana ay huwag kayong mahiyang mag-iwan ng bakas. At wag ding magtatampo kung matuklasan na wala pa ang pangalan nyo sa kaliwang panel board. Kasalukuyan pa rin kasing nag-u-update..



Posted by bingskee at 10:29 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 7:56 PM
Post Comment | View Comments (17) | Permalink
Thursday, 30 June 2005
SI TITO REY
Mood:  chatty
Topic: Opismeyts

Isa siyang supervisor sa kumpanyang pinapasukan ko. Sa totoo, marami rin ang mga supervisor doon. 'Yun nga lang, isa siya sa natatangi. Karaniwan lang naman ang itsura niya. Isa rin namang simpleng tao, na may mga kahinaan din.

Pero hindi karaniwan ang dedikasyon sa trabaho. Dedikasyon na hindi paimbabaw, dedikasyon na walang halong pagkukunwari, dedikasyon na hindi pagsisipsip kung hindi malasakit sa trabaho. Kahanga-hanga ang pagbibigay niya ng mga suhestiyong makakatulong at nakakapagpabilis ng trabaho. Kahanga-hanga dahil si Rey ay hindi nakapagtapos ng kilalang kurso sa engineering, o accounting, o management, atbp. Isa siyang gradweyt ng vocational course. Pero daig niya ang mga nagtapos ng 4 o 5 taong kurso. Ngayon ko nga lang napag-isipan nang husto - wala rin sa tinapos na kurso ang kakayahan ng isang tao - nasa dedikasyon sa trabaho, nasa pag-uugali, nasa work attitude..

Sayang nga lamang at walang programa sa aming kumpanya na kumikilala sa mga taong tulad niya. Walang pagkakaiba ang turing sa nagtatrabaho at hindi nagtatrabaho, nang maayos. Wala rin namang napapala sa mga pagsisikhay na makahanap ng paraan para bumilis at maging tuluy-tuloy ang trabaho. Buti na nga lamang at hindi nagpapa-apekto si Rey sa mga ganitong sitwasyon. Trabaho lang, walang personalan, 'ika nga..

Bakit Tito Rey ang tawag sa kanya? Ang damontres, kahilig kasing magtatawag ng 'tita' kahit sa mga babaeng hamak ang kabataan sa kanya. Istilo niya kasi. Chick boy kasi, e (isa sa kahinaan niya). Buti na lang at meron siyang kaibigang tulad ko na palaging nagpapa-alala na 'gastos lang 'yan!".

Mabuhay si Tito Rey! (tatakbo ka ba?).


Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 8:11 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Tuesday, 21 June 2005
HETO NA NAMAN KAMI
Mood:  loud
Topic: Ang Aking si Daryl
Hay, naku, ang aking mga anak, heto na naman kami. Bumalik na naman ang mga sumusunod na senaryo: a. mga notebook at iba pang gamit sa eskuwela na iniiwan lamang sa center table sa sala b. mga sapatos na iniiwan lang sa ilalim ng sofa c. mga hanger na nagkalat sa sahig ng room nila d. mga procrastination habits na hindi maiwasan ‘Yan pa lang naman. Pero tiyak na tiyak habang tumatagal ang school days, marami pa akong mapapansin. Mangangaral na naman na para bang hindi pinapakinggan kasi inuulit-ulit ang mga pangit na gawi at gawain. klik mo dito para sa buong kwento

Posted by bingskee at 10:01 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink
Tuesday, 14 June 2005
ANO BA ANG KINAIN MO?
Mood:  chatty
Topic: Tagahalakhak

Madalas si Papsie ang pasimuno ng kalokohan tuwing naglalaro sila ng mah jong ng kanyang mga kaibigan. Noong isang araw, (sabagay hindi lamang noong araw na iyon) nakatuwaan na naman niya ang magpalabas ng masamang hangin sa harap ng mga kalaro niya. Siyempre, tumayo ang isa dahil hindi nakayanan at ang isa naman ay natalo dahil na-disturb yata ng amoy ng u**t niya. Isa sa mga miron ang hindi nakatiis at nagtanong, “Ano ba ang kinain mo? Patay?” Tawanan ang lahat. “Putsa, amoy patay na kasi, e. I-deposito mo na kaya yan!” Halakhak at hagikgik lamang ang tugon ni Papsie.

Gross, ‘no? Hindi ko naman sinisiraan ang asawa ko. Fact of life na ‘to, e – mahilig talaga siya mang-gud taym, at maraming kalokohan sa katawan! Pero gusto kong I-pokus ang istorya sa tanong ng miron –“Ano ba ang kinain mo?” Mayroon bang kinalaman ang pagkain sa amoy ng u**t? Nabasa ko, meron pala..

Lahat pala tayo ay may gaas o hangin sa tiyan. Ang sobrang dami ng gaas o hangin sa tiyan ay tinatawag sa Ingles na flatulence (Hindi ko kayang I-transleyt sa Tagalog). Ang mga gaas na ito pala ay binubuo ng atmospheric nitrogen at oxygen na nalulon(?) natin. Ang mga ibang gaas, gaya ng carbon dioxide, methane, at hydrogen, ay nabubuo sa mga bituka..

Ang carbon dioxide pala ang karamihang nakukuha ng ating katawan at ang ibang gaas na nabuo dahil sa hindi kumpletong pagtunaw ng pagkaing mayaman sa starch at cellulose ay inilalabas sa puwet sa pamamagitan ng u**t (flatus). Ang di kanais-nais na amoy ay dahil sa ilang sulfur compounds..

Ang starch ang isa sa mga pangunahing carbohydrates (nutrients na pinagkukunan ng lakas ng ating katawan). Makukuha ito sa pagkain ng mga tinapay at cereal, mais, sitaw, patatas, atbp. Ang cellulose naman ay makukuha sa pagkain ng mga madahong gulay. Malinaw na sinabi na ang sobra sa kinakailangan ng katawan ng mga nutrients na ito ay hindi maganda at nagiging dahilan ng gaas na pag isinama mo sa ilang sulfur compounds ay magbibigay ng sobrang baho na amoy ng u**t..

Tama lang pala talaga na magdiyeta si Papsie sa mga pagkaing ma-starch..

PAUNAWA: Ang ginagawang ito ni Papsie (ang pagpapalabas ng flatus o fart) sa karamihan ay delikado. Huwag gayahin..


Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 8:17 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink

Newer | Latest | Older