LINKS
ARCHIVE
« September 2005 »
S M T W T F S
1 2 3
4 5 6 7 8 9 10
11 12 13 14 15 16 17
18 19 20 21 22 23 24
25 26 27 28 29 30
Wednesday, 28 September 2005
Pamalit sa Tissue
Mood:  chatty
Now Playing: a boring stand up comedy at Jack channel
Topic: Tagahalakhak

Sa hirap ng buhay ngayon, pati ang mga kompanya ay nag-iisip ng kung anu-anong paraan para makatipid. Dito sa pinapasukan ko ay matagal nang inumpisahan ang pagtitipid. Ito ay naging topic sa kantina ni Aling Thelma. Kasama ko sa balitaktakan sina Rey, Mila at Margie isang hapon nang kami ay nag merienda.

Unang naging hakbangin sa pagtitipid ay ang pagpapanatili ng kasalukuyang bilang ng mga empleyado kahit na may nag resign na. Ang mga managers ay hindi na pinalitan pero ang mga supervisor na siyang pumalit ay hindi naman na promote bilang manager. Kung nadagdagan man ang sweldo, hindi rin ganoon kalaki. Ang mga taong nawala sa produksyon ay hindi na rin pinalitan. Ang ibang trabaho ay idinagdag sa naroon pa o kinukuha ang serbisyo ng mga emergency workers na below minimum ang sahod at pwede pang patigilin kahit anong oras gustuhin ng namamahala o ng may-ari.

Pangalawa ay ang pagpigil sa OT. Kung sabagay, malaking bagay ito sa pagtitipid. Aminin man ng iba, o hindi, marami ang nasasayang na oras na binabayaran sa rate ng OT. Ang problema nga lamang, madalas ay walang mayakag na mag-OT ng pautay-utay. Ipinagtataka ko rin naman kung bakit tinatanggihan ng iba ito e dagdag sahod din naman iyon kahit na nga kakapiranggot.

Pangatlo ay ang pagbili ng mga mas murang gamit sa opisina na hindi rin naman nagtatagal. Sundan pa ito ng pagbabawal na magrasyon ng tissue paper sa bawat departamento. Matagal na ring walang air freshener o Baygon para sa bawat departamento.

Napunta ang topic sa tissue paper. Tinanong ako ni Margie bakit nawala. Ipinaliwanag ko naman – ito ay sa dahilang nakita yata na maganda ang tissue paper na ginagamit nang minsan manghingi ang panginoon. Naghinala na baka mahal kung kaya ipinag-utos na itigil na ang rasyon ng libreng tissue paper.

Nakakalusot si pren Mila dahil idinadahilan niya na kailangan niya ng “panlinis ng tubo” sa laboratoryo. Nakapasa naman. Sa kabilang banda, Si Rey ay may suhestiyon bilang pamalit sa tissue paper. Titigan nyong mabuti ang larawan sa ibaba at isipin kung paano gagamitin. Iihit ka ng tawa kapag nagpagtanto mo na. Siyangapala, dapat kaliwang kamay ang gamitin.




Posted by bingskee at 7:40 PM
Updated: Wednesday, 28 September 2005 7:50 PM
Post Comment | Permalink
Saturday, 17 September 2005
Resulta ng Unang Markahan
Mood:  chatty
Now Playing: lagaslas ng tubig sa gripo
Topic: Ang Aking si Daryl

Isang gabi ngayong linggong ito, sinalubong ako ni Daryl at nagsabing may ipapakita raw siya sa akin. Sa una ay hindi ko napansin na ang grado niya sa asignaturang Science ang pinakamababa. Ito ang isa sa paborito niya.

Hindi naman talaga mababa ang grado sa Science pero malayo siya sa mga grado ng ibang asignatura. Hindi halos magkakalayo ang lahat maliban sa Science. "Sayang naman, ‘no? Teka nga pala, bakit ito ang resulta sa Science? Di ba ito ang paborito mo?" Huminga nang malalim si Daryl sabay sabing, "Ganito kasi ang istorya nun, Ma…"

klik mo dito para sa buong kwento

Posted by bingskee at 9:05 PM
Post Comment | Permalink
Bagong Hairdo
Mood:  chatty
Now Playing: boses ni Mike Enriquez
Topic: Ang Aking si Kay

Matagal nang umuungot si Kay na magpagupit ng buhok. Ayaw ko noong pumayag dahil nanghihinayang ako na paiksiin ang mahaba niyang buhok. Isa pa, baka mahirapang magpahaba uli.


Pinayagan ko na rin sa wakas (tutal siya naman daw ang magbabayad ha ha ha). ‘Layered’ ang buhok niya ngayon at hanggang balikat na lang. Hindi naman kataasan ang layers. Mabuti din iyon para hindi mahirap pahabain kung magdesisyon na siyang pahabain. Bumagay naman sa kanya. Sabagay, bumabagay naman ang halos lahat ng gupit sa kanya dahil sa hugis ng mukha niya.

klik mo dito para sa buong kwento

Posted by bingskee at 8:35 PM
Updated: Saturday, 17 September 2005 8:39 PM
Post Comment | Permalink
Saturday, 10 September 2005
Kulang sa Pansin
Mood:  irritated
Now Playing: soundtrack of LOTR
Topic: Samu't Sari

Natapos na rin ang halos mahigit isang linggong paghahanda para sa Surveillance Audit kahapon. Nakakapagod din at nakakapraning. Paano ba naman,e, ako ang endpoint ng lahat ng proseso at marami ang sa huli nagkumahog para kumpletuhin ang kanilang mga ulat at dokumento. Siyempre pa, huli na rin ako at nagkumahog na rin.

Sa nagdaang linggo, marami na naman akong natuklasang mga kasamahan sa trabaho na kulang sa pansin (KSP). Para kay Papsie, ang iba naman daw ay kailangan ng pansin, na totoo din naman. Wala bang pagkakaiba? Meron.

Kulang sa pansin itong si Pedro (di tunay na pangalan). Ang hilig kasing magmagaling hindi naman naiintindihan ang ibang pinagsasabi. Basta lamang may maibida. Napapahiya tuloy kasi nang tanungin kung ano ibig sabihin ng kanyang sinabi, e, di naman malinaw na maipaliwanag. Kulang din sa pansin itong si 'Sugo (short for Bisugo, kung bakit, e, 'wag niyo nang alamin). Pwede namang magsalita nang marahan at malinaw, e, bakit kailangang sumigaw at sumabay sa isang nagsasalita o nagpapaliwanag? Hindi makapaghintay o sadyang kulang na kulang sa pansin?

Kailangan ng pansin itong si McDonald. Palagi kasing napapansin na ako ay may pinapaboran. Dahil dito gumagawa siya ng kwento. Bakit daw kapag siya ang nagsasalita, e, iba ang reaksyon ko. Paano namang hindi mag-re-react, e, napakamalisyo niya. Kailangan din ng pansin ang mga Ms. Universe ng kompanya. Galit kasi sila 'pag me nasabing ibang maganda. Dapat sila lang. Ang sasagwa naman ng ugali.

Sa paligid naman ng aming tahanan..

Kulang din sa pansin ang isang manginginom na nang di matawag ng isang grupong nag-iinuman, e, nagsisintir ba naman. Nang maaya sa isang inuman, e, inilabas ang sama ng loob. At ang pangit pa kamo ng mga pinagsasabi. Hindi niya alam siya ang pulutan kinabukasan kahit wala nang alak. Totoo ang sinabi ni Tatay na ang isang manginginom daw ay sumasama ang loob pag hindi naaya. Ang babaw 'no?

Kailangan ng pansin ang batang si Angel. Siya ay napapalibutan ng mga matatandang masahol pa sa isang bata ang mga pag-iisip. Na-kick out sa eskuwela ang kawawang bata na kinamumuhian ng lahat ng kapitbahay dahil sa ugali. Salamat sa kanyang lolo na sabi sa kaklase ni Angel, "Sabihin mo sa titser niyo, gago siya!" Salamat din sa ina niya na nagtuturo ng 7 x 0 ekwals 7, na nang ituwid ng isang nakarinig ay nagsabi pa na, "'Wag kang maniwala, Angel, niloloko ka lang niyan!" Salamat din na sa tiyahin na nang malamang ibinagsak ang kaniyang pamangkin e nagbabalak ipabarangay ang titser. Paano matututo ng tama ang kawawang si Angel?




Posted by bingskee at 1:04 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink
Wednesday, 31 August 2005
Ang Ganda Mo!
Mood:  chatty
Now Playing: diskusyon ni Kay at Daryl
Topic: Ang Maging Babae

Iba-iba ang kagandahan ng mga babae. Depende pa nga ito sa tumitingin. Iba-iba rin ang persepsyon ng tao, mapababae o mapalalaki, dito. Sa dami ng nakasalamuha kong tao, mas maganda ang babae na hindi lamang maganda sa panlabas na kaanyuan. Ang mabuting ugali ng mga babaeng ito ang lalong nagpapaganda sa kanya.


Naisip kong isulat ito dahil sa kasalukuyan kong obserbasyon.


a. May mga babae na hindi na kailangang pilitin ang kanyang pagiging maganda. Kahit ano ang suot niya, simple man at “walang tatak”, lumalabas ang kanyang kagandahang pisikal. Minsan, mata ang nagdadala, minsan ang ngiti naman, o di kaya ang postura ng katawan.

b. May mga babaeng maganda sa paningin, lalo na sa mga kalalakihan, sa sobrang laki ng isang partikular na parte ng katawan. Kapag ekstraordinaryo ang laki ng boobs o puwet, isang matatawag na kagandahan ang mga ito kahit na hindi ganoon kaganda ang mukha.

c. May mga babae namang kailangang palamutian ang katawan para lamang magmukhang maganda – kulapulan ba naman ng katakot-takot na meyk-up ang mukha pag di pa naman natakpan ang mga dapat takpan. Lagyan ba naman ang kung saan-saang parte ng katawan ng mga alahas na kumikinang pag di pa naman nadamay ang mukha at hitsura at magmukhang maganda.

d. May mga babae namang sa porma dinadaan ang pagiging maganda. Ternong damit at sapatos, isama mo na ang bag. At huwag ka, kailangan kilalang brand. Para namang tatanungin ko kung ano ang tatak ng kanilang damit. Kinabukasan, nagrereklamo sa presyong P15 ng inorder na pansit.

e. May mga babaeng gumaganda sa pagiging malambing, mabait, at marunong makisama. Sa madaling sabi, ang kanyang mabuting ugali, disposisyon at pakikitungo sa iba ang mas higit na nakikita kaysa sa kanyang panlabas na kaanyuan. Meron namang iba na gumaganda sa talentong taglay.

Parang gusto kong ipaskel sa bulletin board namin ito. Para mabasa ng mga ilang kababaihan sa aming kompanya. Sobra ang superiority complex ng mga babaeng iyon na ang akala yata, e, pang-Miss Universe na ang kanilang beauty. Hindi ka babatiin ng mga iyon pag di ka unang bumati. Palaging nakasimangot at nakataas ang noo (kasi feeling siguro sila na ang pinakamagagandang hayop sa balat ng lupa). Pero tanungin mo kung ano ang komentaryo ng mga nauna pa sa akin sa kompanyang ito at ng mga kasalukuyang nakakasalamuha ng mga ito – suplada, walang modo, hindi marunong makipag-usap sa telepono, napakahina ng communication skills, minsan ang hina pa pumik-ap ng mga jokes at instruksyon, at nakikinig sa mga tsismis at pumapatol na tila walang sariling bait.

Hindi maganda sa isang babae ang magsalita nang laban sa kapwa niya. Pero ang mga obserbasyong ito ay totoo at hindi lamang obserbasyon ng isa kung hindi ng marami. Hindi naman siguro masama ang mag-obserba. Ang masama ay ang magpatuloy ang mga ito sa kagaspangan ng kanilang mga ugali. Sampol – tinawagan mo ang isa sa mga beautiful na iyon, ibinigay mo ang instruksyon at bigla nitong ibinaba ang telepono ng walang paalam. Ano ang gagawin mo kung sa iyo ginawa iyon?

May kumalat na isyu sa kompanya na wala naman silang kinalaman. Pumunta sa departamento nila ang taong sangkot sa isyu at pinaringgan. May sasama pa kaya sa pag-uugaling iyon?

Sabi ng isa sa mga bosing, nasa breeding daw iyon, nasa pagpapalaki ng magulang, at kung saan din daw lumaki. Binanggit pa ng bosing na sa ***** raw kasi lumaki. Para sa akin walang kinalaman kung saan lumaki ang isang tao. Nasa isang tao talaga kung paano siya sa kanyang pakikisalamuha sa iba. Kung siya ay bastos, iyon ay dahil gusto niyang maging bastos. Kung OK ang PR niya, iyon ay dahil gusto niya ang maging OK ang PR. Marami din namang dahilan kung bakit nagkakaganoon ang ugali ng isang tao. Hindi rin lahat ng pinalaki ng maayos ng magulang ay nagiging maayos ang kinahihinatnan. Isa ang mga impluwensiya ng kung sinu-sino at anu-ano ang humuhubog sa bawat isa sa atin.


“Ang ganda mo!” Sarap pakinggan, di ba? Pero huwag sanang umakyat sa ulo at isipin na higit ka na sa iba at pang-Miss Universe ka na.


Posted by bingskee at 7:35 PM
Updated: Saturday, 10 September 2005 1:13 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink
Wednesday, 24 August 2005
Nakita ko Talaga kung Paano Lumabas sa P**e!

Kagabi habang kami ay naghahapunan at masayang nagbabalitaktakan tungkol sa mga pangyayari sa buong araw, bigla na lamang nagkuwento si Papsie ng tungkol sa napanood naming palabas sa National Geographic. Ang title ng segment na iyon ay In the Womb kung saan ipinakita ang paglaki ng fetus sa loob ng wonb ng isang babae. Nakakamangha ang teknolohiya sa ngayon, sa totoo lang. Kitang-kita ang kilos at galaw ng lumalaking bata sa loob ng tiyan. Nagawa ng pag-aaral na iyon ang manmanan ang gawi at kilos ng bata. Hangang-hanga din ako sa voice over na nagpapaliwanag ng mga facts tungkol sa nangyayari sa loob ng tiyan ng isang buntis.

Dahil sa ako ay inabot ng antok hindi ko nagwang mapanood ang ikinukwento ni Papsie. Tulog na tulog daw ako at hindi niya na lang ginising. Out of love daw iyon. Naks, no? Sipsip talaga ang hubby ko.

At habang kumakain nga kami, e, bigla siyang bumanat ng “Naku, Nay, kung mapapanood mo lang yung napanood ko noong isang gabi, magugulat kayo. Kitang-kita ko kung paano lumabas yung bata. Nakita ko talaga kung paano lumabas sa p**e! Dito kami napabunghalit ng tawa. Lalo na nang ginaya ko ang pagkakasabi ni Papsie. Alam ko namang iyon ay isang tangka ni Papsie ng pagpapatawa at isa ring hindi tuwirang pagtuturo na walang masama sa binigkas niyang p**e. Nangandasamid si Daryl sa kakatawa. Si Kay naman ay hindi matapos-tapos ang pag-inom ng tubig dahil humahagikgik din. Dito na bumanat si Papsie ng “E, ano naman ang masama sa salitang p**e, e, iyon ang tawag dun? Bakit kung salitang Ingles na vagina okey lang? Depende kasi ‘yan sa pag-iisip ng tao, e. Ang mabanggit mo iyon ay walang masama maliban na lang kung mag-iisip ng masama habang binibigkas mo yun.”

Nakakatuwa na hindi nag-react ng masama ang dalawa kong anak sa tinuran ni Papsie. Sumang-ayon naman si Daryl pero nagbitiw ng salita na, “Pero, Pa, huwag mo pa ring sasabihin sa maraming tao yun! Kasi hindi naman lahat katulad mo kung mag-isip. Baka may mag-react violently.”

Oo nga naman. Sa iba ito ay napakalaswa kung pakinggan. Sa akin naman, depende sa sitwasyon. Kung ito ay ginagamit lamang sa diskusyon o talakayan nang maayos, walang masama. Pero may mga taong hindi maayos kung magsalita kaya pangit na lumalabas ang isa o ang mga salita. Para sa akin, tama naman si Papsie. Nasa pag-iisip ng tao talaga. Napaplastikan siya kung bakit pwedeng sabihin ang vagina, boobs, nipples, etc. nang walang pag-aalinlangan at kung p**e, s**o, ut**g, atbpa marami ang magre-react nang husto.


Sabagay may mga alternatibong salita na pwedeng ipalit sa mga iyon maliban sa paggamit ng salitang Ingles. Mas hindi raw bastos ang dating. Ano sa palagay niyo?


Posted by bingskee at 9:15 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink
Saturday, 20 August 2005
Mahigit Pa sa Anumang Yaman
Mood:  hug me
Topic: Mahahalagang Bagay

Karaniwang kaalaman na ang pamilya ang yunit ng lipunan kung saan dapat nagsisimula ang lahat ng kaayusan. Sinasabing kung ang isang pamilya ay nabubuklod sa pagmamahalan, pag-uugnayan at pag-uunawaan, hindi malayong magiging responsableng mamamayan ang mga miyembro nito.

Hindi ko masasabing perpekto ang pamilyang mayroon kami ni Papsie. Kung ang ‘perpekto’ ay mangangahulugan na may magandang trabaho si Papsie, marangya ang pamumuhay namin, marami kaming ari-arian, marami kaming mga sasakyan, o may tagumpay kaming negosyo. Pero sa aking palagay, halos perpekto ang pamilyang mayroon ako – may mapagmahal na asawa at mga anak, may matatalino at malulusog na mga anak, bukas ang isipan ng bawat isa sa bawat sitwasyong kinakaharap, at pagiging masaya halos araw-araw. Parang mga palamuti lamang ang sobrang materyal na bagay..

Walang superyor sa aming pamilya. Walang hari, walang reyna. Basta isang tatay, isang nanay, isang lola, mga anak. Hindi mo mararamdaman sa bawa’t isa na siya ay nakakahigit sa kahit kanino sa loob ng aming tahanan. Lahat ay pwedeng magbigay ng opinyon, o ang bawat isa ay may kalayaang sabihin kung ano ang nasasaloob. Kasama na rin dito ang igalang ang katahimikan kung nais ng isa ang huwag kumibo..

Kabutihan, katwiran, respeto, atensyon. Mahalaga sa amin yan. Marahil para sa iba napakapayak ang mga ito para sa isang halos perpektong pamilya. Pero, para sa akin, mahigit pa talaga siya sa anumang yaman..


Si Papsie

Sa kasalukuyan, ang BP niya ay napapanatili na sa normal. Para sa hindi nakababatid, isa siyang stroke victim simula pa noong grumadweyt siya sa college. Isa rin siyang industrial engineer. Masayahing tao, mapang-inis, mapang-asar, buo ang loob, prangka, madiskarte. Sinara na niya ang kanyang munting sari-sari store dahil inuutungan lang naman ng marami na magbayad dili. Kapag sa kanya bibili, utang pero pag sa iba, me cash sila. Sobra po kasi siyang generous (dapat Generoso na lang ang pangalan niya) kaya minsan ay inaabuso. Hayun at ginawa na lamang paupahang bahay ang tindahan. Maraming inaasikaso sa hamak niyang lagay. Masarap magluto ever! Mabango pa rin bago matulog..


Si Bing

Sa kasalukuyan, ang BP ay tumataas minsan. Dahil yata sa stress. Napapagalitan madalas ni Papsie kapag napupuyat dahil sa blogging. Masaya sa kasalukuyang mga kaibigan mayroon siya. Masayahin, mapang-inis na rin, magulo at maingay kung minsan pero behave sa harap ng mga anak. Mahilig umawit (sa banyo), mahilig sa music. Dapat daw sabitan ng medalya (ayon kay Papsie) dahil sa ginagawa at ibinibigay sa ina at mga kapatid..


Si Kay

Supladita kung minsan. Mapangatwiran. Hindi pipilitin ang sarili na magustuhan ang isang tao o ang isang bagay. Born leader. Sa kasalukuyan, masayang-masaya dahil siya ang piniling modelo (para sa high school) ng official photographer para sa graduation nila. Nanalo kamakailan sa isang art contest. Kaya nang makipagtransaksyon sa bangko. Mukhang ok na uli sila ni ***.


Si Daryl

Marami pa ring ideya, marami pa ring opinyon. Mahilig makipagdiskusyon sa Mama niya. Makapuso pa rin o maka GMA 7. Mahilig pa rin sa Lord of the Rings. Mahilig tumuklas ng mga bagay gaya ng bagong salita, bagong imbensyon, at marami pang iba. Mabait na bata, madaling mag-sorry, malambing, bolero, hindi matutulog nang walang goodnight kiss o aalis na walang goodbye kiss. Prioridad niya raw ang mag-enjoy habang bata pa. Pangarap niya raw ang magtagumpay. Mas gusto niya sa ngayon ang high school life..


Si Nanay



Isang dakilang ina ni Papsie. Ever supportive. Palaging naryan para sa mga anak. May mga kahinaan, pero kayang unawain. Mahilig makipaghuntahan tungkol sa mga bagay-bagay sa buhay. Naglalaba pa rin sa edad na 69 (sa tulong ng washing machine na para sa kanya ay pinakamahusay na imbensyon). Mas ina..


Palagi kong inaabangan ang Linggo at ang hapunan. Doon ko kasi sila nakakasama lahat. Mahigit pa sa anumang yaman ang makasama sila. Hindi puwedeng ipagpalit..


Posted by bingskee at 2:07 PM
Updated: Saturday, 20 August 2005 2:31 PM
Post Comment | View Comments (1) | Permalink
Tuesday, 9 August 2005
Kaberdehan
Mood:  chatty
Topic: Samu't Sari

Ang unang napuna ko sa pagawaang kinaroonan ko sa ngayon ay ang mga halaman at mga puno sa gilid ng mga pader nito. Kahit sa likuran ng mga opisina ay may mga halaman din. Ang sarap talaga sa mata ng kulay berdeng mga halaman. Kapag ako ay nababagot, lumalabas ako ng kwarto at namimintana upang tingnan lamang ang mga halamang ito.

Hindi naman ako maalam sa halaman. Ni hindi ko nga ma-identify ang puno ng mangga sa puno ng santol. Wala rin akong green thumb. Nagtataka nga ako na nabubuhay ang money tree na regalo sa akin noong kaarawan ko. Dinidiligan ko lamang kasi at hindi ko hinahawakan ang halaman at baka mausog.

Pero ang alam ko sa mga halaman ay yung natutunan ko sa elementarya na sila ay may berdeng kulay dahil sa chlorophyll –isang molekula na binubuo ng carbon at hydrogen.

Ano naman kaya ang bumubuo sa mga taong me berden utak? Nagbibiro lang po. Pero pagkaminsan nakakaaliw makinig ng mga kaberdehan, at mag-share nito. Huwag lamang akong isasama sa kwento, kayang-kaya ko nang sakyan ang mga ito. Kasama ang mga kwentong may pagkaberden sa listahan ng ipinagbabawal. Dapat lang namang ipagbawal lalo na iyong sobra ang pagkadetalyado, at wala nang iniwan sa imahinasyon.

Lahat naman ay may tinatawag na art. May art din sa storytelling. Mas ok kung may art ang bawat pagkukwento. Tatawang tiyak ang kausap mo, at bukod pa dun, maaaliw nang husto.


Posted by bingskee at 6:16 PM
Updated: Tuesday, 9 August 2005 6:59 PM
Post Comment | View Comments (6) | Permalink
Wednesday, 3 August 2005
Dalawang Puting Buhok
Mood:  not sure
Now Playing: Billy Jean
Topic: Si Ako

Naman. Talagang naroon na sila sa aking tuktok. Akala ko repleksyon lang ng ilaw. Mga puting buhok pala. Palagay ko, hindi lamang sila dalawa, baka me mga kabarkada pa. Ilang araw na rin silang nagpapakita - ang dalawang puting buhok. Sila pa lamang ang naglakas ng loob magpakita. Malay ko ba naman kung nagtatago sa ilalim ang iba. Nag-aalala na baka ako ay atakihin pag nakita kong isang lupon na pala sila?


E, ano ba naman ang problema? Ano naman ang problema kung lahat sila ay maging puti na? Sign of old age? Asus, meron nga dyan beynte anyos pa lamang, mas marami na ang puting buhok. Nasa lahi DAW kasi. Yung iba nga, carry ang puting buhok. Uso na kasi ang highlights ngayon. Para lamang silang ganun – highlights sa buhok. E, pa’no pag dumami na? ‘Yung itim na ang highlights ngayon.


Ang kulay ng buhok, ayon sa mga eksperto, ay dahil sa melanin na bunga ng melanocytes at keratinocytes. Ang una ay isang skin cell na responsible sa paggawa ng itim o matingkad na brown na kulay, at ang huli naman ang siyang responsible sa kabuuan ng buhok. Bakit iba-iba ang kulay ng buhok, tiyak tatanungin mo. Ang itim o matingkad na brown na kulay ay nagtataglay ng totoong melanin na matatagpuan sa ating balat. Ang blond at pulang buhok naman ay nagtataglay ng melanin na may halong sulfur at iron. Ang buhok ay nagiging gray kung luma o matanda na ang melanocytes at wala na ito ng kinakailangang protina para makagawa ng melanin. Ang puting buhok naman ay nag-a-appear kung ang mga air bubbles ay sumama sa tumutubong buhok.


Meron pang bonus ito. Ang maagang pagputi ng buhok ay masasabi ring dahil sa sobrang pag-aalala, sobrang pagkagulat, sakit o kakulangan, at sa ibang kaso, lahi.


Kasama sa buhay ang pagtanda, pagkaluma, pagkalaos. Kasama nitong nawawala ang kinang at ganda ng kahit na anong parte ng katawan. Ang mahalaga, pumuti ang buhok natin dahil tayo ay may pinagkatandaan. Pumuti man ang buhok, tayo ay naging tayo – isang nilalang na ginamit ang katawan (?) kasama na ang lakas, talino at kakayahan para maging isang kapaki-pakinabang na Filipino.

Posted by bingskee at 11:28 AM
Post Comment | View Comments (10) | Permalink
Thursday, 28 July 2005
Ang Kabataang Filipino sa Makabagong Panahon
Mood:  quizzical
Topic: Ang Aking si Kay
Isang likha ni Kay...

Maniniwala ka ba na ang mga kabataang Filipino ngayon, kahit na kami’y rebelde, suwail, magastos at minsa’y walang pakialam, ay nag-iisip din kung ano ang dapat naming gawin upang umangat sa buhay? Maniwala ka. Kami’y nag-iisip din ng paraan para hindi tumunganga na lamang sa aming pagtanda.


Tama, may mga pagkakamali kaming nakamit. Hindi mo ito mabibilang at madalas ang mga pagkakamaling ito ay nagdudulot ng walang kapantay na sakit at sama ng loob sa aming mga magulang. Dulot pa nito’y dagdag-rebelde kapag napagalitan o napagsabihan lamang. Inaamin ko, kami’y mga batang umaarteng alam na ang lahat, ayaw naming magpadaig at mapagalitan. Sino bang nais na laging pinapagalitan? Alam naman namin na para sa amin iyon. Madalas, maririnig mo na masyadong mapagtuklas at agresibo ang mga kabataan ngayon dahil sa paningin na hindi ka “in” kung hindi mo kahit minsan ma’y suwayin ang mga magulang mo. Sabi ng ating pambansang bayani, “ Ang kabataan ang pag-asa ng Inang Bayan.” Pero sino pa ba ang natira na naniniwala sa matagal nang kasabihang iyon? KAMI.


Rebelde ang IBANG kabataan. Bakit nga ba? Ang paghithit ng rugbee, pampalipas-gutom ng mga mahihirap at pagsinghot ng marijuana sa mga kabataang gustong matanggap ng iba. “Nakaka-high!” sa mga salita ng isang binatilyong minsa’y sumubok at habang panahong nalulong. Suriin natin ang paligid ng mga kabataang ito. Sa squatter’s area na lamang, halimbawa, ang paligid doo’y hindi kaaya-aya, pugad ng krimen at mga nagdodroga. Ang kapaligiran ay isang malaking salik at mas lalo na ang mga tao roon. Kilala mo ba si Eminem? Isa siyang sikat na rapper, sa Amerika at maging dito sa Pilipinas. Madaming umiidolo sa kanya at maging sa kanyang mga kanta. Pero kung naiintindihan mo ang mga liriko ng kanyang mga kanta ay makikita mong siya’y biktima ng isang madilim na nakaraan. Ano bang gagawin mo kung makikita mong binubugbog ng iyong ama ang iyong ina? At ang iyong ina, sa harap mo’y umiinom ng kung anu-anong gamot na ikinalulong niya? Naging magulo ang buhay ni Eminem noong kabataan niya at kita pa rin sa kanya ang hindi naghihilom at masaklap na sugat ng nakaraan. Ngunit siya’y halimbawa ng isang mabuting ama. Ibinubuhos niya sa kanyang anak na babae ang kanyang pagmamahal, at kitang ayaw niyang maranasan nito ang karanasang hindi na niya nais pang maalala.


Maaaring naghahanap lamang ng atensyon ang ibang kabataang nagrerebelde. Ipalagay nating nais ng isang binata ang makapiling ang kanyang mga magulang na gabi na umuuwi dahil sa pagkasubsob sa trabaho kaya gumagawa siya ng paraan upang makuha ang kanilang atensyon. Maaaring nais din ng isang kabataan na maramdamang siya’y tanggap. Nais niyang maramdaman na may kalalagyan siya kaya ginagawa niya ang mga nais ng kinabibilangan niyang grupo. Hindi rin naman mapagkakailang may mag kabataang sadyang rebelde, agresibo at lubhang mapagtuklas. May mga nalululong nang labis sa mga bawal na gamot, may mga maagang nabubuntis at nagiging miserable, may mga gumagawa ng krimen na mga menor de edad pa lamang at may mga nagpapakamatay sa ‘di malamang dahilan. Hindi natin matatanggal na talagang may mga kabataang nalilihis ang landas.


Minsa’y nasa mga nagpapalaki din naman ‘yan, kung talagang nagkulang sila sa paalala at pagsuporta, paggabay at pag-alaga. Mahalaga ang paggabay sa kabataan sapagkat gaya nga ng sabi ng mga matatanda, hindi lahat ay alam na ng kabataan.


Hindi rin naman dapat idamay lahat ng kabataan sa mga pagkakamaling nagawa na ng iba. Kung hindi nagkukulang sa tamang paggabay at pagpapaalala ang mga magulang sa kanyang anak, ano ang dahilan upang maging pabaya ang isang bata? Nasa desisyon din ‘yan ng isang kabataan kung paano ang paggawa ng landas na tatahakin niya. Hindi dapat hatulan ang kabataan dahil sa mga sabi-sabi at pala-palagay lamang dahil hindi lahat ay mga sira ulo’t nagdodroga, mga may bisyo’t suwail at mga rebelde.


Himalang maituturing ang isang batang pinili ang edukasyon kaysa droga. Marami pa naman ang gumagawa ng himalang ito. Hindi ba natin ito nakikita? May pag-asa pa. Ang negatibong pananaw sa kabataan ngayon ay mali naman, ‘di ba?


Ang mga matatanda’y minsa’y naging mga kabataan din. Sinuway din nila ang kanilang mga magulang, nagpadala din sa barkada nila. Hindi sila dapat mawalan ng pag-asa bagkus ay bigyan kami ng pag-asa. Isang tanong lang ang nasasaisip ko. Bakit kapag mali’y sobra-sobra ang pagpuna samantalang kapag tama, minsan pa’y nakakaligtaang kilalanin? Madaming kayang gawin ang mga kabataan. Maabilidad kami’t matatalino, madaming ideya’t malikhain kaya bakit ‘di niyo kami bigyan ng pagkakataong mapatunayan ang mga maaari naming magawa?


Kabataan nga kami, pero may sariling pananaw at pag-iisip din. Hindi kami manhid sa mga sakripisyong ginagawa ng aming mga magulang at kahit papaano’y mulat din kami sa mundong ginagalawan nating lahat. Sa pagtagal ng panahon, lalo pang lumalawak ang pang-unawa namin sa buhay, kung sa paggising ba nami’y may naghihintay na kinabukasan at tagumpay. Mahirap bang paniwalaan? Hindi din natin alam. Tulad na lamang ni Winston Churchill na malakas uminom at madaming bisyo, sino bang mag-aakalang magiging isa siyang mabuting pinuno? At si Adolf Hitler na walang bisyo’t malusog ang magiging puno’t dulo ng isang pandaigdigang digmaan? Malay ba natin na ang mga kabataang suwail at rebelde ang magiging pag-usad ng kabuhayan at kinabukasan ng ating bansa sa hinaharap? Isang survey ang lumabas sa Asya na nagsasabing ang mga kabataan daw ngayon, kahit na sila’y magastos, mataas ang pagnanasang kumita ng malaki at nais sa buong mundo’y magtagumpay, ay may malasakit at nais pa rin na maging mapayapa ang mundo kaysa makita itong bumagsak. Mas nais daw nilang tumira sa mundong walang gulo. Ang kabataan ay hindi makasarili. Sino ba ang nagsabing ‘di kami nagmamalasakit?


Alam ng lahat na masarap ang maging kabataan. Masarap magkaroon ng kalayaan, mabigyan ng pera araw-araw, gastusin ito, magsaya na parang wala nang bukas at isipin ang gagawin sa susunod na araw. Hindi mo ‘to matatanggal sa isang bata. Pero kami na ang nagsasabi, sa paglipas ng panahon, napagtatanto din naman namin na pag-unlad ang nais namin. Alam ng mga makabagong isip namin na ang buhay ay hindi puro sarap, minsa’y kailangan mong sumugal at maghirap upang makamit ang nais na tagaumpay. Hindi kami magiging pabigat sa aming pagtanda… kami ang pag-asa ng Inang Bayan at hindi namin kayo bibiguin!


Posted by bingskee at 8:21 PM
Updated: Saturday, 30 July 2005 8:26 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink

Newer | Latest | Older