Mood: blue
Now Playing: wala
Topic: Samu't Sari
Sobrang hirap talaga ang magbiyahe sa tricycle. May kalungkutan. Pero mapagtitiyagaan na rin kumpara sa siksikang MRT, LRT o bus.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, hindi maaaring hindi ako sumakay sa tricycle. Yun kasi ang pinakamabilis na ruta patungo sa aking pinagtatrabahuan. Ngayon, wala na ring bus na dumadaan sa may Baesa-Quirino Avenue kaya no choice.
Narito, Kuya Cezar, ang mga di makalimutang mga pangyayari tungkol sa mga biyahe ko:
1. Nang una akong sumakay sa tricycle, napuna ko na ang mga tambay sa may tindahan sa tapat ng istasyon ng tricycle ay nakatingin, hindi sa mukha ko, kung hindi sa binti at hita ko. Madalas tuloy hindi na ako nagsusuot ng paldang ‘above the knee’.
2. Napansin ko minsan na ang side mirror ng lintyak na drayber ay nakatapat din sa paanan ng upuan ng tricycle. Manyakis ang iba sa kanila. Ano naman kaya ang mapapala nila kung makita nila na me suot palang panty ang babaeng sakay ng tricycle?
3. Naranasan ko rin ang makasabay ang mga, take note, MGA, mamang kahilig ikiskis ang kanilang braso sa braso ng katabi nila. Minsan pa nga e naramdaman ko, dahil sa sobrang sikip ng tricycle, na sa tagiliran ko lumalanding ang siko o braso. Hindi ko alam kung sadya o hindi.
4. Walang pakialam kung magpatakbo ang mga ito. Nasagasaan pa nga minsan ang kaliwang paa ko at buti na lang hindi high heeled ang suot ko.
5. Kinabahan akong minsan nang muntik nang bumangga sa isang kotse ang sinasakyan kong tricycle. Bangag yata ang driver.
6. Bigla minsang nagsalita ang katabi ko sa tricycle at nagkuwento na para bang magkakilala kami. “Ma at Pa!” isip isip ko.
7. At nang bumababa ang isang pasahero, ang drayber ay walang panukli. Kailangan pang magpapalit ang pasahero sa isang tindahan. Ang sarap pag-untugin ang ulo ng dalawa: isang drayber na walang panukli at pasaherong buong P100 ang pinambayad. Parehong pasaway!
8. At dahil sa lubak-lubak ang kalsadang dinadaan, madalas ay nauuntog ang ulo ko sa bubungan ng tricycle o sa gilid. Hindi naman kasi lahat ng tricycle ay sosyal gaya ng iba na me alpombra pati kisame.
Naku, kung wala lamang color coding e di walang sakay-sakay ng tricycle at kung di mahal ang gasolina, nagpapasundo sana ako sa pag-uwi. Mas mahal pa kasi ang gasolinang mauubos kung magpapasundo pa. Sa umaga lamang ako kadalasang masaya dahil hindi na dadaan sa maputik na daan at hindi na sasakay ng tricycle.