LINKS
ARCHIVE
« February 2006 »
S M T W T F S
1 2 3 4
5 6 7 8 9 10 11
12 13 14 15 16 17 18
19 20 21 22 23 24 25
26 27 28
Tuesday, 7 February 2006
Makunat pa sa Inuyat
Mood:  chatty
Now Playing: Sunsilk's ad
Topic: Mahahalagang Bagay

Isa nga bang katangiang matatawag ang pagiging kuripot? Dito sa ating bansang Pilipinas, madalas ang mga taong hindi pumapatol sa mga kantyaw na magpainom o magpakain o di kaya mag-blow-out ay kadalasang binabansagang kuripot. Sa mga magkakaibigan, bukambibig na rin ang bansag na ito kapag ayaw bumigay sa mga pang-uulok ng kabarkada na ‘magpa-softdrinks ka naman’ o di kaya naman e ‘bertdey mo pala, magpakain ka naman’.

Ang pagiging kuripot ay isang negatibong katangian para sa marami. Bakit nga kaya? Kadalasan kasi ay may mga taong mabigat ang loob mamahagi ng kanyang biyayang tinatanggap. Ito yaong mga taong kilala sa pagiging mayaman o may pera, o madaling kumita ng pera pero hindi bukas palad. Nakayayamot din na itong mga taong ito pa ang nanlalamang sa kapwa pagdating sa usaping pera. Minsan e may isang kalaro si Papsie, na asawa ng pinsan niyang makalawa. Ang angkan ng mga ito ay mayaman at marami pa ngang sasakyan. Sa kanilang paglalaro ng mah jong, yamot na yamot si Papsie dahil hindi agad naglabas ng pera. Ang ginawa ay puro ‘paki’ (termino sa pagpapaliban ng pagbabayad). Nang matapos na ang laro, halos ayaw nang magbayad ang tinamaan ng lintek.

Hindi naman siguro masama ang maging kuripot kung ang pera ay talagang sapat lamang sa mga gastusin. Mas mahirap namang yakapin ang hindi mayakap. Hindi rin naman masama ang maging kuripot kung sa tingin e hindi ganoon kahalaga ang pagkakagastusan. Mayroon kasing mga tao na planado ang bawat aktibidad sa kanilang buhay at kasama na roon ang paglabas ng bawat sentimo sa kanilang bulsa. Nakasimangot man si Ninoy nang siya ay alisin sa bulsa o pitaka, wala tayong magagawa sa prayoridad ng mga taong ito.

Mas dapat bigyang pansin kung ano ba ang prayoridad ng mga taong binabansagang kuripot. Sila ba ay nagpapaaral, o di kaya’y may sinusuportahan? Sila ba ay mapagkawanggawa, hindi sa mga tomador, o buwaya, kundi sa mga taong kapos at talagang nangangailangan? Sila ba ay kasapi ng isang organisasyong pangkabuhayan, o pangkalinangan, o pangkapaligiran? Kung magkagayon, hindi sila dapat bansagang kuripot. Sila ang mga taong higit na may pakialam sa kapakanan ng iba o ng mas nakararami, hindi ng ilan na ang intensyon ay pansarili lamang.

Baka ika’y nag-aala na mabansagang kuripot. At dahil dito ay bumigay ka at humantong pa sa pangungutang para lamang mapagbigyan ang kapritso ng ilan. At dahil dito ay hindi ka na makatulog sa pag-aalalang hindi ka na nila ituring na kaibigan. Huwag. Huwag kang bumigay. Huwag kang mabahala sa bansag na kuripot. Papasukin mo na lang at ilabas sa kabilang tenga.

Posted by bingskee at 8:14 PM
Post Comment | Permalink
Saturday, 28 January 2006
Tricycle Blues
Mood:  blue
Now Playing: wala
Topic: Samu't Sari

Sobrang hirap talaga ang magbiyahe sa tricycle. May kalungkutan. Pero mapagtitiyagaan na rin kumpara sa siksikang MRT, LRT o bus.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, hindi maaaring hindi ako sumakay sa tricycle. Yun kasi ang pinakamabilis na ruta patungo sa aking pinagtatrabahuan. Ngayon, wala na ring bus na dumadaan sa may Baesa-Quirino Avenue kaya no choice.

Narito, Kuya Cezar, ang mga di makalimutang mga pangyayari tungkol sa mga biyahe ko:

1. Nang una akong sumakay sa tricycle, napuna ko na ang mga tambay sa may tindahan sa tapat ng istasyon ng tricycle ay nakatingin, hindi sa mukha ko, kung hindi sa binti at hita ko. Madalas tuloy hindi na ako nagsusuot ng paldang ‘above the knee’.
2. Napansin ko minsan na ang side mirror ng lintyak na drayber ay nakatapat din sa paanan ng upuan ng tricycle. Manyakis ang iba sa kanila. Ano naman kaya ang mapapala nila kung makita nila na me suot palang panty ang babaeng sakay ng tricycle?
3. Naranasan ko rin ang makasabay ang mga, take note, MGA, mamang kahilig ikiskis ang kanilang braso sa braso ng katabi nila. Minsan pa nga e naramdaman ko, dahil sa sobrang sikip ng tricycle, na sa tagiliran ko lumalanding ang siko o braso. Hindi ko alam kung sadya o hindi.
4. Walang pakialam kung magpatakbo ang mga ito. Nasagasaan pa nga minsan ang kaliwang paa ko at buti na lang hindi high heeled ang suot ko.
5. Kinabahan akong minsan nang muntik nang bumangga sa isang kotse ang sinasakyan kong tricycle. Bangag yata ang driver.
6. Bigla minsang nagsalita ang katabi ko sa tricycle at nagkuwento na para bang magkakilala kami. “Ma at Pa!” isip isip ko.
7. At nang bumababa ang isang pasahero, ang drayber ay walang panukli. Kailangan pang magpapalit ang pasahero sa isang tindahan. Ang sarap pag-untugin ang ulo ng dalawa: isang drayber na walang panukli at pasaherong buong P100 ang pinambayad. Parehong pasaway!
8. At dahil sa lubak-lubak ang kalsadang dinadaan, madalas ay nauuntog ang ulo ko sa bubungan ng tricycle o sa gilid. Hindi naman kasi lahat ng tricycle ay sosyal gaya ng iba na me alpombra pati kisame.

Naku, kung wala lamang color coding e di walang sakay-sakay ng tricycle at kung di mahal ang gasolina, nagpapasundo sana ako sa pag-uwi. Mas mahal pa kasi ang gasolinang mauubos kung magpapasundo pa. Sa umaga lamang ako kadalasang masaya dahil hindi na dadaan sa maputik na daan at hindi na sasakay ng tricycle.

Posted by bingskee at 3:50 PM
Post Comment | View Comments (6) | Permalink
Tuesday, 3 January 2006
Masdan Mo ang mga Bata
Mood:  lucky
Topic: Ang Lipunan

Noong a-uno ay pumunta kami sa Masambong. Taun-taon naming ginagawa ito. Bahagi ito ng aming hangarin ni Papsie na mapatibay ang relasyon sa mga kamag-anak.

Wala ang iba. Sarado ang bahay. Nasira tuloy ang aming iskedyul. Pero maaga kaming nakauwi. Nakapagpahinga pagkatapos.

Hindi ako maawat sa pagkuwento sa isang hindi makalimutang karanasan sa paglibot namin sa Masambong. Ang pumukaw ng aking emosyon ay ang batang si Bulak na kaapu-apuhan ng isang tiyuhin ni Papsie. Si Bulak ay isang batang maliit, mga magdadalawang-taong gulang na, mabilog pero hindi naman mataba, kayumanggi, matikas nang maglakad ang dalawa niyang paa na walang sapin.

Sa una ay bantulot lumapit ang bata. Nang malaon, siguro nang maramdamang wala akong gagawing masama sa kanya, ay nangunyapit na sa aking hita habang ako ay nakaupong nakikipagkwentuhan sa isa niyang lola, na pinsang makalawa ni Papsie. Hindi na siya humiwalay simula noon. Habang hinahaplos-haplos ko ang kanyang buhok at likod, titig siya ng titig sa akin. Ewan ko, pero bigla kong kinarga si Bulak at habang subu-subo niya ang kanyang daliri, ay inuguy-ugoy ko. Maya-maya pa ay papikit na ang kanyang mga mata.

Nalaman ko na si Bulak ay anak ng apo ng tiyuhin ni Papsie, sa ikalawang asawa, na isang kinse anyos na babae. Tatlong magkakapatid sina Bulak at ang panganay ay 6 na taon lamang. Ang masaklap ang amat’ina nila ay kapwa nakakulong sa bilangguan. Hindi malinaw ang salaysay tungkol sa dahilan ng pagkakulong. Nang-agaw raw ang ama ng cel phone, pero bakit kailangang makulong ng 6 na taon? Ang ina naman ay makukulong na 6 na buwan dahil nang-i-snatch ng kwintas. Sa pahapyaw na kwento, parehong lulong sa shabu.

Nakatulog ang tila munting anghel na si Bulak sa aking kandungan, subu-subo ang hinlalaki. Ni hindi nag-alala ang kausap ko na baka gutom ang bata. Nang sabihin ko na saan ba dapat matulog ang bata, kinuha niya nang hindi marahan ang bata. Naalala ko rin na sinabi niya na “Ayan, ampunin niyo na ang bata.” Marahil, mabigat na rin ang sitwasyon sa kanila dahil sila ang kumakargo sa limang anak ng mag-asawang iyon na parehong menor-de-edad.

Lahat ng bata, kung sabagay, sa lugar na iyon, ay halos pare-pareho ang sitwasyon. May mga magulang nga, pero parang wala naman. Ang mga magulang ay tila walang pakialam. Nang mga oras na iyon, hanggang sa pag-uwi namin, naiisip kong sana ako ay mayamang pilantropo at kukunin ko na lang ang lahat ng batang naroon. Sana isa akong anghel, na may kakayanang kunin ang lahat ng bata doon para iligtas sa mga buwitreng naroon. Nakaramdam pa tuloy ako ng pagkamuhi sa mga matatandang naroon.
Ang buong senaryo ay kabalintunaan ng buhay ni Kay at ni Daryl. Sayang si Bulak at wala akong sapat na kakayanang alisin siya sa ganoong lugar at sitwasyon. Pero para na rin akong kumukupkop ng mga tulad ni Bulak na walang masulingan, o matakbuhan, mga bata sa kaisipan na kailangan pa rin ng pag-alalay magpasahanggang-ngayon.

Posted by bingskee at 6:11 AM
Post Comment | Permalink
Thursday, 22 December 2005
Ang Pangangaroling
Mood:  chillin'
Topic: Mahahalagang Bagay

Pagsapit ng ika-16 ng Disyembre, sunud-sunod na ang mga nangangaroling. May mga ilan nang nangaroling nang maaga pero ang buhos ay talagang umpisa sa araw na ito.

Dito na makukulili ang tenga ng iba’t ibang kanta at tono. Dito mo rin maririnig ang iba’t ibang instrumento. Maya’t maya ay maririnig mo ang awiting “Sa may bahay ang aming bati, Meri Krismas na maluwalhati…” Palasak na palasak ang awiting ito na napagtuunan ng pansin ni Papsie at ipapaulit niya kapag mali ang liriko. Paano kasi ang karamihan ay ganito ang pagkakaawit – “Sa may bahay ng aming bati, Meri Krismas na wawalhati…” Asar na asar siya at ituturo ang tamang mga salita. May nakakakuha at may hindi naman. Minsan pati mga magugulang na e ganito pa rin awitin ang nasabing kanta.

May mga maganda ang pagkakaawit at may mga sintunado. May mga nangangaroling na me dala pang magagarang instrumento at madalas ‘yung instrumento na lang ang maririnig mo. May mga tuso na nag-iisa lamang o dadalawa lamang sila. Asar din si Papsie sa mga ito at sasabihing, “Bawal ang dalawa.” Ayaw din niya na isa lang at hindi lahat kumakanta. Lugi daw yung kumakanta. Mayroon din namang sobrang mahiyain na nakatago sa gilid ng pinto o bintana. Nakakatikim din sila kay Papsie.

Mula sa reaksyon ni Papsie sa mga nangangaroling, naisip ko na dapat tandaan ng bawat nangangaroling, bata at matanda ang mga ito:
a. Paghandaan ang pangangaroling. Hindi basta tatapat ka na lang at isisigaw ang kanta. Mas magugustuhan kung nakitang pinaghandaan.
b. Sauluhin ang liriko ng kanta at tiyaking tama. Lumalabas kasing katawa-tawa.
c. Mas grupong tingnan kung mas marami sa dalawa. Mas marami, mas masaya, ‘ika nga.
d. Huwag mahiya kapag nangangaroling. Ipakita ang kumpidensya at sigasig na mabigyan ng nakasisiyang pag-awit ang mga tinatapatan.
e. Mas maganda kung may instrumentong dala-dala. Mas nagpapatingkad ng awit ang mga ito. Hindi naman kailangang bumili dahil ang latang ginawang drums ay pwede na o dalawang kubyertos na pinatutunog (huwag na lang isama ang tinidor).

O, di ba? Mas maganda kung mas maayos at organisado. Tiyak di lang piso ang mapapala ng grupo nyo.

Posted by bingskee at 8:33 PM
Post Comment | Permalink
Monday, 19 December 2005
Sa Mga Tulad Nila
Mood:  happy
Now Playing: National Geographic Wild Sex
Topic: Mahahalagang Bagay

Nawala at naibalik ang cel phone ni Papsie. Dahil sa kabutihang loob ni Mary Ann at Al. Nabanggit din ni Mary Ann na konsensiya kasi ang kalaban kaya kailangang ibalik. Sabi pa nga niya, “meron din kasi kaming cel phone”. Na ang ibig sabihin sa akin ay hindi pagmamalaki kundi pagdidiin na ayaw nilang mangyari sa kanila ang masamang gawain.

Iilan na lang ang mga tulad nila. Sa panahong ito mas marami ang mag-iinteres o magsasawalang bahala. Mag-iinteres ang iba dahil kailangan ng pera, o kailangan ang bagay na nakuha o nadampot, o magsasawalang bahala dahil abala pa kung hahanapin ang may-ari. Mas mabilis kasi ang magbenta o umangkin ng hindi kanya.

“Spirit of Christmas” (Espiritu ng kapaskuhan) ang tinutukoy na malaking dahilan para kay Papsie. “God has smiled down on us.” Sabi naman ni Daryl. Pero sadya marahil na mabuti ang kalooban nina Mary Ann at Al. Ang mga tulad nila ay dapat tularan.

Mabuhay kayo, Mary Ann at Al. Sana ay dumami pa ang lahi niyo!

-------
Nakakaaliw isipin na may mga taong parang natutuwa pa at nawalan ka. Sa kakitiran ng isip nila, kulang na lang ay sabihing “Buti nga sa iyo!” Dahil pa rin sa makitid ang pag-iisip, mag-iisip na “Mas mabuti ako sa iyo.” o “Dapat kasi nagsisimba ka, baka nakakalimot ka na.” Hayagang hipokrisiya na hindi naman kaila sa marami ang kagaspangan ng kanilang pag-uugali, mulat na mulat ang mata sa kahinaan ng iba pero bulag sa sariling kapistasan.

“Alam mo, pare, di naman maibabalik sa iyo ‘yan kung di ka mabait,” wika ng isang kumpare. “E, paano yung nawala kong digicam at cel phone ni Bing noon?” tanong ni Papsie. “E, gago ka pa kasi noon!” Pagpapatawa ng kausap.

Ngayon ko naiisip na nang mawala ang cel phone ko, maaaring naibalik kung cel phone lamang ang naiwan. Hindi ko kasi ugali ang bumili ng pagkamamahal na cel phone at natatakot akong maging mitsa ng buhay. Naisip ko na nag-interes sa digicam ang kumuha. Maliban sa Canon ang tatak, hindi sasabihing mura lang ang gamit na iyon. Pero kung si Mary Ann at si Al kaya ang nakakuha? Tingin ko isasauli nila. Dama ko kasi na mabuti talaga ang kalooban ng mag-asawa.

---------
Hindi ko kilalang lubusan sina Mary Ann at Al. Pero ang bukas ng kanilang mukha ay nagsasabi ng kabutihan. May mga tao kasi na hindi man magsalita ay makikita mo ang kakaibang ugali. May mga tao na hindi man magsalita ay hindi mo na malalapitan dahil hindi kaaya-aya ang dating. Mga taong nag-uumapaw sa totoong kayabangan at pagmamalaki kahit wala namang karapatan. Mga taong parang nanunukat sa tuwina kahit di mo naman masukat ang kanilang laki at hindi mo mauri ang kanilang personalidad.

Posted by bingskee at 10:23 PM
Post Comment | Permalink
Wednesday, 30 November 2005
Dapat Bang Maawa?
Mood:  crushed out
Now Playing: Sound clip ng Encantadia
Topic: Samu't Sari

Daang beses na akong nasaktan sa mga ginawa niya. Libong hiwa sa puso ang idinulot ng mga katarantaduhan niya. Hindi na siya bata pero nanghihingi pa rin ng pera, o inihihingi pa rin ng ina niya. Paulit-ulit na mga pangyayari. Ang naiiba lang ay ang lugar at oras. Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pareho lamang. Meron pa palang naiiba – ang mga dahilan kung bakit nanghihingi ng pera.

Ewan ko ba pero hindi ko maisip bakit hindi ko siya nakatulad na hindi nangarap na maging iba – ang gamitin ang kakayahan upang hindi manghingi o magmakaawa para magkapera at matustusan ang mga pangangailangan. Hindi ko pinangarap na ako ay kaawaan, kasawaan at sa bandang huli ay kamuhian dahil sa walang tigil na panghihingi. Hindi ko pinangarap na maging PABIGAT. Paano kasi ay nakita ko ang pangit na mukha ng kahirapan – ang sakit na dulot nito, ang latay nito sa aking katauhan at ang kawalan ng halaga sa lipunang ginagalawan dahil sa kahirapan.

Nakakasawa ang mangaral lalo na at walang interes makinig at matuto ang pinangangaralan. Nakakagalit na patuloy na nanloloko ang tinutulungan, patuloy na walang pagbabago na iyon lamang naman ang inaasahang kabayaran – ang PAGBABAGONG BUHAY. Nakakaawa, oo. Pero nakakasawa din.

Nakakatawa na kung kailan huli na (may sakit na o wala nang kakayahan) ay saka pa lamang magtatrabaho. Paubos na ang lakas at kabataan ay saka pa magkukumahog na gumawa ng paraan para magkapera. Kung kailan ang panahon ay tila nagmamadaling magpaalam. Kung kailan ang mga taong tinatakbuhan at sinasandigan ay nauubos na rin ang kakayahang tumulong. Paano nga ay wala namang nagsasanga dito sa mundo. Lahat ay may hangganan.

Nasaan ba ang hiya mo? Mahigit nang tatlong dekada ang nagdaan. Pero nanghihingi ka pa rin sa mga kapatid mo na minumura mo, pisikal na sinasaktan, pinagbabantaan ang buhay o pinagsasalitaan ng mga bagay na hindi naman totoo. O inihihingi ka pa rin ng ina mo, na hindi mo naman lubusang iginagalang.

Nasaan ba ang utak mo? Sinayang mo lamang ito kasama ang lakas at panahon na dati ay nasasaiyo. Nasira na ba ito ng kawalan ng saysay ng buhay mo?

Nasaan ka na? Nasaan ka na ba? Sa totoo, makasarili ka kasi. Wala sa intensyon mo ang magsilbi o tumulong nang tapat. Ang mababaw mong pangarap ay manghingi at gumasta ng pera ng iba. Masarap sa iyo ang binibigyan. Pero sa totoo, mas masarap ang nagbibigay. Alam mo ba ito? Palagay ko, alam mo naman. Pero ayaw mong paniwalaan. Masyado ka kasing matalino. Matalinong hunghang.

Posted by bingskee at 8:52 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink
Tuesday, 22 November 2005
Aso't Pusa Dati
Mood:  chatty
Now Playing: Encantadia's Sound Effect
Topic: Mahahalagang Bagay

Natatandaan ko noon na kapag umaalis kami, madalas ay nag-aaway ang dalawa kong anak. Labing-isang taong gulang pa lang si Kay noon. Palagi niyang binabara si Daryl noon, palagi siyang nakaangil, palagi siyang masungit.

Kapag umaalis kami para mamasyal, hindi sumasabay si Kay sa amin sa paglalakad. Nauuna siyang maglakad na parang walang kasama. Sobrang inis and nararamdaman ko noon. Ayaw ko naming pagalitan o pagsabihan na wala kami sa bahay. Natuto tuloy si Daryl na sumagot-sagot sa kanya na pabalang-balang. At naging madalas iyon.

Hanggang isang araw, kinausap ko si Kay nang Makita ko kung paano niya kausapin at sagutin ang mga tanong ni Daryl. Sinabi ko sa kanya na nagtatampo na si Daryl si kanya, sinabi ko rin kung ano ang mga hinanakit ni Daryl sa kanya. SInabi ko rin na hindi ba niya alam na proud si Daryl sa mga nagagawa niya at sa mga tagumpay niya. Binigyang diin ko na higit sa lahat at kahit kanino pa man, mas dapat ay mahalaga si Daryl sapagkat kapatid niya ito. Nang mga oras na iyon, gaya ng dati, nakasimangot si Kay, pero sumasagot naman ng ‘opo’ sa mga suhestyon ko.

Dumaan ang mga araw at kapag may bahid ng kasupladahan ang mga sagot ni Kay, kumikibo ako bilang paalala, “O, ano na naman, yan?’ Palagi kong ginagawa iyon at kung hindi ako kumikibo, tinitingnan ko siya nang makahulugan. Hanggang isang araw, nakita ko silang nanonood ng isang series sa Discovery Channel. Nagkakatuwaan sila at ang palitan ng kuru-kuro ay masaya at walang pag-aalinlangan. Ang sarap nilang tingnan.

Mula noon, iba na ang turingan nila sa isa’t isa. Mas magkapatid. Mas may pagmamahal. Naniniwala ako na ang isang tin-edyer ay dumadaan sa krisis sa emosyon at mga paniniwala at pagkikilala sa sarili. Pinilit kong ipadama kay Kay na ako ay handang makinig pero handa ring ituwid ang kanilang mga mali. Kung pababayaan ko sila sa kanilang mga mali, hindi pagmamahal ang tawag doon.

Posted by bingskee at 8:17 PM
Post Comment | Permalink
Thursday, 3 November 2005
Hoy, Lalake, Bakit Galit Ka sa Bading?
Mood:  chatty
Now Playing: sigaw ng mga audience sa laban ng Lakers at Nuggets (sa TV)
Topic: Samu't Sari

Karaniwang may dumadaan sa aming lugar na miyembro ng ikatlong kasarian (third sex). Iba-iba ang arte nila, me mahinhin, me garutay, me maingay, me nakukulapulan ng meyk-ap, at me naka-mini-skirt. Matuk mo?

Karaniwan din na maririnig mong binobola ni Papsie ang mga ito. Halimbawa, “Uy, ang seksi mo ngayon, a!” Pag inabutan ko ang ganoon, kukurutin ko sa gilid si Papsie at sasabihan na tigilan at baka mapikon. Sabi naman ni Papsie ay gustong-gusto naman ng mga bading iyon.

Hindi mahirap sa aking kabiyak ang makisalamuha kahit kanino, maging sa mga bading. Pero may mga lalaki rin akong nakikita at naririnig na suklam na suklam sa mga miyembro ng ikatlong kasarian. Makakita lamang ng isang bading e kulang na lang murahin ang mga ito. Meron ding hindi nakakatiis at minumura talaga. Meron namang hindi patas ang turing sa mga katulad nila. Sa madaling salita, mababa ang pagtingin.

Ang hindi ako mapalagay ay kung bakit may mga lalaking galit na galit sa mga bading. Kahit walang ginagawa sa kanila, kahit hindi nagsasalita o kumikilos, o nagpapakita ng kabadingan, gigil na gigil sila at halos ay isumpa. Minsan pa nga, gusto nang bugbugin. Nagdududa tuloy ako at baka me nasasaling sa kanilang pagkatao. Sabi kasi, ang BAWAT lalaki raw ay may 30% tendensiya na maging bading. Naisip ko tuloy baka naman sobra sa 30% ang tendensiya ng mga ganitong klase ng lalaki.

Para sa akin, dapat din namang igalang ang mga bading. Marami sa kanila ang magagaling at responsible. May mga lalaki nga diyan na hindi naman kayang magtrabaho o bumuhay ng isang pamilya pero lalaki raw sila. Kung papipiliin, mas gusto ko na ang responsableng bading kaysa sa isang iresponsableng lalaki.

Maituturing daw, sabi ng isang kaibigang bading, na tila isang sakit ang pagkabading. Hindi man daw naisin e iyon ang nararamdaman nila – taliwas sa nararamdaman ng isang tunay na lalaki at halos katulad ng nararamdaman ng isang babae. Kung ito ay isang sakit, palagay ko may lunas dito. Kaya nga, hindi kinakailangan ituring ang sitwasyon o kondisyon na may galit. Dapat samahan ng pang-unawa dahil sila rin ay nilalang sa mundong ibabaw. Tayong lahat ang bumubuo ng mundong ito.

Sinasabi rin na ang kabadingan ay isang sumpa. Kung ganoon, may kasalanan ba sila kung sila ay nadamay lamang sa isang sumpa? Hindi man nila gusto, sila ay biktima kung totoo nga na ang kabadingan ay isang sumpa ng mga nakaraang henerasyon.

Kailangan sigurong lawakan ang pang-unawa. Kahit anong aspeto sa buhay, kailangan ito. Kailangan siguro, kayong mga lalaki e mag-isip din kung ano ang gagawin ninyo sakaling kayo ang nasa sitwasyon.

Posted by bingskee at 10:14 PM
Post Comment | Permalink
Friday, 28 October 2005
Sagad to the Bones
Mood:  irritated
Now Playing: Talaga Naman ng MYMP
Topic: Opismeyts

Sadyang may mga taong makitid ang utak at ayaw tumanggap ng rason. Ayaw rin nilang makinig sa mga suhestiyon para sa kanilang ikabubuti at sa ikagaganda ng takbo ng isang gawain o proseso.

Maraming ganyan sa kumpanyang pinapasukan ko sa kasalukuyan. Sila yaong mga taong mahilig pumuna sa mali ng iba. Sila yaong namumuhi sa mga taong napupuri dahil hindi sila yaong pinupuri. At maiingitin pa ang mga hinayupak!

Hindi ko alam kung sadyang hanggang doon lamang ang lebel ng pang-unawa o sadyang tinatanggihan ang totoo o ayaw makinig sa totoo. Kamuhi-muhi ang kanilang katangahan – excuse me for the word. Pero sadyang walang alam dahil hindi interesadong matuto. Nakapagtataka kung bakit sila nabigyan ng posisyon. Masisisi mo rin ang mga namamahala ng kumpanya dahil hindi man lang isinaalang-alang ang pwedeng maging resulta ng mga ganitong klaseng desisyon: ang kumuha ng mga substandard na empleyado.

Tanong ko sa isang kaibigan – “E, bakit si *** hindi naman nagtapos ng kolehiyo pero ibang-iba ang ugali sa trabaho kesa ke **** na tapos daw ng pagiging inhenyero?” Sabi ng kaibigan ko ay wala naman sa natapos yan. Marami sa mga nagtapos sa kolehiyo na natapos lamang dahil sa pangongodigo at pangongopya. Ang talino daw ay nasa bawat tao at nasasa-tao daw kung paano ito paglilinangin.

Sagad to the boneskasi ang pagiging imposible ni ***. Kahit na sino ay hirap ay hirap ipaunawa ang mga bagay-bagay at napaka-defensive pa kamo. Hindi rin nag-iisip kung ano ang ibig sabihin. Mantakin mong para sa kanya e pareho lamang ang ibig sabihin ng material code at formulation. Hay, ang hirap magpaliwanag dahil hindi siya marunong makinig. Kaya mo bang makipag-usap sa taong ganito na hindi ka pa tapos sa pagsasalita ay nagsasalita na? Kaya mo bang madala ang sitwasyon kasama siya kung ang ibig sabihin ng ‘possible source of defect’ ay di alam? Paano kaya napapatakbo ng taong ito ang kanyang seksyon ng maayos?

Hindi ko sinasabing perpekto akong empleyado. May mga munting kapalpakan din minsan. Pero nakikinig ako at nagbibigay ng katwiran sa mga nagagawa. Hindi ako basta-basta nagagalit lalo na ngayon at inaaral ang sarili kung tama o hindi ang mga desisyong gagawin. Kaya ko ring tumanggap ng puna kung kinakailanga. Pero hindi ako mapapaayon sa maling gawain, o katwiran, o paninindigan.

Naniniwala ako na sagad to the bonesdin ang kakulangan sa parte ng mga namamahala. Kung di ba naman e bakit me mga ganitong klase ng tao na hindi matanggal kung hindi epektibo at may malaking diperensiya ang pag-uugali. Palpak na nga ni hindi man lang mabigyan ng verbal warning. Hindi kaya katulad din sila ng mga ito na kulang na kulang ang work values?

Hayyy, naku! Kung hindi lamang may krisis sa bansa, lilipat na naman ako ng trabaho kaso mo maging ang bansa ay mali ang pamamahala. Nakakalungkot isipin na sa ibang bayan pa makakatagpo ng mas maayos-ayos na sitwasyon (hindi nga lamang lahat).

Posted by bingskee at 7:37 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Saturday, 15 October 2005
Saan Ba Nagsimula?
Mood:  chatty
Topic: Samu't Sari
Ang natatandaan ko nagsimula lang sa kuwento ni Kuya P** na ang bayaw niyang militar e magreretiro na at isang milyon yata ang matatanggap. Sabi daw ni R*****, “Yun e kung isa ang lang ang asawa niya.” Anim nga raw ang asawa ng bayaw niya.

Bumangka na si Kuya E**** at nagkuwento na ang isa sa mga janitor sa pinapasukan niyang unibersidad e nasayang ang 27 taon sa trabaho dahil sa kasong rape ng 12 taong bata. E, paano kaya nalaman sa unibersidad ang ginawa niya? Yun naman pala e kapatid ng kasamahang janitor ang 12 taong gulang. At hindi pala pwersahang rape. Napapayag ng manyak ang bata. Statutory rape ang kaso.

Sumagot ako na bakit kaya may ganoong mga lalaki. Umayon si Papsie at sabi nga raw ni R***** e bakit pa mang-re-rape e pumunta ka lamang daw sa probinsya nila sa Bisaya at painumin ang tatay, o bigyan ang mga magulang ng kahit na isang libo lang e me asawa ka nang batang-bata pa at sariwa. Naalala ko tuloy yung feature sa isang tv series tungkol sa isang ama sa Bicol na binuntis o ginalaw lahat ng anak na babae at me nabuntis pa. Isa sa mga anak ng walanghiyang lalaki e nasiraan pa ng ulo. Ipinakita rin ng programang nasabi ang kalagayan ng ama kung saan siya ay nanghihina na. Kung ako yun, sinakal ko ang taong iyon.

Napunta naman ang kwento kung saan nakadestino dati si Kuya P**. Naitanong ko kasi kung totoo ba na maraming nga bang mga babaeng commodity doon. Totoo raw, sabi ni Pareng E****. Me tawaran pa nga raw at me klase klase. Hanggang class C daw. Sabi nga raw ni I***, “Aba, me tyangge pala dito!”

Nakakatawa mang pakinggan ang mga aktwal na kwento, nakakaawa ang mga kalagayan ng mga batang babae, o ng mga babaeng biktima ng pagkakataon at walang kapangyarihang pang-ekonomiko. Sila ay nakakulong, wala mang rehas, sa sitwasyong lalo lang nagpapabaon sa kanila.

Posted by bingskee at 10:01 PM
Post Comment | Permalink

Newer | Latest | Older