Mood:

Now Playing: sigaw ng mga audience sa laban ng Lakers at Nuggets (sa TV)
Topic: Samu't Sari
Karaniwang may dumadaan sa aming lugar na miyembro ng ikatlong kasarian (third sex). Iba-iba ang arte nila, me mahinhin, me garutay, me maingay, me nakukulapulan ng meyk-ap, at me naka-mini-skirt. Matuk mo?
Karaniwan din na maririnig mong binobola ni Papsie ang mga ito. Halimbawa, “Uy, ang seksi mo ngayon, a!” Pag inabutan ko ang ganoon, kukurutin ko sa gilid si Papsie at sasabihan na tigilan at baka mapikon. Sabi naman ni Papsie ay gustong-gusto naman ng mga bading iyon.
Hindi mahirap sa aking kabiyak ang makisalamuha kahit kanino, maging sa mga bading. Pero may mga lalaki rin akong nakikita at naririnig na suklam na suklam sa mga miyembro ng ikatlong kasarian. Makakita lamang ng isang bading e kulang na lang murahin ang mga ito. Meron ding hindi nakakatiis at minumura talaga. Meron namang hindi patas ang turing sa mga katulad nila. Sa madaling salita, mababa ang pagtingin.
Ang hindi ako mapalagay ay kung bakit may mga lalaking galit na galit sa mga bading. Kahit walang ginagawa sa kanila, kahit hindi nagsasalita o kumikilos, o nagpapakita ng kabadingan, gigil na gigil sila at halos ay isumpa. Minsan pa nga, gusto nang bugbugin. Nagdududa tuloy ako at baka me nasasaling sa kanilang pagkatao. Sabi kasi, ang BAWAT lalaki raw ay may 30% tendensiya na maging bading. Naisip ko tuloy baka naman sobra sa 30% ang tendensiya ng mga ganitong klase ng lalaki.
Para sa akin, dapat din namang igalang ang mga bading. Marami sa kanila ang magagaling at responsible. May mga lalaki nga diyan na hindi naman kayang magtrabaho o bumuhay ng isang pamilya pero lalaki raw sila. Kung papipiliin, mas gusto ko na ang responsableng bading kaysa sa isang iresponsableng lalaki.
Maituturing daw, sabi ng isang kaibigang bading, na tila isang sakit ang pagkabading. Hindi man daw naisin e iyon ang nararamdaman nila – taliwas sa nararamdaman ng isang tunay na lalaki at halos katulad ng nararamdaman ng isang babae. Kung ito ay isang sakit, palagay ko may lunas dito. Kaya nga, hindi kinakailangan ituring ang sitwasyon o kondisyon na may galit. Dapat samahan ng pang-unawa dahil sila rin ay nilalang sa mundong ibabaw. Tayong lahat ang bumubuo ng mundong ito.
Sinasabi rin na ang kabadingan ay isang sumpa. Kung ganoon, may kasalanan ba sila kung sila ay nadamay lamang sa isang sumpa? Hindi man nila gusto, sila ay biktima kung totoo nga na ang kabadingan ay isang sumpa ng mga nakaraang henerasyon.
Kailangan sigurong lawakan ang pang-unawa. Kahit anong aspeto sa buhay, kailangan ito. Kailangan siguro, kayong mga lalaki e mag-isip din kung ano ang gagawin ninyo sakaling kayo ang nasa sitwasyon.