Mood: loud
Now Playing: huni ng elektrik pan
Topic: Mahahalagang Bagay
Inabutan ng mga pulis ang ina na nakaupong pasadlak na umiiyak sa harap ng walang buhay na anak. Makikitang ang mga braso at binti ng bata ay may mga mangitim-ngitim at mangasul-ngasul na marka. Mula sa ulo ay umaagos ang pulang-pulang dugo. Wala ring patid ang pag-iyak ng babae na nang malaon ay napag-alamang ina pala ng bata. Mahinang boses ang maririnig mula rito, “Hindi ko sinasadya, hindi ko sinasadya…”. Paulit-ulit na sinasambit ang mga kataga na para bang makapagpapabalik pa ng nawalang buhay.
Sa panayam, nalamang sa tindi ng galit ng ina ay hinampas-hampas ang bata sa buong katawan, kasama ang ulo. Huli na nang malaman na matinding hampas ang naibigay sa ulo. Ang dahilan, inutusan ang bata na bumili sa tindahan at nang magbalik ay kulang ng P5 piso ang sukli. Hindi nakita ang barya sa daan na sabi daw ng bata ay nahulog.
Karaniwan na sa Pilipinas ang ganitong senaryo, ang pananakit sa mga bata nang walang patumangga dahil lamang sa maliliit na bagay. Hindi lamang pisikal na pang-aabuso ang karaniwan kundi pati na ang sekswal, sikolohikal at emosyonal na pang-aabuso.
Sa bansang tulad ng Pilipinas, tila hindi mahalaga ang batas na tulad ng batas ng ibang bansa gaya ng Sweden na ipinagbabawal ang pananakit pati na ang pamamalo ng bata. Walang malaganap na pagkilos laban sa pang-aabuso. Kung mayroon man, iilan lamang at hindi tinitingnan na mahalaga sapagkat itinuturing na ang pamamalo ay isang paraan ng pagdidisiplina kahit na nga ito ay matindi at madalas o mas grabe sa kinakailangan.
Salat nga ba sa impormasyon o sadyang binabalewala ang kahalagahan ng karapatan ng mga bata? Hindi nga ba sinasadya o palusot lamang sa mga kakulangan at pang-aabuso?
Sa aking paglalayag sa mundo ng internet, natuklasan ko na meron din palang mga organisasyon o grupo na nagsisilbi sa suliranin at mga isyu tungkol sa pangangalaga sa mga bata. Sa network na ito makikita mo ang mga sumusunod:
1. tungkol sa website
2. impormasyon at bilang ng mga pang-aabuso
3. mga lathalain
4. mga kwento tungkol sa mga batang lansangan at iba pa
5. mga forum na tumatalakay sa pang-aabuso sa mga bata at iba pang isyu
Ang Child Protection in the Philippines ay isang napakahalagang proyekto upang maipakita ang sitwasyon ng mga inaabusong bata sa Pilipinas at kung ano ang ginagawa ng mga organisasyon para sa mga isyu tungkol dito.
Patunay na hindi na salat sa impormasyon ngunit hindi sapat ang mga pagkilos upang matugunan ang hinihingi ng sitwasyon. Ang mga organisasyon ay hindi sapat upang maipaabot ang tulong at pagkalinga sa mga batang naaabuso, mga batang siyang sinasabi nating pag-asa ng bayan.