Mood: lyrical
Now Playing: Magpakailanman
Topic: Kaibigan
Minsan ay napadaan sa landas
Ng lilo at kasinungalungan
Kung saan nagising ang damdamin
Ng init, at hindi pagmamahal.
Init na lumukob, katauhan
Naging sunud-sunuran dito
Aliping mapaghanap ng init
Ngayon ay natagpuan ang nais.
Ibinaon sa limot – katwiran
Kinalimutan ng sadya – oo!
Maranasan lamang sayang dulot
Ng hindi tunay na pagmamahal.
Puso’y nag-uumapaw sa tuwa
Ramdam niya’y kabataa’y bumalik
Para bang diyosa ng kagandahan
Kinababaliwan ng ‘sang hangal.
Ano ba’t sa isang iglap’y heto
Nakawala sa hawla ng lilo
Diwa’y nakatakas sa halina
Ng ‘sang mapag-imbot na palalo.
Ang pagmamahal palang totoo
hindi mula sa init ng katawan
Kundi mula sa init ng pusong
Tunay at wagas ang pagmamahal.
“Sino ka bang magaling na tao
Para ako’y sumbatan ng todo?
Hindi mo hawak ang aking buhay
Aking gagawin nanaisin ko!”
Hindi magaling ang tawag sa ‘kin
Kundi biktima ng nakaraan
Isang ligaw na kaluluwa – ah!
Na namatay at muling nabuhay
Namatay dahil sa kasalanan
At nabuhay sa katotohanan
May payapang isipan at loob
Walang bagabag na dala-dala.
Nakangiting palagi’t may ningning
Mga matang mulat sa totoo
Lagi’y magaan ang pakiramdam
Paano’y nariyan ang Lumalang.
Pakaingatan mo na ikaw ay
Madarang sa init ng palalo
Hangad niya’y isang bagay lamang -
Ang ikaw ay gawing alipin.
Nakalulungkot isipin, tao
Kung hindi ka na makakaahon
Sa lusak na pinili mong higit
Dahil sa init na hanap-hanap.
Posted by bingskee
at 9:49 PM