LINKS
ARCHIVE
« March 2024 »
S M T W T F S
1 2
3 4 5 6 7 8 9
10 11 12 13 14 15 16
17 18 19 20 21 22 23
24 25 26 27 28 29 30
31
Thursday, 18 May 2006
Bagong Bahay
Mood:  celebratory
Now Playing: huni ng elektrik pan
May bago akong bahay! Silipin nyo SamingwikaDITO.

Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Thursday, 18 May 2006 10:04 PM
Post Comment | Permalink
Monday, 10 April 2006
May Pakendeng-kendeng Pa
Mood:  chatty
Now Playing: ads sa teevee
Topic: Ang Lipunan

Nabanggit ni Nanay na ang anak daw pala ng aming kapitbahay na si H**** ay ubod pala ng arte. Nagtanong ako kung bakit at sinagot ako na ang sabi’y kung lumakad daw kasi ay sobra ang kembot.

Naalala ko tuloy noong maliit pa si Kay at kalaro ang babaeng tinutukoy ni Nanay. May kaibigan itong isa pa ring maarte na kung lumakad e pakendeng-kendeng. Nagalit noon si Nanay sa mga ito dahil sinabihan si Kay ng salitang ‘malandi’. Galit na galit ang aking biyenan at pinatawag ang mga ito at sinermunan. Tinanong sila kung ano ang ibig sabihin ng salitang iyon para sa kanila. Hindi kasi maririnig ni Kay ang mga ganoong klase ng salita sa amin. Tinanong din sila kung nakita ba nila na ang kanyang apo ay naglandi. Galit na galit talaga ang aking biyenan.

Ngayon kung makikita mo nga ang mga ito hindi puwedeng hindi mo masabing maaarte. Hindi ako nagsasalita dahil ako ay inis sa mga babaeng iyon. Pero kapansin-pansin talaga ang pag-indayog ng kanilang balakang lalo na iyong isang nagsabi ng salitang ‘malandi’. Kapag dumaan ang babaeng iyon sa gitna ng isang kulumpon ng mga lalaki, lalong pinag-iigi ang pag-kendeng. Tingin ko ba ay kulang sa pansin.

Noong minsang dumaan ito ay pagkaingay-ingay naman at nakapulupot pa sa isang lalaki na akala mo ay pugita. Maiinis kang talaga.

Nalaman ko na ang babaeng iyon ay may problema sa pamilya, rebelde at talagang tila nagwawala. Naiisip ko tuloy na mas bagay na sa kanya ang salitang binitiwan niya sa anak ko na kahit hindi kumendeng ay mapapansin at mapapansin.


Posted by bingskee at 7:53 PM
Updated: Monday, 10 April 2006 10:17 PM
Post Comment | Permalink
Wednesday, 1 March 2006
Hindi Sinasadya??
Mood:  loud
Now Playing: huni ng elektrik pan
Topic: Mahahalagang Bagay
Inabutan ng mga pulis ang ina na nakaupong pasadlak na umiiyak sa harap ng walang buhay na anak. Makikitang ang mga braso at binti ng bata ay may mga mangitim-ngitim at mangasul-ngasul na marka. Mula sa ulo ay umaagos ang pulang-pulang dugo. Wala ring patid ang pag-iyak ng babae na nang malaon ay napag-alamang ina pala ng bata. Mahinang boses ang maririnig mula rito, “Hindi ko sinasadya, hindi ko sinasadya…”. Paulit-ulit na sinasambit ang mga kataga na para bang makapagpapabalik pa ng nawalang buhay.

Sa panayam, nalamang sa tindi ng galit ng ina ay hinampas-hampas ang bata sa buong katawan, kasama ang ulo. Huli na nang malaman na matinding hampas ang naibigay sa ulo. Ang dahilan, inutusan ang bata na bumili sa tindahan at nang magbalik ay kulang ng P5 piso ang sukli. Hindi nakita ang barya sa daan na sabi daw ng bata ay nahulog.


Karaniwan na sa Pilipinas ang ganitong senaryo, ang pananakit sa mga bata nang walang patumangga dahil lamang sa maliliit na bagay. Hindi lamang pisikal na pang-aabuso ang karaniwan kundi pati na ang sekswal, sikolohikal at emosyonal na pang-aabuso.

Sa bansang tulad ng Pilipinas, tila hindi mahalaga ang batas na tulad ng batas ng ibang bansa gaya ng Sweden na ipinagbabawal ang pananakit pati na ang pamamalo ng bata. Walang malaganap na pagkilos laban sa pang-aabuso. Kung mayroon man, iilan lamang at hindi tinitingnan na mahalaga sapagkat itinuturing na ang pamamalo ay isang paraan ng pagdidisiplina kahit na nga ito ay matindi at madalas o mas grabe sa kinakailangan.

Salat nga ba sa impormasyon o sadyang binabalewala ang kahalagahan ng karapatan ng mga bata? Hindi nga ba sinasadya o palusot lamang sa mga kakulangan at pang-aabuso?

Sa aking paglalayag sa mundo ng internet, natuklasan ko na meron din palang mga organisasyon o grupo na nagsisilbi sa suliranin at mga isyu tungkol sa pangangalaga sa mga bata. Sa network na ito makikita mo ang mga sumusunod:

1. tungkol sa website
2. impormasyon at bilang ng mga pang-aabuso
3. mga lathalain
4. mga kwento tungkol sa mga batang lansangan at iba pa
5. mga forum na tumatalakay sa pang-aabuso sa mga bata at iba pang isyu

Ang Child Protection in the Philippines ay isang napakahalagang proyekto upang maipakita ang sitwasyon ng mga inaabusong bata sa Pilipinas at kung ano ang ginagawa ng mga organisasyon para sa mga isyu tungkol dito.

Patunay na hindi na salat sa impormasyon ngunit hindi sapat ang mga pagkilos upang matugunan ang hinihingi ng sitwasyon. Ang mga organisasyon ay hindi sapat upang maipaabot ang tulong at pagkalinga sa mga batang naaabuso, mga batang siyang sinasabi nating pag-asa ng bayan.

Posted by bingskee at 10:05 PM
Updated: Wednesday, 1 March 2006 10:20 PM
Tuesday, 7 February 2006
Makunat pa sa Inuyat
Mood:  chatty
Now Playing: Sunsilk's ad
Topic: Mahahalagang Bagay

Isa nga bang katangiang matatawag ang pagiging kuripot? Dito sa ating bansang Pilipinas, madalas ang mga taong hindi pumapatol sa mga kantyaw na magpainom o magpakain o di kaya mag-blow-out ay kadalasang binabansagang kuripot. Sa mga magkakaibigan, bukambibig na rin ang bansag na ito kapag ayaw bumigay sa mga pang-uulok ng kabarkada na ‘magpa-softdrinks ka naman’ o di kaya naman e ‘bertdey mo pala, magpakain ka naman’.

Ang pagiging kuripot ay isang negatibong katangian para sa marami. Bakit nga kaya? Kadalasan kasi ay may mga taong mabigat ang loob mamahagi ng kanyang biyayang tinatanggap. Ito yaong mga taong kilala sa pagiging mayaman o may pera, o madaling kumita ng pera pero hindi bukas palad. Nakayayamot din na itong mga taong ito pa ang nanlalamang sa kapwa pagdating sa usaping pera. Minsan e may isang kalaro si Papsie, na asawa ng pinsan niyang makalawa. Ang angkan ng mga ito ay mayaman at marami pa ngang sasakyan. Sa kanilang paglalaro ng mah jong, yamot na yamot si Papsie dahil hindi agad naglabas ng pera. Ang ginawa ay puro ‘paki’ (termino sa pagpapaliban ng pagbabayad). Nang matapos na ang laro, halos ayaw nang magbayad ang tinamaan ng lintek.

Hindi naman siguro masama ang maging kuripot kung ang pera ay talagang sapat lamang sa mga gastusin. Mas mahirap namang yakapin ang hindi mayakap. Hindi rin naman masama ang maging kuripot kung sa tingin e hindi ganoon kahalaga ang pagkakagastusan. Mayroon kasing mga tao na planado ang bawat aktibidad sa kanilang buhay at kasama na roon ang paglabas ng bawat sentimo sa kanilang bulsa. Nakasimangot man si Ninoy nang siya ay alisin sa bulsa o pitaka, wala tayong magagawa sa prayoridad ng mga taong ito.

Mas dapat bigyang pansin kung ano ba ang prayoridad ng mga taong binabansagang kuripot. Sila ba ay nagpapaaral, o di kaya’y may sinusuportahan? Sila ba ay mapagkawanggawa, hindi sa mga tomador, o buwaya, kundi sa mga taong kapos at talagang nangangailangan? Sila ba ay kasapi ng isang organisasyong pangkabuhayan, o pangkalinangan, o pangkapaligiran? Kung magkagayon, hindi sila dapat bansagang kuripot. Sila ang mga taong higit na may pakialam sa kapakanan ng iba o ng mas nakararami, hindi ng ilan na ang intensyon ay pansarili lamang.

Baka ika’y nag-aala na mabansagang kuripot. At dahil dito ay bumigay ka at humantong pa sa pangungutang para lamang mapagbigyan ang kapritso ng ilan. At dahil dito ay hindi ka na makatulog sa pag-aalalang hindi ka na nila ituring na kaibigan. Huwag. Huwag kang bumigay. Huwag kang mabahala sa bansag na kuripot. Papasukin mo na lang at ilabas sa kabilang tenga.

Posted by bingskee at 8:14 PM
Post Comment | Permalink
Saturday, 28 January 2006
Tricycle Blues
Mood:  blue
Now Playing: wala
Topic: Samu't Sari

Sobrang hirap talaga ang magbiyahe sa tricycle. May kalungkutan. Pero mapagtitiyagaan na rin kumpara sa siksikang MRT, LRT o bus.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, hindi maaaring hindi ako sumakay sa tricycle. Yun kasi ang pinakamabilis na ruta patungo sa aking pinagtatrabahuan. Ngayon, wala na ring bus na dumadaan sa may Baesa-Quirino Avenue kaya no choice.

Narito, Kuya Cezar, ang mga di makalimutang mga pangyayari tungkol sa mga biyahe ko:

1. Nang una akong sumakay sa tricycle, napuna ko na ang mga tambay sa may tindahan sa tapat ng istasyon ng tricycle ay nakatingin, hindi sa mukha ko, kung hindi sa binti at hita ko. Madalas tuloy hindi na ako nagsusuot ng paldang ‘above the knee’.
2. Napansin ko minsan na ang side mirror ng lintyak na drayber ay nakatapat din sa paanan ng upuan ng tricycle. Manyakis ang iba sa kanila. Ano naman kaya ang mapapala nila kung makita nila na me suot palang panty ang babaeng sakay ng tricycle?
3. Naranasan ko rin ang makasabay ang mga, take note, MGA, mamang kahilig ikiskis ang kanilang braso sa braso ng katabi nila. Minsan pa nga e naramdaman ko, dahil sa sobrang sikip ng tricycle, na sa tagiliran ko lumalanding ang siko o braso. Hindi ko alam kung sadya o hindi.
4. Walang pakialam kung magpatakbo ang mga ito. Nasagasaan pa nga minsan ang kaliwang paa ko at buti na lang hindi high heeled ang suot ko.
5. Kinabahan akong minsan nang muntik nang bumangga sa isang kotse ang sinasakyan kong tricycle. Bangag yata ang driver.
6. Bigla minsang nagsalita ang katabi ko sa tricycle at nagkuwento na para bang magkakilala kami. “Ma at Pa!” isip isip ko.
7. At nang bumababa ang isang pasahero, ang drayber ay walang panukli. Kailangan pang magpapalit ang pasahero sa isang tindahan. Ang sarap pag-untugin ang ulo ng dalawa: isang drayber na walang panukli at pasaherong buong P100 ang pinambayad. Parehong pasaway!
8. At dahil sa lubak-lubak ang kalsadang dinadaan, madalas ay nauuntog ang ulo ko sa bubungan ng tricycle o sa gilid. Hindi naman kasi lahat ng tricycle ay sosyal gaya ng iba na me alpombra pati kisame.

Naku, kung wala lamang color coding e di walang sakay-sakay ng tricycle at kung di mahal ang gasolina, nagpapasundo sana ako sa pag-uwi. Mas mahal pa kasi ang gasolinang mauubos kung magpapasundo pa. Sa umaga lamang ako kadalasang masaya dahil hindi na dadaan sa maputik na daan at hindi na sasakay ng tricycle.

Posted by bingskee at 3:50 PM
Post Comment | View Comments (6) | Permalink
Tuesday, 3 January 2006
Masdan Mo ang mga Bata
Mood:  lucky
Topic: Ang Lipunan

Noong a-uno ay pumunta kami sa Masambong. Taun-taon naming ginagawa ito. Bahagi ito ng aming hangarin ni Papsie na mapatibay ang relasyon sa mga kamag-anak.

Wala ang iba. Sarado ang bahay. Nasira tuloy ang aming iskedyul. Pero maaga kaming nakauwi. Nakapagpahinga pagkatapos.

Hindi ako maawat sa pagkuwento sa isang hindi makalimutang karanasan sa paglibot namin sa Masambong. Ang pumukaw ng aking emosyon ay ang batang si Bulak na kaapu-apuhan ng isang tiyuhin ni Papsie. Si Bulak ay isang batang maliit, mga magdadalawang-taong gulang na, mabilog pero hindi naman mataba, kayumanggi, matikas nang maglakad ang dalawa niyang paa na walang sapin.

Sa una ay bantulot lumapit ang bata. Nang malaon, siguro nang maramdamang wala akong gagawing masama sa kanya, ay nangunyapit na sa aking hita habang ako ay nakaupong nakikipagkwentuhan sa isa niyang lola, na pinsang makalawa ni Papsie. Hindi na siya humiwalay simula noon. Habang hinahaplos-haplos ko ang kanyang buhok at likod, titig siya ng titig sa akin. Ewan ko, pero bigla kong kinarga si Bulak at habang subu-subo niya ang kanyang daliri, ay inuguy-ugoy ko. Maya-maya pa ay papikit na ang kanyang mga mata.

Nalaman ko na si Bulak ay anak ng apo ng tiyuhin ni Papsie, sa ikalawang asawa, na isang kinse anyos na babae. Tatlong magkakapatid sina Bulak at ang panganay ay 6 na taon lamang. Ang masaklap ang amat’ina nila ay kapwa nakakulong sa bilangguan. Hindi malinaw ang salaysay tungkol sa dahilan ng pagkakulong. Nang-agaw raw ang ama ng cel phone, pero bakit kailangang makulong ng 6 na taon? Ang ina naman ay makukulong na 6 na buwan dahil nang-i-snatch ng kwintas. Sa pahapyaw na kwento, parehong lulong sa shabu.

Nakatulog ang tila munting anghel na si Bulak sa aking kandungan, subu-subo ang hinlalaki. Ni hindi nag-alala ang kausap ko na baka gutom ang bata. Nang sabihin ko na saan ba dapat matulog ang bata, kinuha niya nang hindi marahan ang bata. Naalala ko rin na sinabi niya na “Ayan, ampunin niyo na ang bata.” Marahil, mabigat na rin ang sitwasyon sa kanila dahil sila ang kumakargo sa limang anak ng mag-asawang iyon na parehong menor-de-edad.

Lahat ng bata, kung sabagay, sa lugar na iyon, ay halos pare-pareho ang sitwasyon. May mga magulang nga, pero parang wala naman. Ang mga magulang ay tila walang pakialam. Nang mga oras na iyon, hanggang sa pag-uwi namin, naiisip kong sana ako ay mayamang pilantropo at kukunin ko na lang ang lahat ng batang naroon. Sana isa akong anghel, na may kakayanang kunin ang lahat ng bata doon para iligtas sa mga buwitreng naroon. Nakaramdam pa tuloy ako ng pagkamuhi sa mga matatandang naroon.
Ang buong senaryo ay kabalintunaan ng buhay ni Kay at ni Daryl. Sayang si Bulak at wala akong sapat na kakayanang alisin siya sa ganoong lugar at sitwasyon. Pero para na rin akong kumukupkop ng mga tulad ni Bulak na walang masulingan, o matakbuhan, mga bata sa kaisipan na kailangan pa rin ng pag-alalay magpasahanggang-ngayon.

Posted by bingskee at 6:11 AM
Post Comment | Permalink
Thursday, 22 December 2005
Ang Pangangaroling
Mood:  chillin'
Topic: Mahahalagang Bagay

Pagsapit ng ika-16 ng Disyembre, sunud-sunod na ang mga nangangaroling. May mga ilan nang nangaroling nang maaga pero ang buhos ay talagang umpisa sa araw na ito.

Dito na makukulili ang tenga ng iba’t ibang kanta at tono. Dito mo rin maririnig ang iba’t ibang instrumento. Maya’t maya ay maririnig mo ang awiting “Sa may bahay ang aming bati, Meri Krismas na maluwalhati…” Palasak na palasak ang awiting ito na napagtuunan ng pansin ni Papsie at ipapaulit niya kapag mali ang liriko. Paano kasi ang karamihan ay ganito ang pagkakaawit – “Sa may bahay ng aming bati, Meri Krismas na wawalhati…” Asar na asar siya at ituturo ang tamang mga salita. May nakakakuha at may hindi naman. Minsan pati mga magugulang na e ganito pa rin awitin ang nasabing kanta.

May mga maganda ang pagkakaawit at may mga sintunado. May mga nangangaroling na me dala pang magagarang instrumento at madalas ‘yung instrumento na lang ang maririnig mo. May mga tuso na nag-iisa lamang o dadalawa lamang sila. Asar din si Papsie sa mga ito at sasabihing, “Bawal ang dalawa.” Ayaw din niya na isa lang at hindi lahat kumakanta. Lugi daw yung kumakanta. Mayroon din namang sobrang mahiyain na nakatago sa gilid ng pinto o bintana. Nakakatikim din sila kay Papsie.

Mula sa reaksyon ni Papsie sa mga nangangaroling, naisip ko na dapat tandaan ng bawat nangangaroling, bata at matanda ang mga ito:
a. Paghandaan ang pangangaroling. Hindi basta tatapat ka na lang at isisigaw ang kanta. Mas magugustuhan kung nakitang pinaghandaan.
b. Sauluhin ang liriko ng kanta at tiyaking tama. Lumalabas kasing katawa-tawa.
c. Mas grupong tingnan kung mas marami sa dalawa. Mas marami, mas masaya, ‘ika nga.
d. Huwag mahiya kapag nangangaroling. Ipakita ang kumpidensya at sigasig na mabigyan ng nakasisiyang pag-awit ang mga tinatapatan.
e. Mas maganda kung may instrumentong dala-dala. Mas nagpapatingkad ng awit ang mga ito. Hindi naman kailangang bumili dahil ang latang ginawang drums ay pwede na o dalawang kubyertos na pinatutunog (huwag na lang isama ang tinidor).

O, di ba? Mas maganda kung mas maayos at organisado. Tiyak di lang piso ang mapapala ng grupo nyo.

Posted by bingskee at 8:33 PM
Post Comment | Permalink
Monday, 19 December 2005
Sa Mga Tulad Nila
Mood:  happy
Now Playing: National Geographic Wild Sex
Topic: Mahahalagang Bagay

Nawala at naibalik ang cel phone ni Papsie. Dahil sa kabutihang loob ni Mary Ann at Al. Nabanggit din ni Mary Ann na konsensiya kasi ang kalaban kaya kailangang ibalik. Sabi pa nga niya, “meron din kasi kaming cel phone”. Na ang ibig sabihin sa akin ay hindi pagmamalaki kundi pagdidiin na ayaw nilang mangyari sa kanila ang masamang gawain.

Iilan na lang ang mga tulad nila. Sa panahong ito mas marami ang mag-iinteres o magsasawalang bahala. Mag-iinteres ang iba dahil kailangan ng pera, o kailangan ang bagay na nakuha o nadampot, o magsasawalang bahala dahil abala pa kung hahanapin ang may-ari. Mas mabilis kasi ang magbenta o umangkin ng hindi kanya.

“Spirit of Christmas” (Espiritu ng kapaskuhan) ang tinutukoy na malaking dahilan para kay Papsie. “God has smiled down on us.” Sabi naman ni Daryl. Pero sadya marahil na mabuti ang kalooban nina Mary Ann at Al. Ang mga tulad nila ay dapat tularan.

Mabuhay kayo, Mary Ann at Al. Sana ay dumami pa ang lahi niyo!

-------
Nakakaaliw isipin na may mga taong parang natutuwa pa at nawalan ka. Sa kakitiran ng isip nila, kulang na lang ay sabihing “Buti nga sa iyo!” Dahil pa rin sa makitid ang pag-iisip, mag-iisip na “Mas mabuti ako sa iyo.” o “Dapat kasi nagsisimba ka, baka nakakalimot ka na.” Hayagang hipokrisiya na hindi naman kaila sa marami ang kagaspangan ng kanilang pag-uugali, mulat na mulat ang mata sa kahinaan ng iba pero bulag sa sariling kapistasan.

“Alam mo, pare, di naman maibabalik sa iyo ‘yan kung di ka mabait,” wika ng isang kumpare. “E, paano yung nawala kong digicam at cel phone ni Bing noon?” tanong ni Papsie. “E, gago ka pa kasi noon!” Pagpapatawa ng kausap.

Ngayon ko naiisip na nang mawala ang cel phone ko, maaaring naibalik kung cel phone lamang ang naiwan. Hindi ko kasi ugali ang bumili ng pagkamamahal na cel phone at natatakot akong maging mitsa ng buhay. Naisip ko na nag-interes sa digicam ang kumuha. Maliban sa Canon ang tatak, hindi sasabihing mura lang ang gamit na iyon. Pero kung si Mary Ann at si Al kaya ang nakakuha? Tingin ko isasauli nila. Dama ko kasi na mabuti talaga ang kalooban ng mag-asawa.

---------
Hindi ko kilalang lubusan sina Mary Ann at Al. Pero ang bukas ng kanilang mukha ay nagsasabi ng kabutihan. May mga tao kasi na hindi man magsalita ay makikita mo ang kakaibang ugali. May mga tao na hindi man magsalita ay hindi mo na malalapitan dahil hindi kaaya-aya ang dating. Mga taong nag-uumapaw sa totoong kayabangan at pagmamalaki kahit wala namang karapatan. Mga taong parang nanunukat sa tuwina kahit di mo naman masukat ang kanilang laki at hindi mo mauri ang kanilang personalidad.

Posted by bingskee at 10:23 PM
Post Comment | Permalink
Wednesday, 30 November 2005
Dapat Bang Maawa?
Mood:  crushed out
Now Playing: Sound clip ng Encantadia
Topic: Samu't Sari

Daang beses na akong nasaktan sa mga ginawa niya. Libong hiwa sa puso ang idinulot ng mga katarantaduhan niya. Hindi na siya bata pero nanghihingi pa rin ng pera, o inihihingi pa rin ng ina niya. Paulit-ulit na mga pangyayari. Ang naiiba lang ay ang lugar at oras. Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pareho lamang. Meron pa palang naiiba – ang mga dahilan kung bakit nanghihingi ng pera.

Ewan ko ba pero hindi ko maisip bakit hindi ko siya nakatulad na hindi nangarap na maging iba – ang gamitin ang kakayahan upang hindi manghingi o magmakaawa para magkapera at matustusan ang mga pangangailangan. Hindi ko pinangarap na ako ay kaawaan, kasawaan at sa bandang huli ay kamuhian dahil sa walang tigil na panghihingi. Hindi ko pinangarap na maging PABIGAT. Paano kasi ay nakita ko ang pangit na mukha ng kahirapan – ang sakit na dulot nito, ang latay nito sa aking katauhan at ang kawalan ng halaga sa lipunang ginagalawan dahil sa kahirapan.

Nakakasawa ang mangaral lalo na at walang interes makinig at matuto ang pinangangaralan. Nakakagalit na patuloy na nanloloko ang tinutulungan, patuloy na walang pagbabago na iyon lamang naman ang inaasahang kabayaran – ang PAGBABAGONG BUHAY. Nakakaawa, oo. Pero nakakasawa din.

Nakakatawa na kung kailan huli na (may sakit na o wala nang kakayahan) ay saka pa lamang magtatrabaho. Paubos na ang lakas at kabataan ay saka pa magkukumahog na gumawa ng paraan para magkapera. Kung kailan ang panahon ay tila nagmamadaling magpaalam. Kung kailan ang mga taong tinatakbuhan at sinasandigan ay nauubos na rin ang kakayahang tumulong. Paano nga ay wala namang nagsasanga dito sa mundo. Lahat ay may hangganan.

Nasaan ba ang hiya mo? Mahigit nang tatlong dekada ang nagdaan. Pero nanghihingi ka pa rin sa mga kapatid mo na minumura mo, pisikal na sinasaktan, pinagbabantaan ang buhay o pinagsasalitaan ng mga bagay na hindi naman totoo. O inihihingi ka pa rin ng ina mo, na hindi mo naman lubusang iginagalang.

Nasaan ba ang utak mo? Sinayang mo lamang ito kasama ang lakas at panahon na dati ay nasasaiyo. Nasira na ba ito ng kawalan ng saysay ng buhay mo?

Nasaan ka na? Nasaan ka na ba? Sa totoo, makasarili ka kasi. Wala sa intensyon mo ang magsilbi o tumulong nang tapat. Ang mababaw mong pangarap ay manghingi at gumasta ng pera ng iba. Masarap sa iyo ang binibigyan. Pero sa totoo, mas masarap ang nagbibigay. Alam mo ba ito? Palagay ko, alam mo naman. Pero ayaw mong paniwalaan. Masyado ka kasing matalino. Matalinong hunghang.

Posted by bingskee at 8:52 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink
Tuesday, 22 November 2005
Aso't Pusa Dati
Mood:  chatty
Now Playing: Encantadia's Sound Effect
Topic: Mahahalagang Bagay

Natatandaan ko noon na kapag umaalis kami, madalas ay nag-aaway ang dalawa kong anak. Labing-isang taong gulang pa lang si Kay noon. Palagi niyang binabara si Daryl noon, palagi siyang nakaangil, palagi siyang masungit.

Kapag umaalis kami para mamasyal, hindi sumasabay si Kay sa amin sa paglalakad. Nauuna siyang maglakad na parang walang kasama. Sobrang inis and nararamdaman ko noon. Ayaw ko naming pagalitan o pagsabihan na wala kami sa bahay. Natuto tuloy si Daryl na sumagot-sagot sa kanya na pabalang-balang. At naging madalas iyon.

Hanggang isang araw, kinausap ko si Kay nang Makita ko kung paano niya kausapin at sagutin ang mga tanong ni Daryl. Sinabi ko sa kanya na nagtatampo na si Daryl si kanya, sinabi ko rin kung ano ang mga hinanakit ni Daryl sa kanya. SInabi ko rin na hindi ba niya alam na proud si Daryl sa mga nagagawa niya at sa mga tagumpay niya. Binigyang diin ko na higit sa lahat at kahit kanino pa man, mas dapat ay mahalaga si Daryl sapagkat kapatid niya ito. Nang mga oras na iyon, gaya ng dati, nakasimangot si Kay, pero sumasagot naman ng ‘opo’ sa mga suhestyon ko.

Dumaan ang mga araw at kapag may bahid ng kasupladahan ang mga sagot ni Kay, kumikibo ako bilang paalala, “O, ano na naman, yan?’ Palagi kong ginagawa iyon at kung hindi ako kumikibo, tinitingnan ko siya nang makahulugan. Hanggang isang araw, nakita ko silang nanonood ng isang series sa Discovery Channel. Nagkakatuwaan sila at ang palitan ng kuru-kuro ay masaya at walang pag-aalinlangan. Ang sarap nilang tingnan.

Mula noon, iba na ang turingan nila sa isa’t isa. Mas magkapatid. Mas may pagmamahal. Naniniwala ako na ang isang tin-edyer ay dumadaan sa krisis sa emosyon at mga paniniwala at pagkikilala sa sarili. Pinilit kong ipadama kay Kay na ako ay handang makinig pero handa ring ituwid ang kanilang mga mali. Kung pababayaan ko sila sa kanilang mga mali, hindi pagmamahal ang tawag doon.

Posted by bingskee at 8:17 PM
Post Comment | Permalink

Newer | Latest | Older