LINKS
ARCHIVE
« October 2024 »
S M T W T F S
1 2 3 4 5
6 7 8 9 10 11 12
13 14 15 16 17 18 19
20 21 22 23 24 25 26
27 28 29 30 31
Friday, 28 October 2005
Sagad to the Bones
Mood:  irritated
Now Playing: Talaga Naman ng MYMP
Topic: Opismeyts

Sadyang may mga taong makitid ang utak at ayaw tumanggap ng rason. Ayaw rin nilang makinig sa mga suhestiyon para sa kanilang ikabubuti at sa ikagaganda ng takbo ng isang gawain o proseso.

Maraming ganyan sa kumpanyang pinapasukan ko sa kasalukuyan. Sila yaong mga taong mahilig pumuna sa mali ng iba. Sila yaong namumuhi sa mga taong napupuri dahil hindi sila yaong pinupuri. At maiingitin pa ang mga hinayupak!

Hindi ko alam kung sadyang hanggang doon lamang ang lebel ng pang-unawa o sadyang tinatanggihan ang totoo o ayaw makinig sa totoo. Kamuhi-muhi ang kanilang katangahan – excuse me for the word. Pero sadyang walang alam dahil hindi interesadong matuto. Nakapagtataka kung bakit sila nabigyan ng posisyon. Masisisi mo rin ang mga namamahala ng kumpanya dahil hindi man lang isinaalang-alang ang pwedeng maging resulta ng mga ganitong klaseng desisyon: ang kumuha ng mga substandard na empleyado.

Tanong ko sa isang kaibigan – “E, bakit si *** hindi naman nagtapos ng kolehiyo pero ibang-iba ang ugali sa trabaho kesa ke **** na tapos daw ng pagiging inhenyero?” Sabi ng kaibigan ko ay wala naman sa natapos yan. Marami sa mga nagtapos sa kolehiyo na natapos lamang dahil sa pangongodigo at pangongopya. Ang talino daw ay nasa bawat tao at nasasa-tao daw kung paano ito paglilinangin.

Sagad to the boneskasi ang pagiging imposible ni ***. Kahit na sino ay hirap ay hirap ipaunawa ang mga bagay-bagay at napaka-defensive pa kamo. Hindi rin nag-iisip kung ano ang ibig sabihin. Mantakin mong para sa kanya e pareho lamang ang ibig sabihin ng material code at formulation. Hay, ang hirap magpaliwanag dahil hindi siya marunong makinig. Kaya mo bang makipag-usap sa taong ganito na hindi ka pa tapos sa pagsasalita ay nagsasalita na? Kaya mo bang madala ang sitwasyon kasama siya kung ang ibig sabihin ng ‘possible source of defect’ ay di alam? Paano kaya napapatakbo ng taong ito ang kanyang seksyon ng maayos?

Hindi ko sinasabing perpekto akong empleyado. May mga munting kapalpakan din minsan. Pero nakikinig ako at nagbibigay ng katwiran sa mga nagagawa. Hindi ako basta-basta nagagalit lalo na ngayon at inaaral ang sarili kung tama o hindi ang mga desisyong gagawin. Kaya ko ring tumanggap ng puna kung kinakailanga. Pero hindi ako mapapaayon sa maling gawain, o katwiran, o paninindigan.

Naniniwala ako na sagad to the bonesdin ang kakulangan sa parte ng mga namamahala. Kung di ba naman e bakit me mga ganitong klase ng tao na hindi matanggal kung hindi epektibo at may malaking diperensiya ang pag-uugali. Palpak na nga ni hindi man lang mabigyan ng verbal warning. Hindi kaya katulad din sila ng mga ito na kulang na kulang ang work values?

Hayyy, naku! Kung hindi lamang may krisis sa bansa, lilipat na naman ako ng trabaho kaso mo maging ang bansa ay mali ang pamamahala. Nakakalungkot isipin na sa ibang bayan pa makakatagpo ng mas maayos-ayos na sitwasyon (hindi nga lamang lahat).

Posted by bingskee at 7:37 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Thursday, 30 June 2005
SI TITO REY
Mood:  chatty
Topic: Opismeyts

Isa siyang supervisor sa kumpanyang pinapasukan ko. Sa totoo, marami rin ang mga supervisor doon. 'Yun nga lang, isa siya sa natatangi. Karaniwan lang naman ang itsura niya. Isa rin namang simpleng tao, na may mga kahinaan din.

Pero hindi karaniwan ang dedikasyon sa trabaho. Dedikasyon na hindi paimbabaw, dedikasyon na walang halong pagkukunwari, dedikasyon na hindi pagsisipsip kung hindi malasakit sa trabaho. Kahanga-hanga ang pagbibigay niya ng mga suhestiyong makakatulong at nakakapagpabilis ng trabaho. Kahanga-hanga dahil si Rey ay hindi nakapagtapos ng kilalang kurso sa engineering, o accounting, o management, atbp. Isa siyang gradweyt ng vocational course. Pero daig niya ang mga nagtapos ng 4 o 5 taong kurso. Ngayon ko nga lang napag-isipan nang husto - wala rin sa tinapos na kurso ang kakayahan ng isang tao - nasa dedikasyon sa trabaho, nasa pag-uugali, nasa work attitude..

Sayang nga lamang at walang programa sa aming kumpanya na kumikilala sa mga taong tulad niya. Walang pagkakaiba ang turing sa nagtatrabaho at hindi nagtatrabaho, nang maayos. Wala rin namang napapala sa mga pagsisikhay na makahanap ng paraan para bumilis at maging tuluy-tuloy ang trabaho. Buti na nga lamang at hindi nagpapa-apekto si Rey sa mga ganitong sitwasyon. Trabaho lang, walang personalan, 'ika nga..

Bakit Tito Rey ang tawag sa kanya? Ang damontres, kahilig kasing magtatawag ng 'tita' kahit sa mga babaeng hamak ang kabataan sa kanya. Istilo niya kasi. Chick boy kasi, e (isa sa kahinaan niya). Buti na lang at meron siyang kaibigang tulad ko na palaging nagpapa-alala na 'gastos lang 'yan!".

Mabuhay si Tito Rey! (tatakbo ka ba?).


Posted by bingskee at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 8:11 PM
Post Comment | View Comments (2) | Permalink
Wednesday, 6 April 2005
Late Bloomer
Mood:  irritated
Topic: Opismeyts
Sa pinapasukan kong kompanya ay may isang bosing na nasa 70 anyos na yata (o baka mahigit pa). Suma total, para ko na siyang tatay. Kung buhay si Papa, kasing edad niya. Gustuhin ko mang ituring na parang tatay e hindi ko magawa. Paano naman ay mahilig pa ring magpa-charming (kahit wala nang K) ang matandang ito at magpahaging ng kung anu-anong salita. Palagi akong napapansin (na ikinaiirita ko na) kahit ano ang ayos ko at kung ano ang suot ko kahit anong oras. Madalas ay umiiwas ako at kung marinig ko na ang boses tiyak ay nagtatatakbo akong paakyat sa room ko. (Delikado pa ito at baka magkandasabit-sabit ang paa ko at mahulog sa hagdan pero quesehoda, kelangang makalayo agad!) Ngayong araw na ito e medyo maiksi ang palda ko as in above the knee. Kamalas ko nga lang at nasalubong ko sa pathway at wala nang pagkakataon na umiwas. "Oh, it’s you, Bing!" (Inglisero si tanda.) Pilit na ngiti at paiwas na paglakad pero nilapitan pa rin ako sabay haplos sa balikat. Mabilis ang lakad ko at sumusunod ang matanda. "You always seem not to recognize me at once!" kaswal na sagot ko. "Oh, it is because you always have something new! Now, you are in mini skirt. How could I not notice?" Sige pa rin ang lakad ko at aakyat na sana ako kaya lang masisilipan ako ng manyakis kaya dumiretso ako palabas pero nakasunod pa rin. "Materiales fuertes!" sabi ni tanda. Iiling-iling ako na pumunta sa canteen kahit wala naman akong balak pumunta doon. Hay, naku! Kung bakit kasi palagi akong napapansin ng matandang iyon. Hindi na lang tumingin hanggang gusto niya. Wala na sanang haplos sa balikat at talkies. Hindi ko man mabastos e halos murahin ko na siya nang tahimik. Naaawa rin talaga ako kasi palagi kong naaalala ang Papa ko pag nakakakita ako ng matandang katulad niya. Sabi kasi nila, noong bata-bata pa raw iyon e limitado ang kilos at hindi masyadong nakiki-pag-usap at lumalapit sa mga babae. Takot ata kay kumander. Pero ngayon, kung anu-ano na ang ginagawa at sinasabi. Late bloomer talaga si sir! Pauwi na siya ng alas kwatro at natanaw na naman niya ako na nakaupo sa room ng sekretarya (salamin kasi ang side walling ng kwarto). Buong akala ko e nakalagpas na at dumiretso na pauwi. Nagulat pa ako nang biglang bumukas ang pinto sabay sabing "Legs galore!" Halakhakan kaming tatlo nina Cathy at Mo. Mantakin mo nga naman ang pagkakataon, no? Iwas ka ng iwas, lapit naman ng lapit.

Posted by bingskee at 10:01 PM
Post Comment | Permalink

Newer | Latest | Older