LINKS
ARCHIVE
« October 2024 »
S M T W T F S
1 2 3 4 5
6 7 8 9 10 11 12
13 14 15 16 17 18 19
20 21 22 23 24 25 26
27 28 29 30 31
Saturday, 28 January 2006
Tricycle Blues
Mood:  blue
Now Playing: wala
Topic: Samu't Sari

Sobrang hirap talaga ang magbiyahe sa tricycle. May kalungkutan. Pero mapagtitiyagaan na rin kumpara sa siksikang MRT, LRT o bus.

Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, hindi maaaring hindi ako sumakay sa tricycle. Yun kasi ang pinakamabilis na ruta patungo sa aking pinagtatrabahuan. Ngayon, wala na ring bus na dumadaan sa may Baesa-Quirino Avenue kaya no choice.

Narito, Kuya Cezar, ang mga di makalimutang mga pangyayari tungkol sa mga biyahe ko:

1. Nang una akong sumakay sa tricycle, napuna ko na ang mga tambay sa may tindahan sa tapat ng istasyon ng tricycle ay nakatingin, hindi sa mukha ko, kung hindi sa binti at hita ko. Madalas tuloy hindi na ako nagsusuot ng paldang ‘above the knee’.
2. Napansin ko minsan na ang side mirror ng lintyak na drayber ay nakatapat din sa paanan ng upuan ng tricycle. Manyakis ang iba sa kanila. Ano naman kaya ang mapapala nila kung makita nila na me suot palang panty ang babaeng sakay ng tricycle?
3. Naranasan ko rin ang makasabay ang mga, take note, MGA, mamang kahilig ikiskis ang kanilang braso sa braso ng katabi nila. Minsan pa nga e naramdaman ko, dahil sa sobrang sikip ng tricycle, na sa tagiliran ko lumalanding ang siko o braso. Hindi ko alam kung sadya o hindi.
4. Walang pakialam kung magpatakbo ang mga ito. Nasagasaan pa nga minsan ang kaliwang paa ko at buti na lang hindi high heeled ang suot ko.
5. Kinabahan akong minsan nang muntik nang bumangga sa isang kotse ang sinasakyan kong tricycle. Bangag yata ang driver.
6. Bigla minsang nagsalita ang katabi ko sa tricycle at nagkuwento na para bang magkakilala kami. “Ma at Pa!” isip isip ko.
7. At nang bumababa ang isang pasahero, ang drayber ay walang panukli. Kailangan pang magpapalit ang pasahero sa isang tindahan. Ang sarap pag-untugin ang ulo ng dalawa: isang drayber na walang panukli at pasaherong buong P100 ang pinambayad. Parehong pasaway!
8. At dahil sa lubak-lubak ang kalsadang dinadaan, madalas ay nauuntog ang ulo ko sa bubungan ng tricycle o sa gilid. Hindi naman kasi lahat ng tricycle ay sosyal gaya ng iba na me alpombra pati kisame.

Naku, kung wala lamang color coding e di walang sakay-sakay ng tricycle at kung di mahal ang gasolina, nagpapasundo sana ako sa pag-uwi. Mas mahal pa kasi ang gasolinang mauubos kung magpapasundo pa. Sa umaga lamang ako kadalasang masaya dahil hindi na dadaan sa maputik na daan at hindi na sasakay ng tricycle.

Posted by bingskee at 3:50 PM
Post Comment | View Comments (6) | Permalink
Wednesday, 30 November 2005
Dapat Bang Maawa?
Mood:  crushed out
Now Playing: Sound clip ng Encantadia
Topic: Samu't Sari

Daang beses na akong nasaktan sa mga ginawa niya. Libong hiwa sa puso ang idinulot ng mga katarantaduhan niya. Hindi na siya bata pero nanghihingi pa rin ng pera, o inihihingi pa rin ng ina niya. Paulit-ulit na mga pangyayari. Ang naiiba lang ay ang lugar at oras. Ang mga tauhan at mga pangyayari ay pareho lamang. Meron pa palang naiiba – ang mga dahilan kung bakit nanghihingi ng pera.

Ewan ko ba pero hindi ko maisip bakit hindi ko siya nakatulad na hindi nangarap na maging iba – ang gamitin ang kakayahan upang hindi manghingi o magmakaawa para magkapera at matustusan ang mga pangangailangan. Hindi ko pinangarap na ako ay kaawaan, kasawaan at sa bandang huli ay kamuhian dahil sa walang tigil na panghihingi. Hindi ko pinangarap na maging PABIGAT. Paano kasi ay nakita ko ang pangit na mukha ng kahirapan – ang sakit na dulot nito, ang latay nito sa aking katauhan at ang kawalan ng halaga sa lipunang ginagalawan dahil sa kahirapan.

Nakakasawa ang mangaral lalo na at walang interes makinig at matuto ang pinangangaralan. Nakakagalit na patuloy na nanloloko ang tinutulungan, patuloy na walang pagbabago na iyon lamang naman ang inaasahang kabayaran – ang PAGBABAGONG BUHAY. Nakakaawa, oo. Pero nakakasawa din.

Nakakatawa na kung kailan huli na (may sakit na o wala nang kakayahan) ay saka pa lamang magtatrabaho. Paubos na ang lakas at kabataan ay saka pa magkukumahog na gumawa ng paraan para magkapera. Kung kailan ang panahon ay tila nagmamadaling magpaalam. Kung kailan ang mga taong tinatakbuhan at sinasandigan ay nauubos na rin ang kakayahang tumulong. Paano nga ay wala namang nagsasanga dito sa mundo. Lahat ay may hangganan.

Nasaan ba ang hiya mo? Mahigit nang tatlong dekada ang nagdaan. Pero nanghihingi ka pa rin sa mga kapatid mo na minumura mo, pisikal na sinasaktan, pinagbabantaan ang buhay o pinagsasalitaan ng mga bagay na hindi naman totoo. O inihihingi ka pa rin ng ina mo, na hindi mo naman lubusang iginagalang.

Nasaan ba ang utak mo? Sinayang mo lamang ito kasama ang lakas at panahon na dati ay nasasaiyo. Nasira na ba ito ng kawalan ng saysay ng buhay mo?

Nasaan ka na? Nasaan ka na ba? Sa totoo, makasarili ka kasi. Wala sa intensyon mo ang magsilbi o tumulong nang tapat. Ang mababaw mong pangarap ay manghingi at gumasta ng pera ng iba. Masarap sa iyo ang binibigyan. Pero sa totoo, mas masarap ang nagbibigay. Alam mo ba ito? Palagay ko, alam mo naman. Pero ayaw mong paniwalaan. Masyado ka kasing matalino. Matalinong hunghang.

Posted by bingskee at 8:52 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink
Thursday, 3 November 2005
Hoy, Lalake, Bakit Galit Ka sa Bading?
Mood:  chatty
Now Playing: sigaw ng mga audience sa laban ng Lakers at Nuggets (sa TV)
Topic: Samu't Sari

Karaniwang may dumadaan sa aming lugar na miyembro ng ikatlong kasarian (third sex). Iba-iba ang arte nila, me mahinhin, me garutay, me maingay, me nakukulapulan ng meyk-ap, at me naka-mini-skirt. Matuk mo?

Karaniwan din na maririnig mong binobola ni Papsie ang mga ito. Halimbawa, “Uy, ang seksi mo ngayon, a!” Pag inabutan ko ang ganoon, kukurutin ko sa gilid si Papsie at sasabihan na tigilan at baka mapikon. Sabi naman ni Papsie ay gustong-gusto naman ng mga bading iyon.

Hindi mahirap sa aking kabiyak ang makisalamuha kahit kanino, maging sa mga bading. Pero may mga lalaki rin akong nakikita at naririnig na suklam na suklam sa mga miyembro ng ikatlong kasarian. Makakita lamang ng isang bading e kulang na lang murahin ang mga ito. Meron ding hindi nakakatiis at minumura talaga. Meron namang hindi patas ang turing sa mga katulad nila. Sa madaling salita, mababa ang pagtingin.

Ang hindi ako mapalagay ay kung bakit may mga lalaking galit na galit sa mga bading. Kahit walang ginagawa sa kanila, kahit hindi nagsasalita o kumikilos, o nagpapakita ng kabadingan, gigil na gigil sila at halos ay isumpa. Minsan pa nga, gusto nang bugbugin. Nagdududa tuloy ako at baka me nasasaling sa kanilang pagkatao. Sabi kasi, ang BAWAT lalaki raw ay may 30% tendensiya na maging bading. Naisip ko tuloy baka naman sobra sa 30% ang tendensiya ng mga ganitong klase ng lalaki.

Para sa akin, dapat din namang igalang ang mga bading. Marami sa kanila ang magagaling at responsible. May mga lalaki nga diyan na hindi naman kayang magtrabaho o bumuhay ng isang pamilya pero lalaki raw sila. Kung papipiliin, mas gusto ko na ang responsableng bading kaysa sa isang iresponsableng lalaki.

Maituturing daw, sabi ng isang kaibigang bading, na tila isang sakit ang pagkabading. Hindi man daw naisin e iyon ang nararamdaman nila – taliwas sa nararamdaman ng isang tunay na lalaki at halos katulad ng nararamdaman ng isang babae. Kung ito ay isang sakit, palagay ko may lunas dito. Kaya nga, hindi kinakailangan ituring ang sitwasyon o kondisyon na may galit. Dapat samahan ng pang-unawa dahil sila rin ay nilalang sa mundong ibabaw. Tayong lahat ang bumubuo ng mundong ito.

Sinasabi rin na ang kabadingan ay isang sumpa. Kung ganoon, may kasalanan ba sila kung sila ay nadamay lamang sa isang sumpa? Hindi man nila gusto, sila ay biktima kung totoo nga na ang kabadingan ay isang sumpa ng mga nakaraang henerasyon.

Kailangan sigurong lawakan ang pang-unawa. Kahit anong aspeto sa buhay, kailangan ito. Kailangan siguro, kayong mga lalaki e mag-isip din kung ano ang gagawin ninyo sakaling kayo ang nasa sitwasyon.

Posted by bingskee at 10:14 PM
Post Comment | Permalink
Saturday, 15 October 2005
Saan Ba Nagsimula?
Mood:  chatty
Topic: Samu't Sari
Ang natatandaan ko nagsimula lang sa kuwento ni Kuya P** na ang bayaw niyang militar e magreretiro na at isang milyon yata ang matatanggap. Sabi daw ni R*****, “Yun e kung isa ang lang ang asawa niya.” Anim nga raw ang asawa ng bayaw niya.

Bumangka na si Kuya E**** at nagkuwento na ang isa sa mga janitor sa pinapasukan niyang unibersidad e nasayang ang 27 taon sa trabaho dahil sa kasong rape ng 12 taong bata. E, paano kaya nalaman sa unibersidad ang ginawa niya? Yun naman pala e kapatid ng kasamahang janitor ang 12 taong gulang. At hindi pala pwersahang rape. Napapayag ng manyak ang bata. Statutory rape ang kaso.

Sumagot ako na bakit kaya may ganoong mga lalaki. Umayon si Papsie at sabi nga raw ni R***** e bakit pa mang-re-rape e pumunta ka lamang daw sa probinsya nila sa Bisaya at painumin ang tatay, o bigyan ang mga magulang ng kahit na isang libo lang e me asawa ka nang batang-bata pa at sariwa. Naalala ko tuloy yung feature sa isang tv series tungkol sa isang ama sa Bicol na binuntis o ginalaw lahat ng anak na babae at me nabuntis pa. Isa sa mga anak ng walanghiyang lalaki e nasiraan pa ng ulo. Ipinakita rin ng programang nasabi ang kalagayan ng ama kung saan siya ay nanghihina na. Kung ako yun, sinakal ko ang taong iyon.

Napunta naman ang kwento kung saan nakadestino dati si Kuya P**. Naitanong ko kasi kung totoo ba na maraming nga bang mga babaeng commodity doon. Totoo raw, sabi ni Pareng E****. Me tawaran pa nga raw at me klase klase. Hanggang class C daw. Sabi nga raw ni I***, “Aba, me tyangge pala dito!”

Nakakatawa mang pakinggan ang mga aktwal na kwento, nakakaawa ang mga kalagayan ng mga batang babae, o ng mga babaeng biktima ng pagkakataon at walang kapangyarihang pang-ekonomiko. Sila ay nakakulong, wala mang rehas, sa sitwasyong lalo lang nagpapabaon sa kanila.

Posted by bingskee at 10:01 PM
Post Comment | Permalink
Saturday, 10 September 2005
Kulang sa Pansin
Mood:  irritated
Now Playing: soundtrack of LOTR
Topic: Samu't Sari

Natapos na rin ang halos mahigit isang linggong paghahanda para sa Surveillance Audit kahapon. Nakakapagod din at nakakapraning. Paano ba naman,e, ako ang endpoint ng lahat ng proseso at marami ang sa huli nagkumahog para kumpletuhin ang kanilang mga ulat at dokumento. Siyempre pa, huli na rin ako at nagkumahog na rin.

Sa nagdaang linggo, marami na naman akong natuklasang mga kasamahan sa trabaho na kulang sa pansin (KSP). Para kay Papsie, ang iba naman daw ay kailangan ng pansin, na totoo din naman. Wala bang pagkakaiba? Meron.

Kulang sa pansin itong si Pedro (di tunay na pangalan). Ang hilig kasing magmagaling hindi naman naiintindihan ang ibang pinagsasabi. Basta lamang may maibida. Napapahiya tuloy kasi nang tanungin kung ano ibig sabihin ng kanyang sinabi, e, di naman malinaw na maipaliwanag. Kulang din sa pansin itong si 'Sugo (short for Bisugo, kung bakit, e, 'wag niyo nang alamin). Pwede namang magsalita nang marahan at malinaw, e, bakit kailangang sumigaw at sumabay sa isang nagsasalita o nagpapaliwanag? Hindi makapaghintay o sadyang kulang na kulang sa pansin?

Kailangan ng pansin itong si McDonald. Palagi kasing napapansin na ako ay may pinapaboran. Dahil dito gumagawa siya ng kwento. Bakit daw kapag siya ang nagsasalita, e, iba ang reaksyon ko. Paano namang hindi mag-re-react, e, napakamalisyo niya. Kailangan din ng pansin ang mga Ms. Universe ng kompanya. Galit kasi sila 'pag me nasabing ibang maganda. Dapat sila lang. Ang sasagwa naman ng ugali.

Sa paligid naman ng aming tahanan..

Kulang din sa pansin ang isang manginginom na nang di matawag ng isang grupong nag-iinuman, e, nagsisintir ba naman. Nang maaya sa isang inuman, e, inilabas ang sama ng loob. At ang pangit pa kamo ng mga pinagsasabi. Hindi niya alam siya ang pulutan kinabukasan kahit wala nang alak. Totoo ang sinabi ni Tatay na ang isang manginginom daw ay sumasama ang loob pag hindi naaya. Ang babaw 'no?

Kailangan ng pansin ang batang si Angel. Siya ay napapalibutan ng mga matatandang masahol pa sa isang bata ang mga pag-iisip. Na-kick out sa eskuwela ang kawawang bata na kinamumuhian ng lahat ng kapitbahay dahil sa ugali. Salamat sa kanyang lolo na sabi sa kaklase ni Angel, "Sabihin mo sa titser niyo, gago siya!" Salamat din sa ina niya na nagtuturo ng 7 x 0 ekwals 7, na nang ituwid ng isang nakarinig ay nagsabi pa na, "'Wag kang maniwala, Angel, niloloko ka lang niyan!" Salamat din na sa tiyahin na nang malamang ibinagsak ang kaniyang pamangkin e nagbabalak ipabarangay ang titser. Paano matututo ng tama ang kawawang si Angel?




Posted by bingskee at 1:04 PM
Post Comment | View Comments (4) | Permalink
Tuesday, 9 August 2005
Kaberdehan
Mood:  chatty
Topic: Samu't Sari

Ang unang napuna ko sa pagawaang kinaroonan ko sa ngayon ay ang mga halaman at mga puno sa gilid ng mga pader nito. Kahit sa likuran ng mga opisina ay may mga halaman din. Ang sarap talaga sa mata ng kulay berdeng mga halaman. Kapag ako ay nababagot, lumalabas ako ng kwarto at namimintana upang tingnan lamang ang mga halamang ito.

Hindi naman ako maalam sa halaman. Ni hindi ko nga ma-identify ang puno ng mangga sa puno ng santol. Wala rin akong green thumb. Nagtataka nga ako na nabubuhay ang money tree na regalo sa akin noong kaarawan ko. Dinidiligan ko lamang kasi at hindi ko hinahawakan ang halaman at baka mausog.

Pero ang alam ko sa mga halaman ay yung natutunan ko sa elementarya na sila ay may berdeng kulay dahil sa chlorophyll –isang molekula na binubuo ng carbon at hydrogen.

Ano naman kaya ang bumubuo sa mga taong me berden utak? Nagbibiro lang po. Pero pagkaminsan nakakaaliw makinig ng mga kaberdehan, at mag-share nito. Huwag lamang akong isasama sa kwento, kayang-kaya ko nang sakyan ang mga ito. Kasama ang mga kwentong may pagkaberden sa listahan ng ipinagbabawal. Dapat lang namang ipagbawal lalo na iyong sobra ang pagkadetalyado, at wala nang iniwan sa imahinasyon.

Lahat naman ay may tinatawag na art. May art din sa storytelling. Mas ok kung may art ang bawat pagkukwento. Tatawang tiyak ang kausap mo, at bukod pa dun, maaaliw nang husto.


Posted by bingskee at 6:16 PM
Updated: Tuesday, 9 August 2005 6:59 PM
Post Comment | View Comments (6) | Permalink
Tuesday, 26 July 2005
Wala Nang Pag-asa
Mood:  crushed out
Topic: Samu't Sari

Hindi madali ang mabuhay sa mundo. Hindi ito simpleng matutulog ka, kakain, matutulog, kakain. Kailangan mong kumilos. Kailangang gamitin ang lakas, talino at kakayahan na ibinigay sa atin ng Diyos. Sabi nga sa Bibliya, ‘kung ikaw ay tamad, huwag kang kumain.’


Makatarungan ang Diyos. Hindi niya tayo ginawang parang robot na gagalaw kung kailan lamang Siya pipindot sa mga buton. Binigyan niya tayo ng kalayaang mag-isip, magsalita at kumilos ayon sa sariling kagustuhan. Pero, ang kalayaang ito ay madalas inaabuso. Nakakalimutan na ito ay ibinigay unang-una para sa kapurihan ng Diyos.


Sa kasalukuyan, kawalan ng pag-asa ang nararamdaman ko para sa kapatid kong lalaki. Sadya yatang may mga taong may diperensiya o iyong tinatawag na may personality disorders. Nakakahiya mang sabihin at halos ayaw mong aminin sa sarili na kapatid ka ng isang taong para na ring walang kuwentang maituturing.


Panganay ako sa magkakapatid, isinilang sa mundo kasama ang mga kapatid ko, na walang kalakip na plano para sa bawat isa sa amin. Yun bang tila iniluwal lang kami sa mundong ito nang ganoon lamang. Ang natatandaan ko, iniluwal kami para magbayad sa kanila sa pagpapalaki nila sa amin, sa pagtataguyod nila sa amin. Eto ang konseptong pinipilit isaksak sa utak namin mula nang kami ay maliit pa – lalung-lalo na ng ina ko.


Ang hindi ko maintindihan kung bakit sa aming tatlong mga babae lamang iniatang ang ganoong tungkulin. Ang kapatid kong lalaki, na mahigit tatlumpung taong gulang na ngayon, ay hindi inatasang tumulong para sa pamilya. Parang may obligasyon kami sa kanya. Kaya hayun, lumaking iresponsable, barumbado, kulang sa pansin, sinungaling, walang utang na loob.


Walang problema sa akin ang tumulong. Hanggang ngayon nga ay ako ang nagbabayad ng upa at kuryente ng bahay nila. Bukod pa roon, may mga iba pang pangangailangan na sa akin din hinihingi. Walang problema sa akin iyon. Pero hindi ka ba magsasawa kung ang tinutulungan mo ay hindi nagbabago? Kung halos wala ka nang maramdamang pag-asa para sa kanila? Na sa kabila ng pagtulong ikaw pa rin ang masama? Na ni minsan hindi mo naramdaman ang taos-pusong pasasalamat? At kaya lamang nagpasalamat noong mga nagdaan ay para lamang makabalik sa akin para humingi ng pera?


Sa kulturang Pilipino, close ang ties ng magkakapamilya. Sang-ayon naman ako sa konseptong ito. Sino pa ba naman ang unang-unang lalapitan kundi ang iyong kapamilya at kadugo? Pero hanggang saan ba dapat tumulong? Paano kung hindi na sila kumikilos at umaasa na lamang sa iyo? Paano ang sariling mong buhay? Paano ang sarili mong pamilya? Paano kung sapat lamang ang lahat para sa pamilya, anak at pang-araw-araw na buhay mo?


Wala akong matanaw na pag-asa para sa kapatid ko. Makasarili siya. Wala na ring iginagalang. Pero patuloy na ipinagtatanggol ng ina ko. Nakakagalit pero ayaw ko nang magalit. Namamanhid na yata ang damdamin ko at hindi ko na makilala kung ano na ang tunay kong nararamdaman.


Posted by bingskee at 9:01 PM
Updated: Wednesday, 27 July 2005 8:26 PM
Post Comment | View Comments (6) | Permalink
Sunday, 24 July 2005
Ang Nunal! Bow!
Mood:  caffeinated
Now Playing: huni ng lektrik fan
Topic: Samu't Sari

Humiling ang byutiful na si Nao na mag-post ako tungkol sa nunal. Dahil kyut daw ang nunal ko. (Nunal lang???) Eneweiz, wala naman akong alam sa mga kahulugan ng nunal. Ang natatandaan ko, e, me awit si Vincent Daffalong (na bagay na bagay sa kanya ang kanyang pangalan, mind you) tungkol sa nunal. Pero, pipol, di ko kabisado ang awit. Na-re-recall ko lamang ang tono. Pero hindi ang lyrics.


Ang sumusunod ay transleysyen sa wikang Pinoy ng mga kahulugan ng nunal. Naligaw ako sa site na ito. Hindi naman ako mapapaniwalain sa mga astrologo. Pero pagbigyan na natin ang kanilang ilang depinisyon. Kakaaliw din naman. Hindi ko sinasabi na maniwala kayo sa mga depinisyong ito.


ANG NUNAL

- SA KANANG BAHAGI NG NOO – ikaw ay biglang yayaman at tatanggap ng karangalan pagkatapos ng 35 taong gulang, ikaw ay kikilalanin.

- SA KANANG KILAY – ikaw ay ikakasal nang biglaan pero ang mapapangasawa ay maraming mabuting katangian at yayaman.

- SA KALIWANG BAHAGI NG KAHIT NA ANO SA NAUNANG BINANGGIT – ikaw ay mabibigo sa lahat ng balak mo sa pagnenegosyo.

- SA LABAS NA SULOK NG MATA – ikaw ay matatag at may mabuting disposisyon sa buhay ngunit magiging malagim ang kamatayan.

- SA KAHIT SAANG PISNGI NG MUKHA – ikaw ay hindi makakaangat sa katamtamang buhay pero di naman makakaranas ng tunay na kahirapan.

- SA ILONG – ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong balakin.

- SA LABI, SA ITAAS MAN O SA IBABANG LABI – ikaw ay mahilig sa mga magagandang bagay sa buhay, mabubuhay nang matagal at bibigay nang husto sa ngalan ng pag-ibig, ngunit mabubuhay rin nang matagal.

- SA BABA – ikaw ay yayaman at magkakaroon ng maraming kaibigan.

- SA GILID NG LEEG – ikaw ay makakaligtas sa pagkasakal, o sa isang malagim na aksidente, at pagkatapos ay mabubuhay nang matagal, at mapapamanahan.

- SA LEEG SA MAY BANDANG LALAMUNAN – ikaw ay yayaman pag ikaw ay nag-asawa.

- SA KANANG DIBDIB – ikaw ay makakaranas nang biglaang pagbabago mula kaginhawan tungo sa kahirapan sa di maiiwasang mga pagkakataon, magkakaanak ng puro mga babae, at mabubuhay nang matagal.

- SA KANANG BAHAGI SA TAPAT NG RIBS – ikaw ay magiging bulagsak, matalino

- SA KALIWANG DIBDIB – ikaw ay yayaman ngunit ikaw ay magiging mainitin ang ulo.

- SA ILALIM NG DIBDIB SA TAPAT NG PUSO – kung ikaw ay isang lalaki, ikaw ay palakaibigan, ngunit magulo ang isip, mahihilig sa sugal, magiging bulagsak at sobra tiwala sa sarili; kung ikaw ay isang babae, ikaw ay tapat sa pag-ibig, matalas ang isip at magkakaroon ng mabubuting mga anak.

- SA KANANG HITA – ikaw ay yayaman pagsapit mo ng 41 taong gulang at magkakaroon ng masaya at magandang pag-aasawa.

- SA KANANG TUHOD – ikaw ay magiging mapalad sa pagpili ng mapapangasawa, ngunit makakaranas ng ilang kalungkutan sa buhay.

- SA KALIWANG TUHOD – ikaw ay magiging pabigla-bigla sa desisyon at walang konsiderasyon, ngunit magiging simple, tapat at mababago tungo sa mabuting kaugalian.

- SA KAHIT SAANG BINTI – ikaw ay walang pakialam sa kahit anong mangyari.

- SA KAHIT SAANG SAKONG – kung ikaw ay lalaki, mahilig ka sa magandang pananamit; at kung ikaw naman ay babae, ikaw ay matapang, aktibo at masipag ngunit mainitin ang ulo.

- SA KAHIT SAANG PAA – ikaw ay magkakaroon ng biglaang pagkakasakit o hindi inaasahang trahedya.

- SA KANANG BALIKAT – ito ay nangangahulugan ng pag-iingat, paglilihim at karunungan.

- SA KALIWANG BALIKAT – ito ay nangangahulugan ng katigasan ng ulo, at isang hindi makontrol na tao.

- SA KANANG BRASO – ito ay nangangahulugan ng kalakasan at di masukat na katapangan.

- SA KALIWANG BRASO – ito ay nangangahulugan ng pagwawagi sa anumang laban at tagumpay sa larangan ng pananalapi.

- SA KAHIT SAANG SIKO – ito ay nangangahulugan ng kawalan ng kapayapaan at hindi panatag na pag-uugali.

- SA TAPAT NG PUSO – ito ay nangangahulugan ng kasamaan at katusuhan.

- SA TENGA – ito ay nangangahulugan ng kayamanan at paggalang.

- SA TIYAN – ito ay nangangahulugan ng karangyaan.

- SA IBABANG BAHAGI NG KANANG TENGA – ito ay nangangahulugan ng pagkalunod.

- SA KANANG PAA – ito ay nangangahulugan ng karunungan.

- SA KALIWANG PAA – ito ay nangangahulugan ng kapahamakan dahil sa padalus-dalos na kilos.

- SA KAHIT SAANG BAHAGI NG LEEG – ito ay nangangahulugan ng sakit sa iyong pagtanda.

- SA KAHIT SAANG BAHAGI NG BABA – ikaw ay may kahanga-hangang disposisyon, masipag, magtatagumpay, at magkakaroon ng maraming kaibigan.

Nyay! Kakatakyut naman ng ibang depinisyon, ano? Pero wala akong kinalaman diyan, ha? Ikumpara n’yo na lamang at sabihin sa akin kung swak ang depinisyon sa inyo, oke?


Posted by bingskee at 11:41 PM
Updated: Sunday, 24 July 2005 11:57 PM
Post Comment | View Comments (3) | Permalink
Monday, 18 July 2005
Panayam ng Isang Makulit
Mood:  mischievious
Now Playing: Say Hello
Topic: Samu't Sari

Si Isabelakulit ay “pumatol” sa isang tag. Nakisali din ang kanyang irog na si Spartacus. Nang una kong mabasa ang palitan ng sulat ng dalawang ito sa Kablogstusangpinoyay natawa ako. Paano ba naman, si Bel ay ang tipikal na Filipinang diretsong magsalita at walang paliguy-ligoy. Habang ang kanyang irog naman ay tipong demure at classy. Isa pa sa nakaka(b)aliw, si Bel ay sumusulat o sumasagot sa wikang Filipino at si S(partacus) naman ay sumusulat o sumasagot sa wikang Ingles. Nalaman ko na lang lately na si S pala ay galing sa isang royal family (joke joke) at ang lengguwaheng ginagamit nila sa loob ng bahay ay Ingles. Garantisado namang pampaalis ng kabag ang mga sulat ni Bel kaya bisitahin ninyo kapag me oras kayo.

Pinili kong sagutin sa wikang Pinoy ang kanyang panayam, pwede rin siyang sagutin sa Ingles:

What are the things you enjoy, even when no one around you want to go out and play?

Transleysyen: Anu-ano ang mga bagay na gusto mong gawin, kahit na walang gustong sumama sa iyo para maglaro?

Ang Gamitin ang Imahinasyon. Mas masaya minsan ang maglaro na gamit ang imahinasyon. Dito, pwede kang maging prinsesa o reyna at walang kokontra. Pwede ka ring maging tsampiyon sa swimming; sa totoo, super duwag ako pagdating sa paglangoy. Pa’no ba naman yung lintyak na kaklase at bespren kong si Diane, e, itinulak ako sa pool. Nagkakakawag tuloy ako at kinapitan ang lahat ng makakapitan. Buti hindi naubos ang buhok ni Nieva ha ha ha at hindi naputol ang binti nung isa pa. Pwede ka ring maging superganda at pinipilahan ng mga naggwa-gwapuhang mga suitors. Op kors naman, ito ang imahinasyon ko nung wala pa sa buhay ko si Papsie. Pwede ka ring maging isang superhero (o mutant?) na me super powers at isang dutdut mo lang sa mga taong kinaiinisan o kinaaasaran, voila! dis-appear na ang karakas nila sa daigdig na ito!

Ang Maglinis ng Bahay, o ng Silid-Tulugan, o ng CR. Para ka na ring naglalaro kapag naglilinis ng bahay, ng silid-tulugan, o ng CR. Ikaw palagi ang panalo dito. Este, ako pala. Ako nga pala ang ini-interview dito he he

Ang Magluto. Sa totoo lang, nang kami ay naging mag-asawa ni Papsie, ang kaalaman ko sa pagluluto ay kakaunti lamang. Naalala ko ang mapait na karanasan ko, Ate Charo, nang ako ay unang mag-attempt na magluto ng ginisang sayote. Pagkarami ng aking niluto. Si Papsie lang ang tumikim. Nang tikman ko, hindi naman masama ang lasa, pero Diyos ko, day! nalabog ang sayote, pagkalambot – overcooked! Hindi mo naman sila masisisi dahil pamilya sila ng masasarap magluto. Matagal na panahon bago ko sinubukan ang magluto uli. Ngayon, masasabi ko na maning-mani pala ang pagluluto. Olweys, pag ako ang nagluluto, eto ang koment – “Ma, ang sarap nito, a!” Yung biyenan ko, hindi madali sa kanya ang pumuri. Tingnan mo na lang kung paano niya nilalantakan ang pagkaing niluto ko, dun mo na lang malalaman kung ano ang koment niya.

What lowers your stress/blood pressure/anxiety level? Make a list, post it in your journal. Transleysyen: Ano ang nakakapagpababa ng stress/blood pressure/anxiety level mo? Ilista mo at ilagay sa iyong journal.

Pagtatalik. In English, sex. Tulad ni Sabel, pantanggal o pampabawas ko rin ng stress ito. Masarap unti-unting damhin ang egg-citement stage. Dito mo mararamdaman ang sex flush, at ang unti-unting pagbilis ng tibok ng pulso at ng BP. Dadaan ka rin sa plateau stage, orgasmic stage at resolution stage. “Solved” ka na pagkatapos. (at nag-lecture pa ako)

Panonood ng Encantadia at Atticat. Maka- GMA 7 si Daryl ko. Kaya ako ay naipakilala sa mga tauhan ng mga tele-novelang ito. Hindi naman ako mahilig sa mga ito. Sobrang korni at walang sense kasi yung iba. Pero nagustuhan ko ang dalawang ito. Yung Encantadia, hindi pa man maaaring ihilera sa mga obra ng mga dayuhang palabas pero hindi na masama kung kakayahan ng Pinoy ang pagbabasehan. Ang bilib ako dito ay ang mga costumes. Gumamit din sila ng mga pangalang kakaiba at iba naman ay galing sa mitolohiya gaya ng Perenna at Hathor. Yung Atticat naman ay isang nobela ng mga Koreano. Hanga ako sa pagiging tapat ni Noreen sa sarili. Si Noreen ang bidang babae dito. Pero minsan, mukha rin siyang tanga rito.

Datung. Hindi naman yung sobra. Ang mabayaran ang mga kautangan ay safat nang pampababa ng stress o anxiety level. Ang magkaroon ng safat para sa araw-araw na gastusin at para sa mas mahahalagang gastusin (gaya ng tuition fees, atbp) na hindi manggagaling sa panghihingi, panloloko o panggagantso. Clean money, ika nga.

Ang Presensya ng Isang Kaibigan. Friends, di nyo lang alam kung ano ang naidudulot niyo sa akin. Kung naryan ang isang kaibigan, ang bigat ng mundo ay hindi mararamdaman. Me tutulong kasi sa iyo sa pagbubuhat he he Ang isang kaibigan na nagsasabing “Ang taba mo na, magdyeta ka na!” na mararamdaman mo ang sinseridad at hindi ang pamimintas ay tunay na inspirasyon. Ang isang kaibigan na walang kyeme sa sarili, walang arte, in short, at totoo sa sarili ay hindi ko pagsasawaan. Ang isang kaibigan na walang kayabang-yabang kahit na ba mas magaling siya sa iyo ay isang inspirasyon. At ang isang kaibigan na handang dumamay at makinig sa tele-novela mo, habang pinapakinggan mo rin ang sa kanya, ay sangkap ng buhay na di mo pwedeng alisin o balewalain. Sila ay mga pills na pampababa ng stress/anxiety level.

Mga Nakakatawang Blogs. Laughter is the best medicine, ‘ika nga. Kelangan paminsan-minsan tayong humalakhak. Kahit sang parte ng buhay, kelangan me comedy. Isa yun sa dahilan bakit na-in-love ako kay Papsie. Sabi ko sa sarili ko, di magiging dull ang moments ko with him. Ganun din sa mundo ng blogging. Kelangan din nating pasyalan paminsan-minsan ang mga blogs na pampabawas ng stress. Dapat nga lang e mag-isa kang magbasa at baka maperhuwisyo mo pa ang nasa paligid mo pag me lumabas mula sa yo dahil sa kakatawa. Una kong kinabaliwan ang blog ni Batjay . Daring, at may pagka AB Normal. Pero carry naman niya at intelligent siya, ha. Nang magawi ako sa blog ni Bel, meron din palang female version si Batjay, isip-isip ko, pero mas tame naman siya. Ang nagustuhan ko kay Bel, hindi siya yung tipong nagpipilit. Kamakailan nagawi ako sa blog site ni Mikey at di ko na matandaan kung paano ako nakarating sa blog niya. Ingles ang lengwaheng ginagamit niya. Pero nalaglag ang panty ko este ang aking kilay nang mabasa ko ang content. Sounds foreigner siya pero click sa akin ang mga banat niya. Enjoyable ang experience, pampababa ng cholesterol aha ha ha ang layo na yata ng nasabi ko.

Gaganti ako! Gaganti ako! Ha ha ha…

Sana ay patulan din nila (pero ok lang kung ayaw – jaz lemme know Y):

Batjay; Mikey; Ka Uro; Patrice; at Jaleesa


Posted by bingskee at 11:37 AM
Updated: Monday, 18 July 2005 11:55 AM
Post Comment | View Comments (8) | Permalink

Newer | Latest | Older