Mood: chatty
Now Playing: diskusyon ni Kay at Daryl
Topic: Ang Maging Babae
Iba-iba ang kagandahan ng mga babae. Depende pa nga ito sa tumitingin. Iba-iba rin ang persepsyon ng tao, mapababae o mapalalaki, dito. Sa dami ng nakasalamuha kong tao, mas maganda ang babae na hindi lamang maganda sa panlabas na kaanyuan. Ang mabuting ugali ng mga babaeng ito ang lalong nagpapaganda sa kanya.
Naisip kong isulat ito dahil sa kasalukuyan kong obserbasyon.
a. May mga babae na hindi na kailangang pilitin ang kanyang pagiging maganda. Kahit ano ang suot niya, simple man at “walang tatak”, lumalabas ang kanyang kagandahang pisikal. Minsan, mata ang nagdadala, minsan ang ngiti naman, o di kaya ang postura ng katawan.
b. May mga babaeng maganda sa paningin, lalo na sa mga kalalakihan, sa sobrang laki ng isang partikular na parte ng katawan. Kapag ekstraordinaryo ang laki ng boobs o puwet, isang matatawag na kagandahan ang mga ito kahit na hindi ganoon kaganda ang mukha.
c. May mga babae namang kailangang palamutian ang katawan para lamang magmukhang maganda – kulapulan ba naman ng katakot-takot na meyk-up ang mukha pag di pa naman natakpan ang mga dapat takpan. Lagyan ba naman ang kung saan-saang parte ng katawan ng mga alahas na kumikinang pag di pa naman nadamay ang mukha at hitsura at magmukhang maganda.
d. May mga babae namang sa porma dinadaan ang pagiging maganda. Ternong damit at sapatos, isama mo na ang bag. At huwag ka, kailangan kilalang brand. Para namang tatanungin ko kung ano ang tatak ng kanilang damit. Kinabukasan, nagrereklamo sa presyong P15 ng inorder na pansit.
e. May mga babaeng gumaganda sa pagiging malambing, mabait, at marunong makisama. Sa madaling sabi, ang kanyang mabuting ugali, disposisyon at pakikitungo sa iba ang mas higit na nakikita kaysa sa kanyang panlabas na kaanyuan. Meron namang iba na gumaganda sa talentong taglay.
Parang gusto kong ipaskel sa bulletin board namin ito. Para mabasa ng mga ilang kababaihan sa aming kompanya. Sobra ang superiority complex ng mga babaeng iyon na ang akala yata, e, pang-Miss Universe na ang kanilang beauty. Hindi ka babatiin ng mga iyon pag di ka unang bumati. Palaging nakasimangot at nakataas ang noo (kasi feeling siguro sila na ang pinakamagagandang hayop sa balat ng lupa). Pero tanungin mo kung ano ang komentaryo ng mga nauna pa sa akin sa kompanyang ito at ng mga kasalukuyang nakakasalamuha ng mga ito – suplada, walang modo, hindi marunong makipag-usap sa telepono, napakahina ng communication skills, minsan ang hina pa pumik-ap ng mga jokes at instruksyon, at nakikinig sa mga tsismis at pumapatol na tila walang sariling bait.
Hindi maganda sa isang babae ang magsalita nang laban sa kapwa niya. Pero ang mga obserbasyong ito ay totoo at hindi lamang obserbasyon ng isa kung hindi ng marami. Hindi naman siguro masama ang mag-obserba. Ang masama ay ang magpatuloy ang mga ito sa kagaspangan ng kanilang mga ugali. Sampol – tinawagan mo ang isa sa mga beautiful na iyon, ibinigay mo ang instruksyon at bigla nitong ibinaba ang telepono ng walang paalam. Ano ang gagawin mo kung sa iyo ginawa iyon?
May kumalat na isyu sa kompanya na wala naman silang kinalaman. Pumunta sa departamento nila ang taong sangkot sa isyu at pinaringgan. May sasama pa kaya sa pag-uugaling iyon?
Sabi ng isa sa mga bosing, nasa breeding daw iyon, nasa pagpapalaki ng magulang, at kung saan din daw lumaki. Binanggit pa ng bosing na sa ***** raw kasi lumaki. Para sa akin walang kinalaman kung saan lumaki ang isang tao. Nasa isang tao talaga kung paano siya sa kanyang pakikisalamuha sa iba. Kung siya ay bastos, iyon ay dahil gusto niyang maging bastos. Kung OK ang PR niya, iyon ay dahil gusto niya ang maging OK ang PR. Marami din namang dahilan kung bakit nagkakaganoon ang ugali ng isang tao. Hindi rin lahat ng pinalaki ng maayos ng magulang ay nagiging maayos ang kinahihinatnan. Isa ang mga impluwensiya ng kung sinu-sino at anu-ano ang humuhubog sa bawat isa sa atin.
“Ang ganda mo!” Sarap pakinggan, di ba? Pero huwag sanang umakyat sa ulo at isipin na higit ka na sa iba at pang-Miss Universe ka na.