Mood: chatty
Now Playing: a boring stand up comedy at Jack channel
Topic: Tagahalakhak
Sa hirap ng buhay ngayon, pati ang mga kompanya ay nag-iisip ng kung anu-anong paraan para makatipid. Dito sa pinapasukan ko ay matagal nang inumpisahan ang pagtitipid. Ito ay naging topic sa kantina ni Aling Thelma. Kasama ko sa balitaktakan sina Rey, Mila at Margie isang hapon nang kami ay nag merienda.
Unang naging hakbangin sa pagtitipid ay ang pagpapanatili ng kasalukuyang bilang ng mga empleyado kahit na may nag resign na. Ang mga managers ay hindi na pinalitan pero ang mga supervisor na siyang pumalit ay hindi naman na promote bilang manager. Kung nadagdagan man ang sweldo, hindi rin ganoon kalaki. Ang mga taong nawala sa produksyon ay hindi na rin pinalitan. Ang ibang trabaho ay idinagdag sa naroon pa o kinukuha ang serbisyo ng mga emergency workers na below minimum ang sahod at pwede pang patigilin kahit anong oras gustuhin ng namamahala o ng may-ari.
Pangalawa ay ang pagpigil sa OT. Kung sabagay, malaking bagay ito sa pagtitipid. Aminin man ng iba, o hindi, marami ang nasasayang na oras na binabayaran sa rate ng OT. Ang problema nga lamang, madalas ay walang mayakag na mag-OT ng pautay-utay. Ipinagtataka ko rin naman kung bakit tinatanggihan ng iba ito e dagdag sahod din naman iyon kahit na nga kakapiranggot.
Pangatlo ay ang pagbili ng mga mas murang gamit sa opisina na hindi rin naman nagtatagal. Sundan pa ito ng pagbabawal na magrasyon ng tissue paper sa bawat departamento. Matagal na ring walang air freshener o Baygon para sa bawat departamento.
Napunta ang topic sa tissue paper. Tinanong ako ni Margie bakit nawala. Ipinaliwanag ko naman – ito ay sa dahilang nakita yata na maganda ang tissue paper na ginagamit nang minsan manghingi ang panginoon. Naghinala na baka mahal kung kaya ipinag-utos na itigil na ang rasyon ng libreng tissue paper.
Nakakalusot si pren Mila dahil idinadahilan niya na kailangan niya ng “panlinis ng tubo” sa laboratoryo. Nakapasa naman. Sa kabilang banda, Si Rey ay may suhestiyon bilang pamalit sa tissue paper. Titigan nyong mabuti ang larawan sa ibaba at isipin kung paano gagamitin. Iihit ka ng tawa kapag nagpagtanto mo na. Siyangapala, dapat kaliwang kamay ang gamitin.