PAANO BA MAGING ISANG MAHIRAP?
Mood:
quizzical
Topic: Ang Lipunan
Sabi ni Nanay, karamihan sa mga mahihirap o naghihikahos o yung mga walang pera, ay talusaling, konti mo lang masaling ang pride, e sobra nang nasasaktan. Kahit na sa maliliit na bagay, nasasaktan, nagdaramdam, nagrerebelde, naaawa sa sarili. Totoo naman palagi ito.
Pero kung iisipin, pwede namang hindi maging mahirap o naghihikahos o mawalan ng pera ang isang tao HABAMBUHAY. Ang obserbasyon ko lang, marami sa mga mahihirap, lalo na sa ngayon, ang nakuntento na lang na maging mahirap. Sa totoo lang, marami akong nakikita at kilala na naghihirap na nga, wala pang ginagawa, kuntento na lang na nakatunganga sa buong maghapon, at naghihintay ng awa ng iba. Maririnig mo rin sa kanila na wala silang kapera-pera. Hindi naman masama ang tanggapin ang katotohanan, pero ang tanong e ano ba ang ginagawa mo sa kasalukuyan mong sitwasyon?
Sa totoo lang, ginagamit din ng mga mahihirap na ito ang kanilang sitwasyon para magkapera nang walang kahirap-hirap, laway lang ang puhunan kung baga. Ikinukuwento ang lahat ng kakulangan, pagkasalat at kawalan ng kung anu-ano para maawa ang pinagsasabihan, para magbigay ng pera. Ang nakakalungkot, ang mga nagbibigay ay patuloy na naaawa at patuloy na nagbibigay habang ang mga nanghihingi ay nakahilata lamang sa buong maghapon. Hindi rin naman kaya kadalasan ng nagbibigay ang kanilang kunsensiya – at ito ay sinasamantala.
Sabi nga ng aking pinsang si Macky, walang problema ang tumulong, pero sana tinutulungan din nila ang kanilang sarili. Tama naman, di ba? Ang sarap ng pakiramdam kapag ang tinulungan ay umangat, nagsikap makaahon sa kinalalagyan, o nagsikhay para umasenso at hindi na umasa sa iba.
Ang Diyos ay nagbigay ng utak, talino at lakas sa lahat ng nilalang niya. Ano ba ang dapat gawin sa mga ito? Hindi ba dapat lamang na gamitin? Sayang kung nakatengga lamang ang mga ito. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat.
Isa pang kapansin-pansin sa ilang mahihirap o walang pera, hindi marunong lumugar. Wala na ngang pera, ayaw pang tumulong, ni ayaw gumalaw para magbigay ng serbisyo, iyong kusang pagsisilbi. Mas magaan kasi ang tumulong kung nakikita mo na marunong namang makisama. Hindi iyong ang tumutulong pa ang nakikisama.
Ang napakasaklap pa sa mga mahihirap na tinutulungan ay iyong kawalan ng utang na loob. Ilan na ring istorya na hango sa tutuong buhay ang alam ko tungkol dito. Sa lahat ng naitulong, hindi na nga nagpapasalamat hindi man lang natutong lumingon sa pinanggalingan. Meron pa sa mga ilan na konting sermon, o napagsabihan lang sa kamalian, e sila pa ang may gana na sumama ang loob (at tuluyan ng kalimutan ang LAHAT ng naitulong). Bulag sila sa katotohanan na kailangan silang pagsabihan para sa kanilang kabutihan. Hindi naman yata tamang isipin na dahil ikaw ay mahirap ay kailangan ka na lamang unawain nang unawain kahit sobra ka nang PALPAK.
Isa pang napakasaklap ay ang mga mahihirap na umaangat. May mga taong sa kabila ng kabutihang loob ng iba, nakukuha pang ikwento na umangat sila sa sarili nilang kayod o pagsusumikap, kinalimutan nang banggitin ang mga taong tumulong sa oras ng kanilang kagipitan. Ingrato, ano? Dapat nilang isipin na ang mga tulong (maliit man o malaki) na tinanggap nila noong mga panahong wala sila ang nagbigay sa kanila ng pagkakataon para marating ang kanilang kinalalagyan.
Hindi hadlang ang kahirapan para maabot ang mga pangarap. Kailangang magsikap sa anumang sitwasyon. Kahit na ang mga mayayaman, o iyong may kaunting kabuhayan ay kailangan pa ring maging patuloy ang pagsisikap. Hindi rin naman kailangang yumaman nang husto. Pero kailangang magsikap upang hindi umasa sa iba o maging pahirap sa iba.
Ang mga kabataang iniwan ng magulang, o sabihan ng biktima ng sitwasyon ay tutuong kailangang tulungan. Pero sa pagsapit nila sa tamang gulang, ang pagsisikap ay dapat na naroon upang hindi maging isang mahirap kundi isang indibidwal na may kakayahan.
Hindi ako mayaman, pero hindi na ako mahirap. Paano kasi ay marunong akong magsikap at magpagod para kumita ng ikabubuhay.
Posted by bingskee
at 10:01 PM
Updated: Saturday, 9 July 2005 9:03 PM