ANG AKING SI DANNY
Mood:
amorous
Topic: Ang Aking si Danny
Tapos na ang birthday ng aking Papsie (ang tawag ko sa aking kabiyak ng puso). Nalasing siya. Fundador lang naman ang pwede sa kanya kasi na-stroke siya. Ayaw ko noon pumayag na tumikim siya ng kahit na anong alak pero nang magbigay ng signal si Doc Rico, hayun at umarya na. Natuto tuloy akong uminom ng brandy. Mas malakas pa nga sa kanya kung minsan he he he basta Fundador lang.
Gumulong daw siya, sabi ng isang kainuman niya na dali-daling pumasok sa bahay dahil sa pag-aalala. Dali-dali rin akong lumabas at hayun siya at prenteng nakaupo na para bang walang nangyari, ngingisi-ngisi, lango na. Pinilit kong tanungin kung ano ang nangyari, hindi nagtapat, pinilit ibahin ang kwento at sinabing OK lang daw siya. Kinabukasan ko na nalaman na hindi naman daw siya pinatid o napatid ni Itoy, nawalan siya ng balansya dahil sa kaliwang binti niya (paralisado ang kaliwang bahagi ng katawan niya).
Masaya siya sa selebrasyong nangyari. Gaya pa rin ng dati, maingay ang selebrasyon at ang karamihan ng ingay e galing sa kanya. Pag me karga na, lalo na siyang magulo. Magulo na masaya. Hindi naman nagwawala. Just want to have fun, ika nga. At lahat ay napapasaya niya, kahit na nga mga pang-asar at pang-iinsulto ang lumalabas sa bibig niya. Kilala na kasi si Dan ng mga kaibigan niya – palabiro, maingay, masayahin, mahilig mang-inis, mapang-asar.
Iyon ang nagustuhan ko sa kanya. Nang maging kaibigan ko siya noon at naging bf nang malaon, naitanong ko nga sa kanya, “Wala ka bang problema?”. Sumagot ng “Wala,” na taliwas sa inaasahan ko na “Meron naman.” Ganoon niya ituring ang buhay mula pa noon. Light, ‘ika nga. Nais niya lang palaging maging masaya.
Ang hindi alam ng nakakarami. Malalim na tao si Dan. Malalim ang diskarte sa buhay sa gitna ng kanyang kalagayan. Palagi siyang me alternatibo para sa isang problema. Palaging bukas ang isip sa pang-unawa kahit na hindi na kauna-unawa. Palaging nag-iisip na mabuti bago ang isang desisyon. Palaging tutulong kahit ganun ang kalagayan ng katawan (at daig pa ang isang buo ang katawan!). Palaging umaalalay sa amin pag kailangan siya. Marami siyang nagagawa na hindi nagagawa ng isang normal ang katawan.
Ano pa kaya kung normal ang kanyang katawan? Siguro ang layo na ng narating namin bilang isang pamilya. Siguro mas marami pa kaming matutulungan. Siguro mas marami pa kaming maibibigay. Siguro rin hindi second hand ang kotse namin. Siguro rin mas magandang pribadong eskuwelahan ang pinapasukan nina Kay at Daryl. Siguro puro na signature ang isinusuot naming damit, sapatos, atbp. Siguro mas madalas kaming kumain sa labas. Siguro mas marami pa kaming magandang gamit na mabibili.
Pero wala namang kabuluhan ang lahat kung wala si Dan. Walang halaga ang lahat ng magaganda sa buhay kung wala si Dan…
Posted by bingskee
at 11:01 PM