Mood: chatty
Topic: Samu't Sari
Ang unang napuna ko sa pagawaang kinaroonan ko sa ngayon ay ang mga halaman at mga puno sa gilid ng mga pader nito. Kahit sa likuran ng mga opisina ay may mga halaman din. Ang sarap talaga sa mata ng kulay berdeng mga halaman. Kapag ako ay nababagot, lumalabas ako ng kwarto at namimintana upang tingnan lamang ang mga halamang ito.
Hindi naman ako maalam sa halaman. Ni hindi ko nga ma-identify ang puno ng mangga sa puno ng santol. Wala rin akong green thumb. Nagtataka nga ako na nabubuhay ang money tree na regalo sa akin noong kaarawan ko. Dinidiligan ko lamang kasi at hindi ko hinahawakan ang halaman at baka mausog.
Pero ang alam ko sa mga halaman ay yung natutunan ko sa elementarya na sila ay may berdeng kulay dahil sa chlorophyll –isang molekula na binubuo ng carbon at hydrogen.
Ano naman kaya ang bumubuo sa mga taong me berden utak? Nagbibiro lang po. Pero pagkaminsan nakakaaliw makinig ng mga kaberdehan, at mag-share nito. Huwag lamang akong isasama sa kwento, kayang-kaya ko nang sakyan ang mga ito. Kasama ang mga kwentong may pagkaberden sa listahan ng ipinagbabawal. Dapat lang namang ipagbawal lalo na iyong sobra ang pagkadetalyado, at wala nang iniwan sa imahinasyon.
Lahat naman ay may tinatawag na art. May art din sa storytelling. Mas ok kung may art ang bawat pagkukwento. Tatawang tiyak ang kausap mo, at bukod pa dun, maaaliw nang husto.