Mood: lucky
Topic: Ang Lipunan
Noong a-uno ay pumunta kami sa Masambong. Taun-taon naming ginagawa ito. Bahagi ito ng aming hangarin ni Papsie na mapatibay ang relasyon sa mga kamag-anak.
Wala ang iba. Sarado ang bahay. Nasira tuloy ang aming iskedyul. Pero maaga kaming nakauwi. Nakapagpahinga pagkatapos.
Hindi ako maawat sa pagkuwento sa isang hindi makalimutang karanasan sa paglibot namin sa Masambong. Ang pumukaw ng aking emosyon ay ang batang si Bulak na kaapu-apuhan ng isang tiyuhin ni Papsie. Si Bulak ay isang batang maliit, mga magdadalawang-taong gulang na, mabilog pero hindi naman mataba, kayumanggi, matikas nang maglakad ang dalawa niyang paa na walang sapin.
Sa una ay bantulot lumapit ang bata. Nang malaon, siguro nang maramdamang wala akong gagawing masama sa kanya, ay nangunyapit na sa aking hita habang ako ay nakaupong nakikipagkwentuhan sa isa niyang lola, na pinsang makalawa ni Papsie. Hindi na siya humiwalay simula noon. Habang hinahaplos-haplos ko ang kanyang buhok at likod, titig siya ng titig sa akin. Ewan ko, pero bigla kong kinarga si Bulak at habang subu-subo niya ang kanyang daliri, ay inuguy-ugoy ko. Maya-maya pa ay papikit na ang kanyang mga mata.
Nalaman ko na si Bulak ay anak ng apo ng tiyuhin ni Papsie, sa ikalawang asawa, na isang kinse anyos na babae. Tatlong magkakapatid sina Bulak at ang panganay ay 6 na taon lamang. Ang masaklap ang amat’ina nila ay kapwa nakakulong sa bilangguan. Hindi malinaw ang salaysay tungkol sa dahilan ng pagkakulong. Nang-agaw raw ang ama ng cel phone, pero bakit kailangang makulong ng 6 na taon? Ang ina naman ay makukulong na 6 na buwan dahil nang-i-snatch ng kwintas. Sa pahapyaw na kwento, parehong lulong sa shabu.
Nakatulog ang tila munting anghel na si Bulak sa aking kandungan, subu-subo ang hinlalaki. Ni hindi nag-alala ang kausap ko na baka gutom ang bata. Nang sabihin ko na saan ba dapat matulog ang bata, kinuha niya nang hindi marahan ang bata. Naalala ko rin na sinabi niya na “Ayan, ampunin niyo na ang bata.” Marahil, mabigat na rin ang sitwasyon sa kanila dahil sila ang kumakargo sa limang anak ng mag-asawang iyon na parehong menor-de-edad.
Lahat ng bata, kung sabagay, sa lugar na iyon, ay halos pare-pareho ang sitwasyon. May mga magulang nga, pero parang wala naman. Ang mga magulang ay tila walang pakialam. Nang mga oras na iyon, hanggang sa pag-uwi namin, naiisip kong sana ako ay mayamang pilantropo at kukunin ko na lang ang lahat ng batang naroon. Sana isa akong anghel, na may kakayanang kunin ang lahat ng bata doon para iligtas sa mga buwitreng naroon. Nakaramdam pa tuloy ako ng pagkamuhi sa mga matatandang naroon.
Ang buong senaryo ay kabalintunaan ng buhay ni Kay at ni Daryl. Sayang si Bulak at wala akong sapat na kakayanang alisin siya sa ganoong lugar at sitwasyon. Pero para na rin akong kumukupkop ng mga tulad ni Bulak na walang masulingan, o matakbuhan, mga bata sa kaisipan na kailangan pa rin ng pag-alalay magpasahanggang-ngayon.